settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagpupuri sa Diyos?

Sagot


Laging binabanggit ng mga Kristiyano ang salitang “pagpupuri sa Diyos,” at ipinaguutos ng Bibliya na ang lahat ng may buhay ay dapat na magpuri sa Diyos (Awit 150:6). Ang isang salitang Hebreo para sa salitang “pagpupuri “ay yadah, na ang kahulugan ay “pagpupuri, pasasalamat, at pagpapahayag.” Ang ikalawang salitang Hebreo na laging isinasalin sa Lumang Tipan sa salitang “pagpupuri” ay zamar, o “umawit ng papuri.” Ang pangatlong Hebreong salita na isinasalin sa salitang “pagpupuri” ay halal (ang ugat ng salitang halleluiah), na ang kahulugan ay “magpuri, magparangal, o itanghal.” Ang tatlong terminolohiya ay nagtataglay ng ideya ng pagpapasalamat at pagpaparangal sa isang karapatdapat sa pagpupuri.

Ang aklat ng Awit ay isang koleksyon ng mga awitin na puno ng pagpupuri sa Diyos. Ang isa sa mga ito ay ang Awit 9 kung saan sinasabi, “Ako'y magpapakasaya at magpapakagalak sa iyo: ako'y aawit ng pagpuri sa iyong pangalan, Oh ikaw na kataastaasan” (talata 2). Sinasabi sa Awit 18:3 na ang Diyos ay “karapatdapat sa papuri.” Pinupuri sa Awit 21:13 ang Diyos dahil sa kung Sino Siya at dahil sa Kanyang dakilang kapangyarihan: “Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan: sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.”

Ginamit sa Awit 150 ang salitang pagpupuri ng anim na beses. Binabanggit sa unang talata ang “lugar” ng pagpupuri - sa lahat ng lugar! “Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang Dios sa kaniyang santuario: purihin ninyo siya sa langit ng kaniyang kapangyarihan.

- Itinuturo sa sumunod na talata ang “dahilan” ng pagpupuri sa Panginoon: “Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang mga makapangyarihang gawa: purihin ninyo siya ayon sa kaniyang marilag na kadakilaan.”

- Binabanggit naman sa talatang 3–6 ang “paraan” ng pagpupuri sa Panginoon— sa pamamagitan ng iba’t ibang instrumento, sayaw, at ng lahat ng may hininga. Ang mga kasangkapan na lumilikha ng tunog ay maaaring gamitin sa pagpupuri sa Panginoon!

Sa Bagong Tipan, may ibinigay na mga halimbawa tungkol sa pagpupuri kay Hesus. Tinutukoy sa Mateo 21:16 ang mga nagpupuri kay Hesus habang nakasakay Siya sa isang asno patungo sa Jerusalem. Binabanggit naman sa Mateo 8:2 ang isang senturyon na nagpatirapa sa harapan ni Hesus. Sinasabi naman sa Lukas 24:32 na sumamba ang mga alagad kay Hesus pagkatapos na Siya’y mabuhay na mag-uli. Tinanggap ni Hesus ang pagpupuri at pagsambang ito bilang Diyos.

Ang sinaunang iglesia ay laging nagsasama-sama upang magpuri. Halimbawa, itinuon ng mga mananampalataya na miyembro ng unang iglesya ang kanilang atensyon sa pagpupuri (Gawa 2:42–43). Ang mga tagapanguna ng iglesya sa Antioquia ay nanalangin, sumamba at nagayuno noong kanilang italaga si Pablo at Barnabas para sa gawain ng pagmimisyon (Gawa 13:1–5). Kasama sa marami sa mga sulat ni Pablo ang mga pagpupuri sa Diyos (1 Timoteo 3:14–16; Filipos 1:3–11).

Sa katapusan ng mga panahon, ang lahat na mga hinirang ng Diyos ay magsasama sama upang walang hanggang magpuri at maglingkod sa Diyos. “At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin” (Pahayag 22:3). Dahil naalis na ang sumpa ng kasalanan, ang mga hinirang ng Diyos ay walang hanggang magpupuri sa Hari ng mga Hari. Laging sinasabi na ang ating pagsamba at pagpupuri sa Diyos dito sa lupa ay simpleng paghahanda lamang sa selebrasyon ng pagpupuri na magaganap sa walang hanggan kasama ang ating Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagpupuri sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries