Tanong
Bakit pinahihintulutan ng Diyos na dumaan tayo sa mga pagsubok at kahirapan?
Sagot
Ang isa sa pinakamahirap na bahagi ng buhay Kristiyano ay ang katotohanan na ang pagiging tagasunod ni Kristo ay hindi garantiya na hindi tayo makakaranas ng mga pagsubok at kahirapan. Bakit hinahayaan ng isang mabuti at mapagmahal na Diyos na dumaan tayo sa mga pagsubok at kahirapan gaya ng kamatayan ng anak, pagkakasakit, kapinsalaan sa atin o sa ating mahal sa buhay, kasalatang pinansyal, pagaalala at pagkatakot? Kung tunay na iniibig tayo ng Diyos, aalisin Niya ang mga bagay na ito sa ating buhay. Hindi ba’t ang pagmamahal ay nangangahulugan na nais Niyang mabuhay tayo ng maginhawa at komportable? Ngunit hindi gayon. Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na iniibig Niya ang kanyang mga anak at “sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti” (Roma 8:28). Kaya nangangahulugan ito na pinahihintulutan Niya ang mga pagsubok at kahirapan sa ating buhay at ang mga ito ay bahagi ng paggawa Niya sa lahat ng bagay–para sa ating ikabubuti. Kaya nga, para sa mananampalataya, may mabuting layunin ang Diyos sa likod ng mga pagsubok at kahirapan.
Katulad sa lahat ng bagay, ang pinakalayunin ng Diyos para sa atin ay lumago tayo at maging katulad sa kabanalan ng Kanyang Anak (Roma 8:29). Ito ang layunin sa buhay ng Kristiyano, at sa lahat ng nangyayari sa ating buhay, kasama ang mga pagsubok at kahirapan. Ito ay bahagi ng proseso ng pagpapaging banal ng Diyos sa atin, sa pagtatalaga Niya sa atin para sa Kanyang layunin at upang maging karapatdapat tayo sa Kanyang kaluwalhatian. Ang paraan kung paano ito ginagawa ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok ay ipinaliwanag ni Apostol Pedro sa 1 Pedro 1:6-7: “Ito'y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayon din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat. Sa gayon, kayo'y papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.” Ginagawang dalisay ng mga pagsubok at kahirapan ang pananampalataya ng mga tunay na mananampalataya upang maging payapa sila sa kaalaman na ito ay totoo at tatagal.
Hinuhubog ng mga pagsubok ang ating makadiyos na paguugali at binibigyan tayo ng kakayahan na “magalak sa ating mga pagbabata sapagkat alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagbubunga ng pag-asa. Hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin” (Roma 5:3-5). Binigyan tayo ng perpektong halimbawa ng ating Panginoong Hesu kristo, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa” (Roma 5:8). Ipinakikita ng mga talatang ito ang mga aspeto ng layunin ng Diyos sa ating mga pagsubok at kahirapan maging sa mga dinanas na pagsubok ni Kristo. Ang pagtitiyaga ay nagpapatibay sa ating pananampalataya. “Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo” (Filipos 4:13).
Gayunman, dapat tayong maging maingat na huwag gamiting dahilan ang mga pagsubok at kapighatian kung ang mga iyon ay resulta ng ating pagkakamali. “Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo bilang mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o mapanghimasok sa di niya dapat panghimasukan “ (1 Pedror 4:15). Patatawarin ng Diyos ang ating mga kasalanan dahil ang walang hanggang kaparusahan niyon ay binayaran na ng handog ni Kristo doon sa krus. Gayunman, daranasin pa rin natin ang natural na konsekwensya ng ating mga kasalanan at maling desisyon sa buhay na ito. Ngunit ginagamit ng Diyos maging ang mga pagsubok at kahirapan na bunga ng ating mga pagkakamali upang hubugin at hugisin tayo ayon sa Kanyang naisin para sa ating ikabubuti.
Ang pagsubok at kapighatian ay dumarating na may kasamang layunin at gantimpala. “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang…. Mapalad ang taong nananatiling tapat, sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng putong. Ito'y ang buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya” (Santiago 1:2-4,12).
Sa pagdaan sa lahat ng mga pagsunok at kahirapan sa buhay, mayroon tayong tagumpay. “Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Corinto 15:57). Bagama’t nasa gitna tayo ng espiritwal na labanan, walang kapangyarihan si Satanas laban sa mga mananampalataya. Ibinigay sa atin ng Diyos ang kanyang salita upang gabayan tayo, at ang Kanyang Banal na Espiritu upang bigyan tayo ng lakas at ng pribilehiyo na lumapit sa Diyos sa panalangin sa lahat ng oras para sa anumang bagay. Tiniyak din Niya sa atin na hindi Niya tayo bibigyan ng pagsubok na higit sa ating makakayanan. “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipahihintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13).
English
Bakit pinahihintulutan ng Diyos na dumaan tayo sa mga pagsubok at kahirapan?