Tanong
Dapat bang magpadoktor ang Kristiyano?
Sagot
May ilang mga Kristiyano na naniniwala na ang pagpapagamot sa doktor ay pagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa Diyos. Sa grupo ng "Word of Faith" ang pagpapakonsulta sa manggagamot ay itninuturing na kawalan ng pananampalataya at siyang magiging dahilan upang hindi umano pagalingin ng Diyos ang isang tao. Sa grupo naman ng "Christian Science" ang pagpapadoktor ay karaniwang itinuturing na hadlang sa espiritwal na enerhiya na ibinigay ng Diyos upang pagalingin ng sarili ang katawan ng tao. Ang lohika sa mga paniniwalang ito ay kulang sa sustansya. Kung ang iyong sasakyan ay nasira, pupunta ka ba sa mekaniko upang ipaayos iyon o maghintay sa Diyos na gumawa ng himala? Kung ang gripo sa iyong bahay ay nasira, hinintayin mo ba ang Diyos na saraduhan ang tagas o tatawag ka ng tubero? Kaya ng Diyos na ayusin ang isang sasakyan o tapalan ang tagas ng gripo gaya din naman na kayang kaya niyang pagalingin ang ating mga katawan sa taglay nitong karamdaman. Ang katotohanan na kaya ng Diyos gumawa ng himala ng kagalingan ay hindi nangangahulugan na lagi tayong aasa sa himala sa halip na humingi ng tulong sa mga taong may karunungan at binigyan Niya ng kakayahan.
Binanggit ang manggagamot sa Bibliya ng may labindalawang beses. Ang isang talata na malimit gamitin ng mali sa konteksto para ipagbawal ang pagpunta sa manggagamot ay ang 2 Cronica 16:12 kung saan sinasabi "At nang ikatatlong pu't siyam na taon ng kaniyang paghahari, si Asa ay nagkasakit sa kaniyang mga paa; ang kaniyang sakit ay totoong malubha: gayon ma'y sa kaniyang sakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi ang mga manggagamot." Ngunit ang isyu talaga dito ay hindi ang pagkonsulta ni Asa sa mga manggagamot kundi ang hindi niya paghingi ng tulong sa Diyos. Kahit na sa ating pagkonsulta sa manggagamot, ang atin pa ring pananampalataya sa sa ating kagalingan ay sa Diyos at hindi sa tao.
Maraming mga talata sa Bibliya na bumabanggit sa "kagamutang medikal" gaya ng paglalagay ng benda sa sugat (Isaias 1:6), pagpapahid ng langis (Santiago 5:14), pagaaplay ng langis at alak (Lukas 10:34), pagtatapal ng dahon ( Ezekiel 4:12), paginom ng konting alak (1 Timoteo 5:23), at ang paggamit ng panghaplas, partikular ang panghaplas mula sa Galaad (Jeremias 8:22). Gayundin, si Lukas ang may akda ng Aklat ng mga Gawa at Ebanghelyo ni Lukas ay ipinakilala ni Pablo bilang isang "minamahal na manggagamot" (Colosas 4:14).
Sa Markos 5:25-30 ay nabanggit ang isang babae na nagdaranas ng patuloy na pagdurugo sa loob ng matagal na panahon, isang karamdaman na hindi nakayang pagalingin ng mga manggagamot anupat naubos na ang lahat ng kanyang pera sa pagpapagamot. Sa paglapit niya kay Hesus, naisip niya na kung kanyang mahihipo man lang ang laylayan ng Kanyag damit ay gagaling siya at nagawa nga niya iyon at siya'y gumaling. Ng tanungin si Hesus ng mga pariseo kung bakit nakikisalamuha siya sa mga makasalanan, sinabi Niya ", Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit." (Mateo 9:12). Mula sa mga talatang ito, makukuha natin ang tatlong prinsipyo tungkol sa pagkonsulta sa manggagamot.
1) Ang mga manggagamot ay hindi Diyos at hindi sila dapat kilalanin sa ganitong paraan. Maaari silang makatulong minsan ngunit maraming pagkakataon na ang tangi nilang nagaagawa ay ubusin ang ating pera.
2) Ang paghingi ng tulong sa mga manggagamot at paggamit ng mga "makalupang lunas" ay hindi ipinagbabawal ng Kasulatan. Sa katunayan ang kagamutang medikal ay sinasang- ayunan ng Bibliya.
3) Ang pagkilos ng Diyos sa kahit anong uri ng karamdamang pisikal ay dapat munang idalangin bagi ikonsulta sa manggagamot (Santiago 4:2; 5:13). Hindi Niya ipinangako na ibibigay Niya ang lahat ng ating kahilingan (Isaias 55:8-9) ngunit mayron tayong katiyakan na ang Kanyang ginagawa ay ayon sa Kanyang pag-ibig at lahat ng iyon ay para sa ating ikabubuti (Mga Awit 145:8-9).
Kaya, dapat bang magpatingin ang mga Kristiyano sa manggagamot? Nilikha tayo ng Diyos na mga matalinong nilalang at binigyan ng kakayahan na lumikha ng mga gamot na maaaring makapagpagaling ng mga karamdaman ng ating katawan. Walang masama sa paggamit ng ating karunungan at kakayahan para sa pisikal na kagalingan. Tingnan natin ang mga manggagamot bilang mga kaoob sa atin at kasangkapan ng Diyos upang bigyan tayo ng kagalingan. Sa kabila ng lahat, ang ating pananampalataya at pagtitiwala ay dapat na nauukol lamang sa Diyos at hindi sa mga doktor o gamot. Katulad ng ibang mahihirap na desisyon sa buhay, ipinangako ng Diyos na bibigyan Niya tayo ng karunungan kung hihingi tayo sa Kanya (Santiago 1:5).
English
Dapat bang magpadoktor ang Kristiyano?