Tanong
Ano ang sinasabi ng Biliya tungkol sa pagsunod sa mga magulang?
Sagot
Ang pagsunod sa mga magulang ay isang direktang utos mula sa Diyos. "Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat" (Efeso 6:1). Ang salitang "sundin" sa talatang ito ay hindi maihihiwalay sa ideya ng "paggalang." Ipinagpatuloy sa Efeso 6:2, "Igalang mo ang iyong ama at ina." Ito ang unang utos na may kalakip na pangako." Ang paggalang ay may kinalaman sa paguugali ng mga anak sa kanilang magulang at nangangahulugan ito na dapat na ang nagtutulak sa pagsunod sa magulang ay ang paggalang. Hindi pagsunod ayon sa utos na ito ang pagsunod ng may pagrereklamo o pagsunod ng sapilitan.
Isang hamon at mas mahirap para sa ibang mga anak ang pagsunod at paggalang sa kanilang mga magulang. Ngunit may isang napakagandang dahilan para sumunod sa utos na ito. Itinuturo sa atin sa aklat ng Kawikaan na magkakaroon ng karunungan ang mga anak na nakikinig sa kanilang mga magulang: "Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama, ngunit walang halaga sa palalo ang paalala sa kanya" (Kawikaan 13:1). Disenyo ng Diyos para sa mga anak na matutong gumalang at sumunod sa kanilang mga magulang habang sila'y lumalaki upang mabuhay sila ng may karunungan. Habang natututuhan nilang gumalang sa loob ng tahanan, maigagalang nila ang iba sa tamang paraan paglabas nila ng tahanan. Kahit ang batang si Jesus, bagama't Siya ang Anak ang Diyos, ay sumunod sa Kanyang mga magulang sa lupa at lumago sa karunungan (Lukas 2:51—52). Sinasabi sa Bibliya na ang mga anak na hindi dinidisiplina at hindi natutong sumunod sa kanilang mga magulang ay higit na magdurusa sa buhay na ito (tingnan din ang Kawikaan 22:15; 19:18; at 29:15).
Habang responsibilidad ng mga anak na sundin ang kanilang magulang, responsibilidad naman ng mga magulang na palakihin at turuan ang kanilang mga anak sa paraan ng Diyos. "Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon" (Efeso 6:4). Ngunit kahit na hindi sinusunod ng mga magulang ang utos sa kanila ng Diyos, inuutusan pa rin ang mga anak na sumunod at gumalang sa kanilang mga magulang.
Ang ating pinakamalaking responsibilidad ay ibigin at sundin ang Diyos ng higit sa lahat. Inuutusan Niya ang mga anak na sundin ang kanilang mga magulang. Ang tanging tamang dahilan para sa hindi pagsunod sa magulang ay kung tinuturuan ng magulang ang kanyang mga anak na gumawa ng mga bagay na malinaw na labag sa mga utos ng Diyos. Sa ganitong mga pagkakataon, dapat na sundin ng anak ang Diyos sa halip na ang kanyang mga magulang (tingnan ang Gawa 5:29).
English
Ano ang sinasabi ng Biliya tungkol sa pagsunod sa mga magulang?