settings icon
share icon
Tanong

Ang pagsasalita ba sa ibang wika ay katibayan ng pagtanggap ng Banal na Espiritu?

Sagot


May tatlong okasyon sa Aklat ng Mga Gawa kung saan ang pagsasalita sa ibang wika ay kasabay na naganap sa pagtanggap sa Banal na Espiritu. Ang mga ito ay matatagpuan sa Gawa 2:4, 10:44-46 at 19:6. Gayunman, ang tatlong okasyong ito lamang ang tanging mga pagkakataon sa Bibliya kung saan makikita ang pagsasalita sa ibang wika ay ebidensya ng pagtanggap sa Banal na Espiritu. Sa buong aklat ng Mga Gawa, libu-libong mga tao ang nanampalataya kay Hesus ngunit walang sinabi sa Bibliya na sila ay nagsalita din sa ibang mga wika (Mga Gawa 2:41, 8:5-25, 16:31-34, 21:20). Hindi itinuro kahit saan sa buong bagong Tipan na ang pagsasalita sa ibang wika ay ebidensya na ang isang tao ay tumanggap ng Banal na Espiritu. Sa halip itinuturo ng Bibliya ang kabaliktaran. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang bawat isang tunay na mananampalataya ay pinananahanan ng Banal na Espiritu (Roma 8:9; 1 Corinto 12:13; Efeso 1:13-14), ngunit hindi nagsasalita sa ibang wika ang bawat mananampalataya (1 Corinto 12:29-31).

Ngayon, bakit ang pagsasalita sa ibang wika ang ebidensya sa pagtanggap sa Banal na Espiritu sa tatlong mga pangyayari sa aklat ng Mga Gawa? Itinala sa Mga Gawa kabanata 2 ang pagtanggap ng Banal na Espiritu ng mga Apostol at binigyan sila ng kakayahan na ipahayag ang Ebanghelyo. Ang mga Apostol ay pinagkalooban ng Espiritu ng kakayahan na makapagsalita sa ibang wika (lenguwahe ng tao) upang maibahagi nila ang Ebanghelyo sa lenguwahe naiintindihan ng mga nakikinig. Habang nagsasalita sila sa kanilang sariling lenguwahe, naririnig naman ng mga nakikinig sa kani-kanilang sariling mga lenguwahe ang kanilang sinasabi. Sa Mga Gawa kabanata 10, isinalaysay ang pagsusugo ng Diyos kay Pedro upang magbahagi ng Ebanghelyo sa mga Hentil (hindi Hudyo). Si Pedro at ang mga unang Kristyano, bilang mga Hudyo ay hindi agad maniniwala na tatanggapin ng Diyos ang mga Hentil sa Iglesia ng Diyos. Gayunman, binigyan ng Diyos ang mga Hentil na pinangaralan ni Pedro ng kakayahan na magsalita sa ibang wika upang patunayan sa kanila na tumanggap din sila ng parehong Banal na Espiritu na tinanggap ng mga apostol (Mga Gawa 10:47, 11:17).

Inilarawan ito sa Aklat ng mga Gawa 10:44-47: “Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita. At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo. Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro, mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?” Inalala ni Pedro kalaunan na ang okasyong ito bilang katibayan na inililigtas din ng Diyos ang mga Hentil (Mga Gawa 15:7-11).

Hindi itinuro saan man sa Bibliya na ang pagsasalita sa ibang wika ay dapat na asahan ng sinuman na tumanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas. Sa katotohanan, sa dinami-dami ng mga salaysay kung saan naging mananampalataya ang mga tao sa buong bagong Tipan, dalawa lang ang itinala kung saan ang mga naligtas ay nagsalita sa ibang wika. Ang pagsasalita sa ibang wika ay isang mahimalang kaloob na may tanging layunin lamang para sa tanging panahon. Hindi ito kailanman ebidensya ng pagtanggap sa Banal na Espiritu noon, ngayon at sa hinaharap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pagsasalita ba sa ibang wika ay katibayan ng pagtanggap ng Banal na Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries