Tanong
Pagsasayaw sa pagsamba – ano ang sinasabi ng Bibliya?
Sagot
Ang pagsasayaw ay binanggit sa maraming pagkakataon sa Kasulatan. Ang unang tagpo kung saan nagsayaw ang bayan ng Diyos bilang isang akto ng pagsamba ay makikita sa Exodo 15:20: “Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin.” Ang masayang pagsasayaw na ito para sa Panginoon na pinangunahan ni Miriam ay naganap pagkatapos na makatawid ang mga Israeilta sa Dagat na Pula at ipagdiwang ang kanilang bagong tagpong kalayaan mula sa pagkaalipin.
Gayunman, ang pagsasayaw ay hindi laging ipinapakita sa positibong liwanag sa Bibliya. Pagkatapos lamang na magsayaw si Miriam ng sayaw ng pagpupuri, ang mga israelita ay nagsayaw din sa harapan ng isang gintong guya sa kanilang pagsamba dito. “Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog” (Exodo 32:19). Sa pagkakataong ito, ang pagsasayaw ay bahagi ng isang masamang gawain ng pagsamba sa diyus-diyusan habang nagiinuman. Kaya nga, ang pagsasayaw ay isang paraan ng pagpapahayag na maaaring magamit para sa mabuti o masama.
Ang iba pang banggit ng pagsasayaw sa Bibliya ay makikita sa 2 Samuel 6:16, kung saan sinasabi na si David ay “lumulukso at sumasayaw sa harapan ng Panginoon.” Gayundin, nagsayaw ang mga Amalekita sa kanilang pagbubunyi pagkatapos nilang nakawan ang Juda at Filistia (1 Samuel 30:16). Gayunman, ang kanilang pagsasayaw ay sa loob ng maiksing panahon lamang dahil matatalo sila agad ni David at ng kanyang mga tauhan (mga talatang 17-20).
Nagaalok ang aklat ng mga Awit ng isang kakaibang pananaw sa pagsasayaw bilang isang paraan ng pagsamba. Sa Awit 30:11, sinasabi ng mangaawit, “Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!” Hinihimok sa Awit 149:3 ang paggamit ng pagsasayaw para sa pagsamba sa Diyos: “Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan; alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan!” Gayundin, sinasabi sa Awit 150:4 “Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin, mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!” gaya ng ginawa ni Miriam.
May ilan na nagsasabi na ang sayaw ay isang anyo ng ekspresyon sa Lumang Tipan. Dahil ang sayaw ay hindi binanggit bilang isang paraan ng pagsamba sa Bagong Tipan, hindi dapat sumamba ang mga Kristiyano sa ganitong paraan. Gayunman, ito ay isang argumento mula sa katahimikan at hindi base sa malinaw na katuruan ng Bibliya. Nakararaming Kristiyano noong una ay mga Judio at maaaring isinama nila ang paraan ng pagsamba ng mga Judio sa kanilang pagpupuri sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas.
Ang isa pang dapat isaalang-alang ay ang asosasyon ng pagsasayaw sa mga makasalanang gawain. Ang ideya ay, kung ang sayaw ay ginagamit sa pagpupuri, maaaring maging tanda ito ng pagpapahintulot sa paggamit ng sayaw sa ibang mga sitwasyon na hindi nagbibigay lugod sa Diyos. Gayunman, hindi ito ang laging sitwasyon. Ang pagsasayaw ng mga Amalekita sa 1 Samuel ay hindi pumigil kay David para sumayaw sa 2 Samuel. Maaaring gamitin ng mga Kristiyano ang pagsasayaw gaya ng iba pang anyong sining gaya ng musika, pagpipinta, pag-arte, o paggawa ng pelikula. Hangga’t ang sayaw ay nakatuon sa pagpupuri sa Diyos, at kagalang galang at kapuri-puri, maaari itong magkaroon ng tamang lugar sa pagsamba. Ang sayaw ng pagpupuri ay malayong malayo sa mapanuksong sayaw ng anak na babae ni Herodias (Marcos 6:17-28).
Panghuli, mahalagang maunawaan na ang pagsasayaw sa konteksto ng pagsamba ay hindi isang simpleng pagpapahayag ng sarili. Ito ay dapat gawin sa paraan na makakatulong sa buong kongregasyon. Sinabi ni Pablo na “gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan” sa iglesya (1 Corinto 14:40). Kabilang sa “lahat ng bagay” ang paggamit ng sayaw sa pagsamba. Anumang bagay sa panahon ng pagsamba na nakakaagaw sa ating atensyon palayo kay Cristo ay dapat na iwasan. Ang bawat kongregasyon ay may responsibilidad na ayusin ang pagsamba sa isang paraan na nagbibigay papuri sa Diyos at humihimok sa mga miyembro na parangalan ang Diyos.
Ang sayaw ay ginamit bilang isang akto ng pagsamba sa Kasulatan at maaaring patuloy na magamit sa ganitong paraan ngayon. Gayunman, dapat na magingat ang mga iglesya para iwasan ang pagsasayaw na nagbubulid sa iba para matukso o magkasala at dapat na panatilihin na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang pagsamba sa Diyos sa halip na ituon ang pansin sa sarili. Kung sasanayin sa ganitong paraan, ang pagsasayaw ay isang magandang anyo ng sining na maaaring magpahayag ng katotohanan na nakakaluwalhati sa Diyos at nakakapagpatibay sa iba.
English
Pagsasayaw sa pagsamba – ano ang sinasabi ng Bibliya?