settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagpigil sa pagbubuntis o family planning?

Sagot


Ang tao ay binigyan ng karapatan ng Dios na "magparami at punuin ng mga anak ang buong daigdig" (Genesis 1:28). Ang pag-aasawa ay itinatag ng Dios bilang isang institusyon upang magparami at magpalaki sa mga bata. Ang nakakalungkot, ang mga bata sa ngayon ay kadalasang itinuturing na panggulo at pabigat sa buhay. Itinuturing sila na hadlang sa pagtatagumpay at sa pagkakaroon ng maraming kayamanan. Minsan ay itinuturing sila na nagpapababa ng katayuan sa lipunan. Kadalasan ang ganitong uri ng mga kasalanan ay ang ugat ng paggamit ng mga gamot na pumipigil sa pagbubuntis.

Salungat sa pagpipigil sa pagbubuntis, ang Bibliya ay naglalahad na ang mga anak ay kaloob ng Dios (Genesis 4:1; Genesis 33:5). Ang mga anak ay pamana mula sa Panginoon (Awit 127: 3-5). Ang mga anak ay pagpapala mula sa Dios (Lucas 1:42). Ang mga anak ay putong sa katandaan (Kawikaan 17:6). Pinagpapala ng Dios ang mga babaing baog at binibigyan niya ng anak (Awit 113:9; Genesis 21: 1-3; 25: 21-22; 30: 1-2; 1 Samuel 1: 6-8; Lucas 1:7, 24:25). Ang Dios ang bumubuo sa mga sanggol sa tiyan ng kanilang ina (Awit 139: 13-16). Pinili ng Dios ang bawat bata bago pa sila iluwal (Jeremias 1:5; Galacia 1:15).

Ang pinakamalimit na ginagamit na halimbawa sa Banal na Kasulatan tungkol sa pagbubuntis ay matatagpuan sa Genesis 38. Ito ay ang salaysay tungkol sa mga anak na lalaki ni Juda na sila Er at Onan. Napangasawa ni Er ang isang babaeng nagngangalang Tamar, subalit si Er ay napakasama kaya pinatay siya ng Panginoon. Naulila niya si Tamar na walang anak. Si Tamar ay ibinigay kay Onan na kapatid ni Er bilang asawa ayon sa batas ng pag-aasawa sa Deuteronimo 25: 5-6. Ayaw ni Onan na hatiin ang kanyang mana sa magiging anak niya kay Tamar sa ngalan ng kanyang kapatid, kaya isinagawa niya ang pinakalumang pamamaraan ng pagpipigil sa pagbubuntis, ang withdrawal o pagtatapon ng binhi. Ayon sa Genesis 38:10, "Ito'y kasuklam-suklam kay Yaweh kaya't pinatay rin siya." Ang layunin ni Onan ay sakim. Ginamit niya si Tamar para sa pansariling kaaliwan, subali"t tinanggihan niya na gampanan ang kanyang tungkulin alinsunod sa batas na kailangan niyang magbigay ng tagapagmana para sa kanyang namatay na kapatid. Ang mga talatang ito ay kadalasang ginagamit upang patunayan na hindi pinapahintulutan ng Dios ang pagpipigil sa pagbubuntis. Datapuwa't, hindi naman ang pagpigil sa pagbubuntis ang dahilan ng Dios upang patayin si Onan kundi ang kanyang kasakiman na hindi magkaroon ng kaagaw sa kanyang mana.

Napakahalaga na tingnan natin ang mga bata ayon sa paningin ng Dios hindi ayon sa sinasabi ng mundo. Hindi ipinagbabawal saBibliya ang pagpipigil ng pagbubuntis. Hindi ang pagpipigil sa pagbubuntis ang nagpapasiya kung ito at mali o tama kundi ang layunin sa likod niyon. Ayon sa ating natutunan kay Onan, ang layunin sa pagpigil ng pagbubuntis ang nagpapasiya kung ito ba ay tama o mali. Kung ang mag-asawa ay gumagamit ng pampigil sa pagbubuntis upang magkaroon ng mas maraming kayamanan para sa kanilang sarili ito ay mali. Kung ang mag-asawa ay gumagamit ng pampigil sa pagbubuntis upang pansamantalang ipagpaliban ang pagkakaroon ng anak hanggang sila ay magkaroon ng mas matatag na pinansyal na katayuan at para sila lumago sa espirituwal, ang pagpipigil sa pagbubuntis ay maaari kahit sa maikling panahon. Muli, babalik pa rin tayo sa motibo o layunin.

Ang Bibliya ay nagtuturo na ang pagkakaroon ng mga anak ay isang mabuting bagay. Ang Bibliya ay "umaasa" na ang mag-asawa ay magkakaroon ng mga anak. Ang kawalan ng kakayahang magkaroon ng anak ay laging inilalarawan na hindi mabuting bagay ayon sa Banal na Kasulatan. Wala ni kahit isa mang talata o tao sa Bibliya na nagpapahayag na ayaw nilang magka-anak. Kaugnay nito, hindi maaring ipaglaban mula sa Bibliya ang pananaw na mali ang paggamit ng pagpipigil sa pagbubuntis kahit sa maikling panahon lamang. Ang bawat mag-asawa ay kinakailangang saliksikin ang kalooban ng Panginoon kung kailan nila gustong magkaanak at kung ilan ang nais nilang maging anak.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagpigil sa pagbubuntis o family planning?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries