Tanong
Ano ang pagsisisi at kailangan ba ito sa kaligtasan?
Sagot
Maraming tao na ang pakahulugan sa pagsisisi ay "pagtalikod sa kasalanan". Ngunit hindi ito ang talagang kahulugan ng pagsisisi sa Bibliya. Sa Bibliya, ang pagsisisi ay nangangahulugan ng "pagbabago ng isip". Sinasabi din sa atin ng Bibliya na ang tunay na pagsisisi ay nagreresulta sa paggawa ng mabuti (Lukas 3:8-14; Mga Gawa 3:19). Idineklara ng Mga Gawa 26:20, "Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, gayon din sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi at lumapit sa Diyos, at ipakilala ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa."
Ano ngayon ang koneksyon ng pagsisisi sa kaligtasan? Pinagtuunan ng pansin sa Aklat ng Mga Gawa ang relasyon sa pagitan ng pagsisisi at kaligtasan (Mga Gawa 2:38; 3:19; 11:18; 17:30; 20:21; 26:20). Ang pagsisisi, kaugnay ng kaligtasan ay pagbabago ng iyong isip tungkol kay Hesu Kristo. Sa sermon ni Pedro noong Araw ng Pentecostes (Mga Gawa kabanata 2), tinapos niya ang kanyang sermon sa isang hamon na ang mga tao ay magsisi (Mga Gawa 2:38). Magsisi mula saan? Hinamon ni Pedro ang mga nagtakwil kay Hesus (MGa Gawa 2:36) na baguhin ang kanilang palagay tungkol kay Hesus, at kilalanin nila Siya na Siyang tunay na "Panginoon at Kristo" (Mga Gawa 2:36). Tinawag ni Pedro ang mga tao na baguhin ang kanilang pagkakilala kay Hesus mula sa pagtanggi sa Kanya bilang Mesias o Tagapagligtas patungo sa pananampalataya sa Kanya bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas.
Ang pagsisisi at pananampalataya ay maihahambing sa isang barya na may dawalang mukha. Imposible na maglagak ng pananampalataya kay Hesus ang isang tao ng hindi muna nagbabago ang akala niya tungkol sa kung sino si Kristo at kung ano ang Kanyang ginawa. Kung ang pagsisisi man ay mula sa pagtanggi dati kay Kristo o sa pagiging ignorante o hindi pagkilala kay Kristo, ang mga ito ay pare-parehong pagbabago ng pagiisip. Ang relasyon ng pagsisisi sa kaligtasan ay ang pagbabago na pagiisip mula sa pagtanggi kay Kristo patungo sa pananampalataya kay Kristo.
Napakahalaga na maunawaan na ang pagsisisi ay hindi isang gawa na naging dahilan ng kaligtasan. Walang makalalapit sa Diyos malibang ilapit ng Diyos ang isang tao sa Kanyang sarili (Juan 6:44). Sinasabi sa Mga Gawa 5:31 at 11:18 na ang pagsisisi ay ipinagkakaloob ng Diyos sa tao - at ito ay dahil lamang sa Kanyang biyaya. Walang makapagsisisi ng totoo kung hindi siya bibigyan ng pusong nagsisisi. Ang lahat sa ating kaligtasan, kasama ang pagsisisi at pananampalataya ay resulta lamang ng paglalapit sa atin ng Diyos sa kanyang sarili at pagbubukas Niya ng ating mga mata at sa ginawa Niyang pagbabago sa ating mga puso. Ang Diyos ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao upang magsisi (2 Peter 3:9), at iyon ay dahil sa Kanyang pagtitiis at kagandahang loob (Roma 2:4).
Habang ang pagsisisi ay hindi isang gawa na nakapagliligtas, ang pagsisisi tungo sa kaligtasan ay nagreresulta sa mabubuting gawa. Imposible na tunay na magbago ang isip ng isang tao pagkatapos ay walang makikitang pagbabago sa kanyang buhay. Sa Bibliya, ang tunay na pagsisisi ay nagbubunga ng pagbabago sa pag-uugali at paniniwala ng tao. Ito ang dahilan kung bakit hinamon ni Juan Bautista ang mga tao, "Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo'y nagsisisi" (Mateo 3:8). Ang isang taong tunay na nagsisisi sa kanyang pagtanggi kay Kristo ay makikita ang ebidensya nito sa pamamagitan ng kanyang buhay na binago (2 Corinto 5:17; Galacia 5:19-23; Santiago 2:14-26). Ang pagsisisi sa tamang pakahulugan ay kinakailangan para sa kaligtasan. Ang biblikal na pagisisi ay pagbabago ng iyong akala tungkol kay Hesu Kristo at paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Mga Gawa 3:19). Ang pagtalikod sa kasalanan ay hindi tamang pagpapakahulugan sa pagsisisi ngunit isa ito sa mga resulta ng tunay na pagsisisi at pagsampalataya sa Panginoong Hesu Kristo.
English
Ano ang pagsisisi at kailangan ba ito sa kaligtasan?