Tanong
Hinihingi ba ng Diyos sa mga Kristyano na sumamba sa araw ng Sabado?
Sagot
Sa Colosas 2:16-17, idineklara ni Apostol Pablo, "Kaya't huwag na kayong pasasakop sa anumang tuntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anino lamang ng mga bagay na darating at si Cristo ang kaganapan nito."
Gayundin naman, sinabi niya sa Roma 14:5 "May nagpapalagay na ang isang araw ay higit kaysa iba. May nagpapalagay namang pare-pareho ang lahat ng araw. Magpakatatag ang bawat isa sa kanyang sariling pasiya tungkol sa bagay na iyan." Ang mga talatang ito sa Bibliya ay maliwanag na nagpapakita na bilang mga Kristiyano, ang paggalang sa araw ng Sabado ay sang-ayon sa espiritwal na kalayaan, hindi isang utos ng Diyos. Ang pagsamba sa araw ng Sabado ayon sa Salita ng Diyos ay isang isyu na hindi dapat maging dahilan ng paghusga sa bawat isa. Ito ay isang isyu na dapat pagpasyahan ng isang Kristiyano ayon sa sukat ng kanyang pananampalataya.
Sa mga unang kabanata ng aklat ng mga Gawa, karamihan sa mga unang Kristiyano ay mga Hudyo. Nang magumpisang tanggapin ng mga Hentil ang kaloob na kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ni Hesu Kristo, nagkaproblema ang mga Kristiyanong Hudyo. Anong bahagi ng mga kautusan ni Moises at tradisyon ng mga Hudyo ang ituturo nila na dapat sundin ng mga Kristyanong Hentil? Nagpulong ang mga apostol at pinagusapan nila ang isyung ito sa isang pagpupulong sa Jerusalem (Mga Gawa 5). Ito ang naging desisyon: "Kaya't ang pasiya ko'y huwag nating ligaligin ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop na binigti, at ng dugo." Ang pagsamba sa Araw ng Pamamahinga o araw ng Sabado ay isang utos na hindi nakita ng mga apostol na kinakailangang sundin ng mga mananampalatayang Hentil. Kung ito ay napakahalaga, hindi maaaring hindi ito isama ng mga apostol sa mga utos ng Diyos na kanilang ipapagawa sa mga Hentil.
Ang isang karaniwang pagkakamali sa usapin ng paggalang sa Araw ng Sabado ay ang isyu ng pagsamba. Ang ibang grupo gaya ng mga Sabadista ay itinuturo na dapat na idaos ang pagsamba tanging sa araw ng Sabado lamang dahil ito diumano ay iniutos ng Diyos. Ngunit hindi ito ang esensya ng utos tungkol sa Araw ng Pmamahinga. Ang utos sa araw na ito ay huwag magtatrabaho ang sinuman (Exodo 20:8-11). Hindi makikita kahit saan sa Bibliya na inutos ng Diyos na ang araw ng Sabado lamang ang tanging araw sa pagsamba. Oo, ang mga Hudyo sa sa Lumang Tipan, Bagong Tipan at sa makabagong panahon ngayon ay ginagamit ang Araw ng Sabado para sa araw ng pagsamba ngunit hindi ito ang talagang ibig sabihin ng utos ng Diyos tungkol sa Araw ng Pamamahinga. Sa aklat ng Mga Gawa, kung binabanggit ang pagpupulong sa araw ng Sabado, ito ay patungkol sa pagpupulong ng mga Hudyo hindi ng mga Kristiyano.
Anong araw ba nagpupulong ang mga unang Kristiyano? Nasa Mga Gawa 2:46-47 ang sagot. "Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa templo, nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang tahanan, at nagsasalu-salong masaya ang kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng tao. Bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas." Kung may isang araw na nagkikita-kita ng regular ang mga unang Kristiyano, ito ay ang unang araw ng sanlinggo o araw ng Linggo hindi araw ng Sabado o Sabbath (Mga Gawa 20:7; 1 Corinto 16;2). Bilang paggalang sa pagkabuhay na muli ni Hesus sa araw ng Linggo, ang mga unang Kristiyano ay sumamba sa Panginoong Hesu Kristo sa araw ng Linggo hindi araw ng Sabado.
Mali ba ang sumamba sa araw ng Sabado, ang Sabbath ng mga Hudyo? Hindi! Dapat pa nga nating sambahin ang Diyos araw araw hindi lamang tuwing Sabado o Linggo! Maraming mga iglesia ngayon ang nagdadaos ng pagsamba tuwing araw ng Sabado at Linggo. Ito ang ating kalayaan kay Kristo (Roma 8:21; 2 Corinto 3:17; Galacia 5:1). Dapat bang mamahinga ang isang Kristiyano at sumamba sa araw ng Sabado? Kung nararamdaman niya na mabuti ito para sa kanya, walang masama doon (Roma 14:5). Gayunman, ang mga pinili na mamahinga at sumamba sa araw ng Sabado ay hindi dapat husgahan ang mga pinili na sumamba at mamahinga sa araw ng Linggo (Colosas 2:16). Sa ganito ding paraan, hindi dapat na maging katitisuran para sa mga sumasamba sa araw ng Linggo ang mga sumasamba sa araw ng Sabado (1 Corinto 8:9). Tinalakay sa Galacia 5:13-15 ang isyung ito, "Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa dahil sa pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Ngunit kung kayu-kayo'y magkakagatan at magsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo."
English
Hinihingi ba ng Diyos sa mga Kristyano na sumamba sa araw ng Sabado?