settings icon
share icon
Tanong

Kailan pinahihintulutan para sa isang Kristiyano na sumuway sa pamahalaan?

Sagot


Ang emperador ng Roma mula AD 54 hanggang 68 ay si Nero Claudius Caesar Augustus Germanicus, na simpleng kilala rin sa pangalang Nero. Ang emperador ay kilala bilang isang masamang tao na gumawa ng iba't ibang masamang gawain, kabilang ang pakikipagugnayang sekswal sa kapwa lalaki. Noong AD 64, naganap ang isang malaking sunog sa Roma na si Nero ang pinaghinalaang gumawa. Sa kanyang mga panulat, itinala ni Tacitus, isang mananalaysay at senador na Romano, "Para mapawi ang paghihinala ayon sa ulat na siya ang sumunog sa siyudad ng Roma, pinagbintangan ni Nero at pinarusahan ng pinakamasakit na pagpaparusa ang isang grupo ng tao na kinamumuhian ng populasyon na tinatawag na mga "Kristiyano" (Annals, XV).

Sa panahon ng paghahari ni Nero, isinulat ni apostol Pablo ang Kanyang sulat sa mga taga Roma. Habang maaaring asahan na hihimukin ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na bumangon laban sa kanilang malupit na pinuno, mababasa natin sa Roma 13 ang ganito:

"Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi. Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan" (Roma 13:1–7).

Kahit sa ilalim ng pamumuno ng isang walang habag at walang diyos na emperador, sinabi ni Pablo na sumulat sa gabay ng Banal na Espiritu sa kanyang mga mambabasa na magpasakop sa pamahalaan. Gayundin, sinabi niya na walang pamahalaang umiiral na hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng lahat na pamahalaan.

Halos ganito rin ang laman ng sulat ni Pedro sa isa sa kanyang mga sulat sa Bagong Tipan: "Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, subalit huwag ninyong gawing dahilan sa paggawa ng masama ang inyong kalayaan. Sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador" (1 Pedro 2:13–17).

Ang parehong katuruan ni Pablo at ni Pedro ang dahilan ng ilang mga katanungan ng mga Kristiyano tungkol sa mga pangyayari na kinasasangkutan ng pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan. Sinasabi ba nina Pablo at Pedro na dapat na laging magpapasakop ang mga Kristiyano sa pamahalaan sa lahat ng iniuutos ng pamahalaan, anuman ang ipagawa sa kanila?

Isang maiksing sulyap sa iba't ibang pananaw tungkol sa pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan
May tatlong pangkalahatang posisyon sa usapin ng pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan. Ang pananaw na "anarkiya" ay nagsasaysay na maaaring piliin ng isang tao na hindi sumunod sa pamahalaan anumang oras niya gustuhin at kung kailan nadarama niyang tama ang kanyang ginagawa. Ang ganitong posisyon ay walang suporta mula sa Kasulatan gaya ng nasasaad sa mga sinabi ni Pablo sa Roma 13.

Sinsasabi naman ng isang isang "ekstremistang makabayan" na dapat na laging sundin ng tao ang kanyang pamahalaan anuman ang utos nito. Gaya ng ipapakita sa ibaba, ang pananaw na ito ay wala ring suporta mula sa Kasulatan. Gayundin naman, hindi ito sinuportahan ng mga bansa sa kasaysayan. Halimbawa, sa panahon ng paglilitis sa Nurember, sinubukan ng mga abogado ng mga kriminal ng Nazi na gamiting pangdepensa ang argumento na sinusunod lamang ng kanilang mga kliyente ang direktang utos ng pamahalaan at dahil doon hindi sila maaaring papanagutin sa kanilang mga ginawang krimen. Gayunman, dinismis ng isa sa mga hukom ang kanilang argumento sa pamamagitan ng isang simpleng tanong na ito: "Ngunit mga ginoo, hindi ba't walang batas na mas mataas kaysa sa ating mga batas?"

Ang posisyon na itinataguyod ng Kasulatan ay ang pagpapasakop na naaayon sa Bibliya at pinapayagan ang isang Kristiyano na sumuway sa pamahalaan kung naguutos ito ng paggawa ng kasamaan, at sa mga pagkakataon na kinakailangan para sa isang Kristiyano na kumilos ng salungat sa malinaw na Kautusan at pamantayan ng Salita ng Diyos.

Pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan — Mga halimbawa sa Kasulatan
Sa Exodo 1, ibinigay ng hari ng Ehipto ang isang malinaw na Kautusan sa dalawang komadronang Hebrea na dapat nilang patayin ang lahat ng mga isisilang na batang lalaki ng mga Hudyo. Tiyak na susundin ng isang ekstremistang makabayan ang utos ng ito ng hari, ngunit sinasabi ng Bibliya na sinuway ng mga hilot ang Faraon at "… dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki" (Exodo 1:17). Sinasabi ng Bibliya na nagsinungaling ang mga komadrona sa Faraon at hinahayaan nilang mabuhay ang mga bata; ngunit kahit nagsinungaling sila at sumuway sa pamahalaan, "Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya" (Exodo 1:20–21).

Sa Josue 2, direktang sinuway ni Rahab ang utos ng hari ng Jerico na ibigay ang mga espiyang Israelita na pumasok sa kanilang siyudad para kumuha ng impormasyon. Sa halip, hinayaan niya silang makatakas gamit ang isang lubid. Bagama't nakatanggap si Rahab ng isang malinaw na utos mula sa mga mataas na opisyal ng pamahalaan, tumanggi siyang sumunod sa utos at dahil dito, naligtas siya sa pagkawasak ng kanyang siyudad ng wasakin ito ni Josue at ng hukbo ng Israel.

Itinala sa aklat ng unang Samuel ang isang utos na ibinigay ni haring Saul habang nakikipaglaban ang mga Israelita sa kanilang kaaway. Iniutos ni Saul na walang sinuman ang kakain hanggang hindi sila nananalo laban sa mga Filisteo. Gayunman, hindi narinig ng kanyang anak na si Jonatan ang utos at dahil dito kumain siya ng pulot na nagpanumbalik sa kanyang lakas mula sa nakakapagod na labanan. Nang malaman ni Saul ang tungkol dito, inutusan niya ang kanyang mga kawal na patayin si Jonatan. Ngunit sinuway siya ng kanyang mga kawal at iniligtas si Jonatan sa tiyak na kamatayan (1 Samuel 14:45).

Ang isa pang halimbawa ng pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan bilang pagsunod sa pamantayan ng Bibliya ay makikita sa 1 Hari 18. Ipinakilala sa kabanatang ito ang isang tao na nagngangalang Obadias na "may malaking takot sa Diyos." Noong pinapatay ni Reyna Jezebel ang mga propeta ng Diyos, itinago ni Obadias ang isandaan sa kanila para sila maligtas sa kamatayan. Ang ganitong aksyon ay isang malinaw na pagsuway sa kagustuhan ng pinuno ng pamahalaan.

Sa 2 Hari, itinala ang isang inaprubahang rebolusyon laban sa isang naghaharing opisyal ng pamahalaan. Sinimulang puksain ni Atalia, ang ina ni Ahasias ang mga lahing nanggaling sa angkan ni Juda. Gayunman, kinuha si Joas ng anak na babae ng hari ang anak ni Ahasias at itinago mula kay Atalia para mapreserba ang lahing panggagalingan ng mga hari mula sa angkan ni Juda. Paglipas ng anim na taon, tinipon ni Jehoaida ang mga lalaki ng Israel at idineklara si Joash bilang hari at pinatay si Atalia.

Itinala sa aklat ni Daniel ang ilang halimbawa ng pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan. Ang una ay makikita sa kabanata 3 kung saan tumanggi Sedrac, Mesac at Abednego na sumamba sa gintong diyus-diyusan bilang pagsuway sa utos ni haring Nabucodonosor. Ang ikalawa ay makikita sa kabanata 6 kung saan sinuway ni Daniel ang utos ni Haring Dario na walang sinuman ang mananalangin kaninuman maliban sa rebulto ng hari. Sa parehong pagkakataon, iniligtas ng Diyos ang Kanyang mga anak mula sa parusang kamatayan na ipinataw ng pamahalaan.

Sa Bagong Tipan, itinala sa akalat ng mga Gawa ang pagsuway ni Pedro at Juan sa mga awtoridad na nasa kapangyarihan ng panahong iyon. Pagkatapos na pagalingin ni Pedro ang isang lalaking isinilang na lumpo, inaresto at ikinulong sina Pedro at Juan dahil sa kanilang pangangaral tungkol kay Jesus. Determinado ang mga pinuno ng relihiyon na pigilan sila sa pagtuturo tungkol kay Jesus; ngunit sinabi nina Pedro at Juan, "Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig" (Gawa 4:19–20). Kalaunan, kinompronta muli ng mga lider ang mga apostol at pinaalalahanan sila ng kanilang utos na hindi sila dapat magturo sa mga tao tungkol kay Jesus. Ngunit muling sumagot si Pedro, "Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao" (Gawa 5:29).

Ang isang huling halimbawa ng pagsuway ng mga Kristiyano sa pamahalaan ay makikita sa aklat ng Pahayag kung saan inutusan ng antikristo ang lahat ng nabubuhay na sambahin ang kanyang sariling imahen. Ngunit sinabi ni apostol Juan na sumulat ng aklat ng Pahayag na ang mga naging Kristiyano sa panahong iyon ay susuway sa antikristo at sa kanyang pamahalaan at hindi sasambahin ang kanyang imahen (Pahayag 13:15) gaya ng ginawa ng mga kasama ni Daniel na sumuway sa utos ni haring Nabucodonosor na sambahin ang kanyang imahen.

Pagsuway ng mamamayan sa pamahalaan — Konklusyon
Ano ang ating matututunan sa mga halimbawa ng pagsuway sa pamahalaan sa itaas? Ang mga gabay para sa pagsuway ng mananampalataya sa pamahalaan ay maaaring buudin sa mga sumusunod na pangungusap:

• Dapat na sumuway ang mga Kristiyano sa pamahalaan na naguutos o pinipilit ang mga mamamayan na gumawa ng kasamaan at dapat na kumilos sila ng mapayapa para sa pagbabago.

• Pinahihintulutan ang pagsuway sa pamahalaan kung ang mga utos at batas ay direktang sumasalungat sa mga kautusan at batas ng Diyos.

• Kung sumusuway ang isang Kristiyano sa masamang pamahalaan, at kung hindi siya makakatakas, dapat niyang tanggapin ang parusa ng pamahalaan para sa kanyang aksyon.

• Tiyak na pinahihintulutan ang mga Kristiyano na kumilos para magluklok ng mga bagong pinuno ng pamahalaan ayon sa mga batas ng kanilang sariling bansa.

Panghuli, inuutusan ang mga Kristiyano na ipanalangin ang kanilang mga pinuno para sa pagkilos ng Diyos sa Kanyang panahon upang baguhin ang anumang hindi makadiyos na landas na kanilang tinatahak: "Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal" (1 Timoteo 2:1–2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan pinahihintulutan para sa isang Kristiyano na sumuway sa pamahalaan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries