settings icon
share icon
Tanong

Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagsusunog ng bangkay? Kailangan bang sunugin ang bangkay ng mga Kristiyano?

Sagot


Hindi nagbibigay ang Bibliya ng partikular na katuruan tungkol sa pagsusunog ng bangkay o cremation. May mga kaganapan sa Lumang Tipan kung saan may mga tao na sinunog ng buhay (1 Hari 16:18; 2 Hari 21:6) at may mga sinunog na buto ng tao (2 Hari 23:16-20), ngunit ang mga ito ay hindi halimbawa ng pagsusunog sa bangkay. Mahalagang pansinin na sa 2 Hari, ang pagsusunog sa buto ng tao ay isang kawalang-galang sa dambana ng Diyos. Gayunman, hindi itinuturo saan man sa Lumang Tipan na hindi dapat sunugin ang bangkay ng namatay o may nakakabit na sumpa o parusa sa sinumang nagsusunog ng bangkay o sa mismong may-ari ng sinunog na bangkay.

Ang pagsusunog ng bangkay ay isinasagawa sa kapanahunan ng Biblia, ngunit hindi ito pangkaraniwan sa mga Israelita o sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan. Sa kultura noong panahon ng Bibliya, ang paglilibing sa kuweba, hukay o puntod ang karaniwang pamamaraan sa paglilibing ng katawan ng tao (Genesis 23:19; 35:9; 2 Cronica 16:14; Mateo 27:60-66). Habang ang paglilibing ang karaniwang pamamaraan, hindi itinuturo sa Biblya na ito lamang ang pinapahintulutang pamamaraan.

Ang pagsusunog ba ng bangkay o cremation ay maaring ikunsidera ng isang Kristiyano? Muli, walang tuwirang pagbabawal sa Bibliya laban sa pagsusunog ng bangkay. May ilang mananampalataya na tumututol sa pagsusunog ng bangkay na ang basehan ay hindi ito pagkilala na isang araw ay bubuhayin ng Diyos ang katawang lupa at muling makikipag-isa ang kaluluwa/espiritu dito (1 Corinto 15:35-38; 1 Tesalonica 4:16). Gayunman, hindi naman mahirap para sa Diyos na muling buhayin ang mga sinunog na katawan. Ang katawan ng mga mananampalataya na namatay isang libong taon na ang nakararaan ay tiyak na naging abo na rin sa panahong ito. Hindi nito mahahadlangan ang Diyos na buhayin ang kanilang mga katawan. Sa isang banda, Siya rin ang lumikha sa tao mula sa alabok kaya hindi mahirap para sa Kanya na muli silang likhain mula sa alabok. Ang tanging ginagawa ng pagsusunog sa bangkay ay "pinapadali" ang proseso ng pagbalik ng katawang lupa sa alabok. Madali para sa Diyos na buhaying muli ang mga sinunog na bangkay at ang mga hindi sinunog na bangkay. Ang pagsusunog ng bangkay ay nakapaloob sa kalayaang Kristiyano. Ang isang tao o pamilya na ikinukunsidera ang pagsusunog ng bangkay matapos ang kamatayan ay kailangang manalangin ng karunungan mula sa Diyos (Santiago 1:5) at sundin ang kanilang kumbiksyon patungkol sa bagay na ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagsusunog ng bangkay? Kailangan bang sunugin ang bangkay ng mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries