Tanong
Kung ang ating kaligtasan ay hindi na mawawala kailanman, bakit ang Bibliya ay mahigpit na nagbababala laban sa pagtalikod?
Sagot
Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mahigpit na nagbababala laban sa pagtalikod ay sa dahilang ang ating pagiging Kristiyano ay nasusukat sa pamamagitan ng mga nakikitang bunga sa ating mga buhay. Nang nagbabawtismo si Juan Bautisata sa Ilog Jordan, nagbababala siya sa mga nagaakala na sila ay matuwid na ipakita sa "pamamagitan ng kanilang pamumuhay na sila'y nagsisisi" (Mateo 3:7). Nagbabala si Hesus sa mga nakikinig sa Kanyang sermon sa bundok na ang bawat puno ay makikilala sa kanyang bunga (Mateo 7:16) at ang bawat punong hindi nagbubunga ng mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy (Mateo 7:19).
Ang layunin sa likod ng mga babala ay upang salungatin ang tinatawag ng mga tao na "paniniwala sa isip lamang" o "easy believism". Sa ibang salita, ang pagsunod kay Hesus ay hindi lamang ang pagsasabi sa salita na ikaw ay isang Kristiyano. Kahit sino ay maaaring magangkin na si Kristo ang kanyang Tagapagligtas, ngunit ang tunay na ligtas ay tiyak na magbubunga. Maaaring may magtanong, "ano ba ang ibig sabihin ng bunga?" Ang pinakamalinaw na halimbawa ng bunga ng isang Kristiyano ay makikita sa Galacia 5:22-23 kung saan inilarawn ni Pablo ang mga bunga ng Espirtu Santo: "pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili." may iba pang uri ang bunga ng Kristiyano (katulad ng pagpupuri at pagaakay ng kaluluwa kay Kristo), ngunit ang listahang nabanggit ay nagbibigay sa atin ng mga pag uugali na makikita sa isang tunay na Kristiyano. Ang mga tunay namananampalataya ay kakikitaan ng ganitong mga pag uugali sa mas mataas na antas habang sila'y lumalago sa kanilang pamumuhay Kristiyano (2 Pedro 1:5-8).
Ito ang totoo, ang mga nagbubungang mga alagad ay may katiyakan na hindi nawawala ang kaligtasan at sila ay magpapatuloy hanggang wakas. Napakaraming talata sa Bibliya ang nagpapatunay dito. Ang Roma 8:29-30 na tinaguriang gintong kadena ng kaligtasan ay inilalarawan na ang mga itinalaga na noong una pa ay tinawag, pinawalang sala at niluwalhati - at walang mawawala isa man sa kanila. Itinuro ng Filipos 1:6 na tatapusin ng Diyos ang mabuting gawa na pinasimulan Niya sa ating mga buhay. Itinuturo naman ng Efeso 1:13-14 na tinatakan tayo ng Diyos ng Kanyang Banal na Espiritu bilang garantiya ng ating mana hanggang sa ganap nating makamtan iyon. Tinitiyak naman ng Juan 10:29 na walang makaaagaw sa mga tupa sa kamay ng Diyos Ama. Marami pang ibang mga talata sa Kasulatan na sinasabi ang parehong bagay - ang tunay na mga mananampalataya ay hindi mawawala ang kaligtasan kailanaman.
Ang mga talata na nagbababala laban sa pagtalikod ay may dalawang layunin. Una, hinahamon nila ang mga tunay namananampalataya na tiyakin ang kanilang "pagkatawag at pagkapili." Sinasabi sa atin ni Pablo sa 2 Corinto 13:5 na dapat nating siyasatin ang ating sarili kung tayo ay nasa pananampalataya. Kung ang mga tunay na mga mananampalataya ni Kristo ay namumunga, makikita ang ebidensya ng kanilang kaligtasan. Ang mga mananampalataya ay namumunga sa iba ibang antas depende sa kanilang antas ng pagsunod at kaloob na espiritwal, ngunit ang tiyak, lahat ng tunay na mananampalataya ay namumunga; at dapat nating makita ang ebidensya noon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa sarili.
May mga yugto sa buhay ng isang Kristiyano na hindi siya kinakikitaan ng bunga. Ang mga panahong iyon ay panahon ng kasalanan at pagsuway. Ang nangyayari sa loob ng mahabang panahon ng pagsuway ay inaalis ng Diyos ang katiyakan ng kanyang kaligtasan. Kaya nanalangin si David sa Awit 51 na "ibalik sa kanya ang galak ng kaligtasan" (Awit 51:12). Nawawala ang galak na dulot ng pagliligtas ng Diyos kung namumuhay tayo sa kasalanan. Kaya sinasabi sa atin ng Bibliya na, "Tiyakin ninyong mabuti kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya" (2 Corinto 13:5). Kung sinusuri ng isang tunay na Kristiyano ang kanyang sarili, at nakita niya na wala siyang bunga, dapat na ito ang magtulak sa kanya sa pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos.
Ang ikalawang dahilan ng mga talata sa Bibliya na nagbababala laban sa pagtalikod ay upang makilala natin kung sino ang mga taong iyon. Ang isang tumalikod ay isang tao na iniwan na ang kanyang pananampalataya. Maliwanag sa Bibliya na ang mga tumalikod ay mga taong nagpahayag ng kanilang pananampalataya kay Hesu Kristo ngunit hindi totoong tumanggap sa Kanya bilang Tagapagligtas. Inilarawan ng napakalinaw ang ganitong klase ng pananampalataya sa Mateo 13:1-9 (sa Talinghaga ng Manghahasik). Sa talinghagang ito, isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng binhi na sumisimbolo sa Salita ng Diyos na nahulog sa apat na klase ng lupa: matigas na lupa, mabatong lupa, madawag na lupa at matabang lupa. Ang una ay purong pagtanggi habang ang tatlo ay naglalarawan sa mga tao na tumanggap ng Salita ng Diyos. Ang mabato at madamong lupa ay naglalarawan sa mga taong buong tuwa na tinanggap sa umpisa ang salita ng Diyos ngunit ng dumating ang mga pagsubok (mabatong lupa) at ang mga makasanlibutang pagnanais (madamong lupa), sila ay hindi nanatili sa Salita ng Diyos. Nilinaw ng Panginoong Hesus na bagamat ang dalawang klase ng lupang ito ay tinanggap ang ebanghelyo sa una, hindi sila nagbunga dahil hindi nag ugat ang Salita sa kanilang mga puso. Ang ikaapat na klase ng lupa lamang ang "inihanda" ng Diyos, ang tumanggap sa binhi ay namunga. Muli sinasabi ni Hesus sa Kanyang sermon sa bundok, "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit" (Mateo 7:21).
Parang hindi pangkaraniwan na nagbababala ang Bibliya na laban sa pagtalikod gayong itinuturo din nito na ang isang tunay namamampalataya ay hindi tatalikod kailanman. Gayunman, ito ang itinuturo ng Bibliya. Sinasabi ng Unang Juan 2:19 na ang pagtalikod ay pagpapatunay na ang sinumang gumawa nito ay hindi talaga tunay na mananampalataya. "Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin" (1 Juan 2:19). Ang babala ng Bibliya kung gayon ay para sa nagsasabing sila ay nasa pananampalataya ngunit hindi totoong tumanggap ng tunay na pananampalataya. Ang mga talata sa Bibliya na gaya ng Hebreo 6:4-6 at Hebreo 10:26-29 ay babala laban sa mga nagkukunwaring mananampalataya na suriin ang kanilang mga sarili at kung matanto nila na gusto nilang tumalikod ay malaman nila na hindi pala sila totoong naligtas. Ang Mateo 7:22-23 ay nagpapahayag na ang mga nakukunwaring mananampalataya na tinanggihan ng Diyos ay hindi tinanggihan dahil nawala ang kanilang pananampalataya kundi dahil hindi sila kinikilala ng Diyos.
Maraming mga tao ang gustong makilala bilang mananampalataya ni Hesus. Sino nga ba ang tatanggi sa buhay na walang hanggan at mga pagpapala? Gayunman, nagbabala si Hesus sa halaga ng pagiging alagad (Lukas 9:23-26, 14:25-33). Ang mga tunay namananampalataya ay handang bayaran ang halaga ng pagiging alagad samantalang ayaw nito ng mga tumalikod. Ang mga tumalikod ay ang mga tao na ng iwanan nila ang pananampalataya, ay nagpapatunay lamang na hindi talaga sila naligtas noong una (1 Juan 2;19). Ang pagtalikod ay hindi pagkawala ng kaligtasan manapa, ito ay demonstrasyon na ang kaligtasan ay hindi nila naranasan at nakamtan kailanman.
English
Kung ang ating kaligtasan ay hindi na mawawala kailanman, bakit ang Bibliya ay mahigpit na nagbababala laban sa pagtalikod?