Tanong
Paano ko mapagtatagumpayan ang sakit na dulot ng pagtataksil ng aking kasintahan?
Sagot
Ang pagtataksil ay ang sukdulang pagwawalang bahala sa pagtitiwala ng isang tao at isa sa pinakamasakit na karanasan na maaaring maramdaman ng tao. Ang pagdurusang sanhi ng pagtataksil ay laging pinalalala ng kawalang laban ng biktima. Para sa marami, ang sakit na dulot ng pagtataksil ay mas masakit kaysa sa sakit na dulot ng pambubugbog, pandaraya at pag-aglahi. Winawasak ng pagtataksil ang pundasyon ng pagtitiwala.
Sanay si David sa pagtataksil ng kanyang mga pinagtitiwalaan: "Kaya kong mabata at mapagtiisan, kung ang mangungutya ay isang kaaway; kung ang maghahambog ay isang kalaban, kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan. Ang mahirap nito'y tunay kong kasama, aking kaibigang itinuturing pa! Dati'y kausap ko sa bawat sandal at maging sa templo, kasama kong lagi" (Awit 55:12-14). Mas malapit ang relasyon, mas malalim ang sakit na dulot ng pagtataksil.
Naranasan din ni Jesus ang sakit na dulot ng pagtataksil. Ang pinakamalaking pagtataksil sa lahat ng panahon ay ang pagtataksil ni Judas kay Jesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak (Mateo 26:15). "Lubos akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman; ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban" (Awit 41:9; cf. Juan 13:18). Ngunit hindi naghiganti si Jesus, nagtanim ng sama ng loob, o nagalit man. Sa halip, kabaliktaran ang Kanyang isinukli. Pagkatapos na hagkan ng taksil na si Judas, itinuring pa rin siya ni Jesus bilang isang "kaibigan" (Mateo 26:50).
Sa kabila ng sakit na ating maaaring maramdaman, may paraan upang mapaglabanan ang sakit na dulot ng pagtataksil. Direktang nagmumula sa Diyos ang kapangyarihan at lakas upang makapagpatawad. Pagkatapos na maghinagpis dahil sa nasirang pagtitiwala, ipinahiwatig ni David sa Awit 55 kung paano mapagtatagumpayan ang sakit na dulot ng pagtataksil. Kanyang sinabi, "Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo; aking natitiyak, ililigtas ako. Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin. Aking itataghoy ang mga hinaing, at ang aking tinig ay kanyang diringgin" (Awit 55:16-17).
Ang unang susi ay ang pag-iyak sa Diyos. Bagamat nais nating gumanti sa nagtaksil sa atin, dapat nating dalhin ang lahat sa paanan ng Panginoon. "Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos" (1 Pedro 3:9).
Ang isa pang susi sa pagtatagumpay sa sakit na dulot ng pagtataksil ng kasintahan ay ang pagalaala sa halimbawa ni Jesus. Itinutulak tayo ng ating makasalanang kalikasan na maghiganti, ngunit itinuro ni Jesus ang kabaliktaran: "Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. . . . ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo" (Mateo 5:39, 44). Noong si Jesus ay "insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol" (1 Pedro 2:23). Dapat nating tularan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng hindi paghihiganti sa mga nagkasla sa atin, maging sa mga nagtaksil sa atin. Bilang mga mananampalataya, dapat nating gawan ng mabuti ang mga nagkasala sa atin. [Paalala lamang na hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo hihingi ng katarungan sa batas ng tao sa mga kaso ng pangaabuso, paglabag sa mga patakaran sa pagnenegosyo, at iba pang legal na usapin. Gayunman, ang paghahanap ng hustisya ay hindi dapat na dahil sa kagustuhang makapaghiganti].
Ang isa pang susi sa pagtatagumpay laban sa kapaitang dulot ng pagtataksil ay ang kakayahang bigay sa atin ng Diyos na magpatawad sa mga nagkasala sa atin. Ipinapahiwatig ng salitang pagpapatawad ang pagbibigay. Kung pinipili nating magpatawad sa isang tao, sa aktwal ay binibigyan natin ang taong iyon ng isang kaloob—ang kalayaan mula sa ating paghihiganti. Ngunit binibigyan mo rin ang iyong sarili ng kaloob—isang buhay na malaya sa sama ng loob. Ang pagpapalit ng kapaitan at galit para sa pag-ibig ng Diyos ay isang kahanga-hangang karanasan na nagbibigay buhay.
Itinuro sa atin ni Jesus na dapat na maging bahagi ng ating pangaraw-araw na buhay ang pag-ibig sa ating kapwa: "Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo" (Mateo 5:44). Walang duda na tunay na napakahirap na magpatawad sa taong sumira sa ating pagtitiwala. Posible lamang ito sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos (tingnan ang Lukas 18:27).
Nauunawaan ng mga taong nakaranas ng pag-ibig ng Diyos kung paanong ibigin ng Diyos ng walang kundisyon. Sa pamamagitan lamang ng tulong ng Banal na Espiritu tayo makakaibig at makakapanalangin para sa mga taong gumawa sa atin ng kasamaan (Roma 12:14-21).
English
Paano ko mapagtatagumpayan ang sakit na dulot ng pagtataksil ng aking kasintahan?