settings icon
share icon
Tanong

Paano naapektuhan ng proseso ng pagsasalin ang inspirasyon at ang hindi pagkakamali ng Bibliya?

Sagot


Ang katanungang ito ay tumatalakay sa tatlong mahahalagang isyu: ang inspirasyon, preserbasyon at pagsasalin sa Bibliya.

Itinuturo ng doktrina ng inspirasyon ng Bibliya na ang Kasulatan ay “hiningahan ng Diyos” na nangangahulugang ang Diyos ang naging “patnugot” sa proseso ng pagsusulat ng mga aklat ng Bibliya at gumabay sa mga manunulat upang maitala ang Kanyang kumpletong mensahe para sa atin. Tunay na ang Bibliya ang Salita ng Diyos. Sa proseso ng pagsusulat, napanatili ang personalidad at istilo ng pagsusulat ng mga manunulat; gayunman, pinamahalaan ng Diyos ang mga manunulat kaya’t ang animnapu’t anim (66) na aklat na kanilang sinulat ay walang kahit anong kamalian at ang eksaktong mga salita na nais ng Diyos na mapasaatin. Tingnan ang 2 Timoteo 3:16 at 2 Pedro 1:21.

Sa tuwing binabanggit natin ang salitang “inspirasyon,” tinutukoy lamang natin ang proseso kung paano isinulat o ginawa ang mga orihinal na dokumento. Pagkatapos noon, humalili naman ang doktrina ng preserbasyon sa Bibliya. Kung pinamahalaan ng Diyos ang pagsulat sa Kanyang Salita, tiyak na gagawa din Siya ng paraan upang ingatan ang Kanyang salita upang hindi ito mabago. Makikita natin sa kasaysayan na tunay na isinakatuparan ito ng Diyos.

Ang Lumang Tipan sa wikang Hebreo ay napakaingat na kinopya ng mga Eskribang Hudyo. Ang mga grupong gaya ng Sopherim, Zugoth, Tannaim, at Masoretes ay may napakalaking paggalang sa mga teksto na kanilang kinokopya. Ang kanilang sukdulang paggalang sa Salita ng Diyos ay sinamahan pa ng istriktong panuntunan na gumagabay sa kanilang gawain: ang uri ng medium na susulatan, ang laki ng mga kolum, ang uri ng tinta, at ang espasyo ng mga salita. Ang pagsusulat ng anumang bagay mula sa memorya ay tahasang ipinagbabawal at buong ingat na binibilang ang mga linya, mga salita, at maging ang mga indibidwal na letra upang matiyak ang wastong pagkopya. Ang resulta ng lahat ng ito ay ang pagkakaroon natin ngayon ng aklat ni Isaias na aktwal na kopya ng kanyang orihinal na sulat. Ang pagkatuklas sa mga balumbon ng Kasulatan sa Dagat na Patay ang malinaw na nagkumpirma na eksaktong pareho ang tekstong Hebreo kumpara sa mga salin ngayon.

Totoo rin ito para sa Bagong Tipan sa orihinal na wikang Griyego. Libu-libong teksto sa wikang Griyego, ang ilan ay nagmula pa noong halos A.D. 117, ang mababasa pa ngayon. Ang kaunting pagkakaiba sa mga teksto – na wala isa man ang nakaapekto sa mga artikulo ng pananampalataya – ay napakadaling pagkasunduin. Tiniyak ng mga Iskolar ng Bibliya na ang Bagong Tipan na mayroon tayo ngayon ay kaparehong kapareho ng mga orihinal na Kasulatan. Sinabi ng isang iskolar ng mga teksto na nagngangalang Sir Frederic Kenyon, “Tiyak na tiyak na ang tunay na pagbasa sa mga sitas ng Kasulatan ay naingatan….hindi ito maaaring angkinin ng anumang sinaunang aklat sa buong mundo.”

Dadalhin tayo nito sa argumento tungkol sa pagsasalin ng Bibliya. Ang pagsasalin ay ang proseso ng pagpapakahulugan sa teksto ng Kasulatan sa ilang antas. Sa tuwing isinasalin ang Kasulatan mula sa isang wika patungo sa isa pang wika, kailangang gawin ang pagpapasya. Dapat bang isulat ang eksaktong salita kahit na malabo ang kahulugan sa mga kasalukuyang mambabasa? O dapat ba na ang katumbas na kaisipan ang isulat, kapalit ng mas literal na pagbasa?

Bilang halimbawa, sa Colosas 3:12, may mga salin na mababasa ang “pusong mahabagin.” Ang salitang Griyego para sa “puso” ay literal na nangangahulugang “bituka,” na nagmula sa salitang ugat na nangangahulugang “lapay.” May ibang tagapagsalin na pinili ang hindi literal na salita: “pusong mahabagin” (ang “puso” gaya ng iniisip ngayon ng mga mambabasa na sentro ng ating emosyon) o “malambot na puso na puno ng awa at kahabagan” o simpleng “kaawaan.”

Kaya, may mga tagapagsalin na mas literal kaysa iba, ngunit binigyan nilang lahat ng hustisya ang mga talata. Ang sentrong kahulugan ng utos sa Colosas 3:12 ay pagpapadama ng kahabagan para sa iba.

Karamihan ng mga salin ng Bibliya ay ginawa ng mga komite. Nakakatulong ito upang matiyak na walang indibidwal na kikiling sa kanyang teolohiya na makakaapekto sa pagdedesisyon kung anong salita ang pipiliin, at iba pa. Ang pagkakaroon ng maayos at tapat na salin ng Bibliya ay mahalaga. Ang isang magaling na grupo ng tagapagsalin ay nakatalaga sa paggamit ng lahat ng kaalaman at hahayaan na magsalita ang Bibliya para sa Kanyang sarili.

Bilang isang pangkalahatang alituntunin, mas literal ang paraan ng pagsasalin, mas kakaunti ang trabaho para sa pagunawa sa mga salita. Ang mas malayang pagsasalin ay nangangailangan ng mas maraming interpretasyon sa mga teksto, ngunit mas madaling basahin. Mayroon ding salin na tinatawag na pagpapakahulugan sa mga talata sa pamamagitan ng sariling pangunawa o ‘paraphrase,’ ngunit hindi talaga ito tunay na salin kundi pagkukuwentong muli ng Bibliya sa sariling pangunawa.

Kaya ayon sa mga katotohanang ito, ang mga salin ba ng Bibliya ay kinasihan din ng Diyos at hindi nagkakamali? Ang sagot ay hindi. Hindi sila kinasihan o hiningahan ng Diyos. Hindi kailanman ipinangako ng Diyos na kanyang kakasihan ang pagsasalin ng Kanyang salita sa ibang mga wika. Habang maraming salin ngayon ang napakataas ng kalidad, hindi sila hiningahan ng Diyos at hindi perpekto. Nangangahulugan ba ito na hindi na natin mapagkakatiwalaan ang isang salin? Muli ang sagot ay hindi. Sa pamamagitan ng maingat na pagaaral ng Salita ng Diyos, sa gabay ng Banal na Espiritu, maaari nating maunawan ng tama, maipaliwanag, at maisapamuhay ang Kasulatan. Muli, dahil sa pagsusumikap ng mga tapat na Kristiyanong tagapagsalin ng Bibliya sa ibang wika, (at siyempre dahilan sa gabay ng Banal na Espiritu) ang mga salin na nasa atin ngayon ay napakagaling at mapagkakatiwalaan. Ang katotohanan na hindi natin maaaring sabihin na walang pagkakamali ang isang salin ang dapat na gumanyak sa atin na pagaralang mabuti ang Salita ng Diyos at umiwas sa bulag na debosyon sa isa lamang salin ng Bibliya. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano naapektuhan ng proseso ng pagsasalin ang inspirasyon at ang hindi pagkakamali ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries