settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatagumpay sa kalungkutan?

Sagot


Ang kalungkutan ay isang emosyon na pangkaraniwang nararanasan ng lahat ng tao at saksi tayo sa proseso ng kalungkutan sa buong kasaysayan ng Bibliya. Maraming tauhan sa Bibliya ang nakaranas ng malubhang kalungkutan at pakiramdam ng kawalan gaya ni Naomi, Hannah, at David. Maging ang Panginoong Jesus ay nalungkot (Juan 11:35; Mateo 23:37-39). Pagkatapos na mamatay si Lazaro, pumunta si Jesus sa nayon ng Betanya, kung saan ito nakalibing. Nang makita ni Jesus si Marta at ang iba pa na tumatangis, tumangis din Siya. Nadala Siya ng kanilang kalungkutan at maging ng katotohanan ng kamatayan ni Lazaro. Isang kahanga-hangang bagay na bagama't alam ni Jesus na Kanyang bubuhaying muli si Lazaro mula sa mga patay, pinili Niyang makibahagi sa kalungkutan ng sitwasyon. Tunay na si Jesus ang Dakilang Saserdote na "nakakaunawa sa ating mga kahinaan" (Hebreo 4:15).

Ang isang hakbang sa pagtatagumpay laban sa kalungkutan ay ang pagkakaroon ng tamang perspektibo dito. Una, dapat nating kilalanin na ang kalungkutan ay normal na tugon ng tao sa sakit at pagkawala ng minamahal. Walang masama sa kalungkutan o pagdadalamhati. Ikalawa, alam natin na may layunin ang panahon ng pagdadalamhati. Sinasabi sa Mangangaral 7:2, "Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay." Ang talatang ito ay nagpapahiwatig na sa isang banda, ang kalungkutan ay maganda dahil nagpapaalala ito sa atin ng tamang pananaw sa buhay. Ikatlo, alam natin na ang pakiramdam ng kalungkutan ay panandalian lamang. "Ang kanyang galit, ito'y panandalian, ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak" (Awit 30:5). May katapusan ang kalungkutan. May layunin ang pagdadalamhati, ngunit mayroon din itong limitasyon.

Habang dumaranas ng kalungkutan, tapat ang Diyos. Maraming talata sa Kasulatan na nagpapaalala sa atin sa katapatan ng Diyos sa panahon ng kalungkutan at pagdadalamhati. Kasama natin Siya sa lilim ng landas ng kadiliman (Awit 23:4). Nang magdalamhati si David, idinalangin niya ang Awit 56:8: "Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala: ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya; wala ba sila sa iyong aklat?" Ang makabagbag-damdaming larawan ng "paglalagay ng Diyos ng ating luha sa isang botelya" ay napakayaman sa kahulugan. Gaya noong tumangis ang Pangooong Jesus kasama ng mga nagdadalamhati sa pagkamatay ni Lazaro sa Betanya, namimighati din ang Diyos. Sa panahong ito, muli Niyang titiniyak sa atin na hindi nawawala ang lahat. Ipinapaalala sa atin ng Awit 46:10 na "tumigil" at "magpahinga" sa kaalaman na Siya ay Diyos. Siya ang ating kanlungan (Awit 91:1-2). Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin (Roma 8:28).

Ang isang hakbang sa pagtatagumpay laban sa kalungkutan ay ang pagpapahayag nito sa Diyos. Naglalaman ang aklat ng Awit ng maraming halimbawa ng pagpapaabot ng karaingan sa Diyos. Kapuna-puna na sa kanyang pagsusulat, hindi humihinto ang Manunulat ng Awit kung saan siya ang nagsimula. Maaari siyang magtapos sa pagpapahayag ng kanyang kalungkutan, ngunit halos sa lahat ng pagkakatoan, nagtatapos siya sa pagpupuri at pasasalamat (Awit 13; Awit 23:4; Awit 30:11-12; Awit 56). Nauunawaan tayo ng Diyos (Awit 139:2). Sa tuwing tayo'y nananalangin, maaari nating buksan ang ating puso at isipan sa katotohanang iniibig Niya tayo, na Siya ay tapat, na Siya ang may kontrol sa lahat ng nangyayari, at alam Niya ang kanyang gagawin upang maging para sa ating ikabubuti ang lahat ng mga nangyayari.

Ang isa pang mahalagang hakbang sa pagtatagumpay laban sa kalungkutan ay ang pagbabahagi nito sa iba. Ginawa ang katawan ni Kristo upang pagaanin ang mga kabigatan ng bawat indibidwal na miyembro (Galacia 6:2), at may kakayahan ang mga kapwa natin mananampalataya na "makitangis sa mga tumatangis" (Roma 12:15). Kadalasan, lumalayo ang nagdadalamhati sa ibang tao at mas pinalalala nito ang pakiramdam ng pagiisa at kasawian. Mas maganda kung hihingi ng payo ang isang tao sa iba dahil hindi matatawaran ang halaga ng pagpapayo ng isang grupo. Nagaalok ang grupo ng pakikinig at pagpapalakas ng kalooban, pagtanggap at gabay sa pagtatagumpay sa kalungkutan. Kung ipinapaabot natin ang ating karanasan sa Diyos at sa iba, nababawasan ang ating kalungkutan.

Ang malungkot, ang pagdadalamhati ay normal na bahagi ng karanasan ng tao dito sa lupa. Ang kawalan ay sangkap ng buhay at ang kalungkutan ay normal na tugon sa kawalan. Ngunit may pag-asa tayo kay Kristo at alam natin na sapat Siya para tulungan tayong pasanin ang ating mga kabigatan (Mateo 11:30). Maaari nating ipagkatiwala sa Kanya ang ating mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa atin (1 Pedro 5:7). Makakatagpo tayo ng kaaliwan sa Banal na Espiritu, ang ating Mangaaliw at Tagapayo (Juan 14:16). Sa gitna ng kalungkutan, maaari nating ipagkatiwala ang ating mga kabigatan sa Diyos, magtiwala sa komunidad ng iglesya, magsaliksik sa katotohanan ng Salita ng Diyos, at sa wakas ay maranasan ang pag-asa (Hebreo 6:19-20).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatagumpay sa kalungkutan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries