Tanong
Dapat ba nating sambahin ang Banal na Espiritu?
Sagot
Alam natin na tanging ang Diyos lamang ang nararapat na sambahin. Tanging ang Diyos ang nararapat na tumanggap ng lahat ng pagsamba. Ang tanong kung dapat ba nating sambahin ang Banal na Espiritu ay simpleng masasagot kung masasagot ang tanong na, “Siya ba ay Diyos?” Salungat sa ideya ng ilang mga kulto, ang Banal na Espiritu ay hindi lamang isang “puwersa” o “kapangyarihan” kundi isang persona. Siya ay tinutukoy gamit ang personal na pangngalang panlalaki (Juan 15:26; 16:7-8, 13-14). Gumagawa Siya bilang isang persona na may personalidad - nagsasalita Siya (1 Timoteo 4:1), umiibig (Roma 15:30), nagtuturo (Juan 14:26), namamagitan (Roma 8:26), at marami pang iba.
Nagtataglay ang Banal na Espiritu ng kalikasan ng Diyos at ng mga katangian bilang Diyos. Hindi Siya isang anghel o tao sa esensya. Siya ay walang hanggan (Hebreo 9:14). Siya ay sumasalahat ng dako (Awit 139:7-10). Alam ng Banal na Espiritu ang lahat ng mga bagay; halimbawa: Alam Niya maging ang “malalalim na bagay ng Diyos” (1 Corinto2:10-11). Tinuruan Niya ang mga Apostol ng “lahat ng mga bagay” (Juan 14:26). Kasama Siya sa paglikha (Genesis 1:2). Sinasabi sa Kasulatan na ang Banal na Espiritu ay may malapit na kaugnayan sa Ama at sa Anak (Mateo28:19; Juan 14:16). Bilang isang Persona, maaari Siyang pagsinungalingan (Gawa 5:3-4) at pighatiin (Efeso 4:30). Gayundin, maraming mga talata sa Lumang Tipan na inilalapat sa Ama ang inilalapat din sa Banal na Espiritu sa Bagong Tipan (Ihambing ang Isaias 6:8 sa Gawa 28:25, at Exodo 16:7 sa Hebreo 3:7-9).
Ang Banal na Espiritu ay karapatdapat sa ating pagsamba. Ang Diyos ay “karapatdapat sa papuri” (Awit 18:3). Ang Diyos ay dakila at “karapatdapat sa ating pagsamba” (Awit 48:1). Inuutusan tayo na sambahin ang Diyos (Mateo:10; Pahayag 19:10; 22:9). Kaya, kung ang Espiritu Santo ay Diyos, ang ikatlong persona ng Trinidad, karapatdapat Siya sa ating pagsamba. Sinasabi sa atin sa Filipos 3:3 na ang mga tunay na mananampalataya, na tinuli ang mga puso ay sumasamba sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu at lumuluwalhati at nagagalak kay Kristo. Makikita natin dito ang napakagandang paglalarawan sa tatlong miyembro ng Trinidad.
Paano natin sasambahin ang Banal na Espiritu? Sa parehong paraan kung paano natin sinasamba ang Ama at Anak. Ang pagsambang Kristiyano ay Espiritwal at dumadaloy mula sa panloob na pagkilos ng Banal na Espiritu kung saan tayo ay tumutugon sa pagaalay ng ating buhay sa Kanya (Roma 12:1). Sumasamba tayo sa Espiritu sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Patungkol sa Panginoong Hesu Kristo, ipinaliwanag ni Apostol Juan na “ang tumutupad ng Kaniyang mga utos ay mananahan sa Kaniya. At dito'y nakikilala natin na Siya'y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na Kaniyang ibinigay sa atin” (1 Juan 3:24). Makikita natin dito ang kaugnayan ng pagsunod kay Kristo at sa Banal na Espiritu na nananahan sa atin, nagtuturo sa atin ng lahat ng mga bagay - lalo na ang ating pangangailangan ng pagsamba sa pamamagitan ng pagsunod - at sa pagbibigay sa atin ng kakayahan na magpuri sa Diyos.
Ang pagsamba mismo ay layunin ng Banal na Espiritu para sa atin. Sinabi ni Hesus na sumasamba tayo sa “Espiritu at katotohanan” (Juan 4:24). Ang Espiritu na nananahan sa atin ang Siyang nagpapatunay na tayo ay sa Kanya (Roma 8:16). Ang kanyang presensya sa ating mga puso ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na magpuri sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu. Tayo ay sa Kanya at Siya ay nasa atin, gaya ni Kristo na nasa Ama at ang Ama ay nasa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (Juan 14:20, 17:21).
English
Dapat ba nating sambahin ang Banal na Espiritu?