settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagbuhay sa espiritu ayon sa Bibliya?

Sagot


Ang isang pang salita para sa pagbuhay sa espiritu ay pagsilang na muli, na may kaugnayan sa salitang “isinilang na muli” sa Bibliya. Ang ating pagsilang na muli ay bukod sa ating unang kapanganakan, noong tayo’y ipanganak sa pisikal at nagmana ng makasalanang kalikasan. Ang pagsilang na muli ay isang espiritwal, banal at muling kapanganakan sa langit na nag-ugat sa pagbuhay sa ating espiritu. Sa kanyang makasalanang kalagayan, ang tao ay “patay sa mga pagsalangsang at pagsuway” kaya’t kailangang siya’y “buhayin sa espiritu ng Panginoong Hesu Kristo.” Nangyayari ito kasabay ng ating paglalagak ng pananampalataya kay Kristo (Efeso 2:1).

Ang pagbuhay sa espiritu ay isang radikal na pagbabago. Gaya sa pisikal na pagsilang kung kailan pumasok tayo sa kalagayang panlupa, ang ating espiritwal na pagsilang ay nagreresulta sa pagkakaroon ng isang bagong pagkatao sa isang makalangit kalagayan (Efeso 2:6). Pagkatapos ng pagbuhay sa ating espiritu, naguumpisa tayo na makakita, makarinig at magnasa sa mga makadiyos na bagay; at nagsisimula tayong mabuhay sa pananampalataya at kabanalan. Ang mga katangian ni Kristo ay nahuhubog sa ating mga puso; at tayo’y nakakabahagi sa Kanyang kalikasan at ginawang mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ang Diyos, hindi ang tao ang dahilan ng pagbabagong ito (Efeso 2:1, 8). Ang dakilang pag-ibig ng Diyos at kaloob na walang bayad at ang Kanyang kahabagan ang dahilan ng ating pagsilang sa espiritu. Ang kapangyarihan ng Diyos – ang parehong kapangyarihan na bumuhay kay Kristo mula sa mga patay – ay ipinakita sa pagbuhay sa ating espiritu at sa pagpababalik loob ng mga makasalanan sa Diyos (Efeso 1:19–20).

Kinakailangan ang pagbuhay sa ating espiritu. Hindi makatatayo sa harapan ng Diyos ang mga taong patay sa kasalanan. Sa Kanyang pakikipagusap kay Nicodemo, dalawang ulit na binanggit ni Hesus na kailangang isilang na muli ang isang tao upang makapasok sa kaharian ng Diyos (Juan 3:3, 7). Hindi opsyonal ang pagsilang na muli, dahil “ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga” (Juan 3:6). Ang pisikal na kapanganakan ang dahilan kaya tayo nababagay sa mundo; ang espiritwal na kapanganakan naman ang dahilan kaya tayo nababagay para sa langit. Tingnan ang Efeso 2:1; 1 Pedro 1:23; Juan 1:13; 1 Juan 3:9; 4:7; 5:1, 4, 18.

Ang pagbuhay sa ating espiritu ay bahagi ng ginawa ng Diyos para sa atin sa oras ng ating kaligtasan, kasama ang pagtatatak sa atin ng Espiritu (Efeso 1:14), pagampon (Galacia 4:5), pakikipagkasundo (2 Corinto 5:18–20), at iba pa. Ang kapanganakang muli ay ang pagbuhay sa atin sa espiritwal upang makasampalataya tayo kay Kristo. Bago natin maranasan ang kaligtasan, hindi tayo mga anak ng Diyos (Juan 1:12–13); sa halip, mga anak tayo ng kagalitan (Efeso 2:3; Roma 5:18–20). Bago ang kaligtasan, tayo ay nabubulok sa kasalanan; sa oras ng kaligtasan, binuhay tayo sa espiritu. Ang resulta ng kapanganakang muli ay kapayapaan sa Diyos (Roma 5:1), bagong buhay (Tito 3:5; 2 Corinto 5:17), at pagiging anak ng Diyos magpakailanman (Juan 1:12–13; Galacia 3:26). Ang pagsilang na muli sa espiritu ang umpisa ng proseso ng pagpapaging banal kung saan ginagawa tayong kalugod-lugod ng Diyos sa Kanyang paningin gaya ng Kanyang inaasahan para sa Kanyang mga anak (Roma 8:28–30).

Ang tanging kasangkapan sa pagsilang sa espiritu ay ang kaloob ng Diyos na pananampalataya sa natapos na gawain ni Kristo sa krus. Walang anumang mabubuting gawa o pagsunod sa kautusan ng Diyos ang makababago sa ating mga puso. “Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka't sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan” (Roma 3:20). Tanging si Kristo lamang ang gamot para sa kawalan ng pag-asa at sa lubusang kasamaan ng puso ng tao. Hindi tayo nangangailangan ng repormasyon o re-organisasyon. Ang ating kinakailangan ay ang pagbuhay ng Diyos sa ating espiritu.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagbuhay sa espiritu ayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries