Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsamba sa mga ninuno?
Sagot
Ang pagsamba sa mga ninuno ay kinapapalooban ng mga gawa at paniniwalang pangrelihiyon gaya ng pananalangin at paghahandog sa mga espiritu ng mga namatay na kapamilya o kamaganak. Ang pagsamba sa mga ninuno ay matatagpuan sa maraming kultura sa buong mundo. Ang mga pananalangin at paghahandog ay ginagawa dahil pinaniniwalaan na ang mga espiritu ng mga namatay na kamaganak ay naririto pa rin sa mundo at nakakaimpluwensya sila sa hinaharap at sa buhay ng mga nabubuhay na kamaganak. Pinaniniwalaan din na ang mga espiritu ng mga namatay na kamaganak ay nagsisilbing tagapamagitan sa mga nabubuhay at sa Lumikha.
Hindi lamang ang kamatayan ang nagiisang kundisyon upang sambahin ang isang namatay na ninuno. Ang ninuno ay dapat na nagkaroon ng mataas na antas ng moralidad habang nabubuhay pa at kinilala sa lipunan upang maging karapatdapat sa pagsamba. Pinaniniwalaan na naiimpluwensyahan ng mga namatay na ninuno ang buhay ng mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng pagpapala o pagsumpa sa kanila, na sa esensya ay tulad sa ginagawa ng isang “diyos.” Kaya nga ang pananalangin sa kanila, ang pagaalay ng mga kaloob at pagbibigay ng mga regalo ay ginagawa upang pawiin ang kanilang galit at makuha ang kanilang pabor at pagpapala.
Ang mga ebidensya sa pagsamba sa mga ninuno ay natagpuan sa Gitnang Silangan partikular sa Jericho na tinatayang pitong siglo (7th century) ang edad bago dumating si Kristo. Isinasagawa din ito sa mga sinaunang kultura ng mga Griyego at Romano. Ito ay may napakalaking impluwensya sa mga relihiyon sa Tsina at Africa at matatagpuan din sa Japan at sa mga sinaunang relihiyon ng Amerika kung saan mas kilala ito bilang “pagpupugay sa mga namatay na ninuno.”
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsamba sa mga ninuno? Una, sinasabi ng Bibliya na ang espiritu ng mga namatay ay pupunta lamang sa dalawang lugar: sa langit o sa impiyerno at hindi sila nananatili sa mundo (Lukas 16:20-31; 2 Corinto 5:6-10; Hebreo 9:27; Pahayag 20:11-15). Ang paniniwala na patuloy na naninirahan sa mundo ang mga espiritu pagkatapos ng kamatayan at nakakaimpluwensya sa buhay ng mga tao ay hindi ayon sa Bibliya.
Ikalawa, hindi sinabi saanman sa Bibliya na ang mga patay ay nagsisilbing tagapamagitan sa Diyos at sa tao. Sa halip, itinuro sa atin ng Bibliya na si Hesus lamang ang binigyan ng Diyos ng ganitong gawain. Siya lamang ang isinilang, namuhay na isang banal, ipinako sa krus para sa ating mga kasalanan, inilibing, binuhay na mag-uli ng Diyos, nakitang buhay ng maraming mga saksi, umakyat sa langit, at ngayon ay nakaupo sa kanan ng Ama kung saan namamagitan para sa mga naglagak ng kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya (Gawa 26:23; Roma 1:2-5; Hebreo 4:15; 1 Pedro 1:3-4). May isa lamang Tagapamagitan sa Diyos at sa tao, at iyon ay ang Anak ng Diyos, ang Panginoong Hesu Kristo (1 Timoteo 2:5-6; Hebreo 8:6, 9:15; 12:24). Si Hesus lamang ang makagaganap ng gawaing ito.
Sinasabi sa atin ng Bibliya sa Exodo 20:3-6 na hindi tayo dapat sumamba sa ibang diyos maliban sa tunay na Diyos. Gayundin naman, dahil ipinagpapalagay na ang mga espiritista at manggagaway ay may kakayahang makipagugnayan sa mga patay, tahasan silang pinagbawalan ng Diyos na gawin ito (Exodo 22:18; Levitico 19:32, 20:6, 27; Deuteronomio 18:10-11; 1 Samuel 28:3; Jeremias 27:9-10).
Laging tinatangka ni Satanas na palitan sa Kanyang posiyon ang Diyos, at ginagamit niya ang mga kasinungalingan tungkol sa pagsamba sa mga namatay na ninuno upang dalhin ang mga tao palayo sa mga katotohanan tungkol sa Diyos. Hindi tama ang pagsamba sa mga namatay na ninuno dahil ito ay direktang pagsuway sa utos ng Diyos laban sa ganitong pagsamba at sinisikap nitong palitan si Hesu Kristo bilang nagiisang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsamba sa mga ninuno?