settings icon
share icon
Tanong

Bakit napakamapinsala ang pagtataksil sa asawa?

Sagot


Ang pagtataksil sa asawa ay nagaganap kung ang isa sa magasawa ay nakipagtalik sa iba. May mga dahilan sa pangangalunya, ngunit ang karamihan sa mga ito ay dahil sa pangangailangan ng emosyonal na koneksyon. May malalim na pangangailangan ang bawat tao ng pagpapahalaga, at pangunawa ng iba. Ang mga pangangailangang ito ay napupunan ng pagaasawa. Gayunman, kung hindi ito maganap, ang isa sa magasawa ay maaaring maghanap ng iba upang mapunan ang mga pangangailangang ito na nagiging daan sa pagtataksil sa kabiyak.

Nilikha ng Diyos ang pagtatalik upang magkaroon ng kasiyahan ang dalawang tao na pinagisa ng pagaasawa. Ang pakikipagtalik sa isang hindi asawa ay pagbaluktot sa layunin nito at nalilimitahan ang kasiyahang dulot nito. Ang sekswal na ugnayan ay kinapapalooban ng pagiging malapit sa isa't isa na hindi kayang ibigay ng ibang relasyon. Nang pag-isahin ng Diyos sina Adan at Eba, itinatag Niya ang relasyon ng pagiging isang laman. Sinasabi sa atin sa Genesis 2:24 na dapat na iwanan ng lalaki ang kanyang pamilya at sumama sa kanyang asawang babae at maging isang laman silang dalawa. Ang ideyang ito ng pagiging isang laman ay dinala hanggang sa Bagong Tipan; makikita natin ito sa mga pananalita ni Jesus sa Mateo 19:5 at Markos 10:7. Ipinaliwanag ni Pablo ang "pagiging isang laman" sa 1 Corinto 6:12-20. Sinabi niya na kung makikipagtalik ang isang lalaki sa isang patutot, nagiging kaisang laman siya ng patutot na iyon (talata 16). Malinaw na may espesyal na kahulugan ang pakikipagtalik para sa Diyos.

Kinapapalooban ang pagiging isang laman ng higit pa sa isang malapit na ugnayang pisikal. Habang nagtatalik ang dalawang tao, may pagbabahaginan din ng emosyon hindi lamang ng katawan. Ang pigura ng pananalita na ginamit sa Lumang Tipan para sa pagtatalik ay "pagkilala sa bawat isa" – isang napakahalagang ekspresyon. Ang pagtatalik ang pinakamalapit na ugnayan sa pagitan ng dalawang tao at sa tuwing nagaganap ito, masasabing tunay na "nakikilala ng tao ang isang tao." Ang antas ng pagtitiwala na kinakailangan para sa ganitong uri ng relasyon ay napakalalim kaya ito ang dahilan kung bakit ang pagtatalik ay para lamang sa magasawa. Ang pagbibigay ng sarili sa isang tao sa konteksto ng pagaasawa ang nagaalis ng takot; ang kabiyak ay napoprotektahan ng pagtatalaga ng asawa at likas ang katatagan ng isang relasyon na may kasunduan. Ang pagsira sa pagtitiwala ang nagwawasak sa isang tao at sa relasyon sa pagitan ng magasawa. Ito ay pagsira sa pagtitiwala at pangako, pagwasak sa seguridad, at pagputol sa pagkakaisa.

May mga istatistika na nagsasabi na 60 hanggang 70 porsyento ng mga magasawa na nakaranas ng pagtataksil ng asawa ang nagsasama pa rin. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na naghilom na ang sugat na nilikha ng pagtataksil o muling nanumbalik na ang tiwala nila sa isa't isa. Sa maraming pagkakataon, nananatili ang magasawa sa relasyon sa kabila ng pagtataksil hindi dahil masaya sila kundi dahil natatakot sila sa magiging resulta ng paghihiwalay. Gayunman, may ibang magasawa na itinalaga ang sarili isa't isa upang lutasin ang mga problema, inaalam ang kahinaan ng isa't isa at itinutuwid ang mga pagkakamali. Ang ganitong uri ng relasyon ay may magandang tsansa hindi lamang ng pananatiling magkasama kundi mapapagtagumpayan ang proseso sa pagkakaroon ng isang matatag, masaya at makabuluhang pagsasama bilang magasawa.

Mahalagang tandaan na gaya ng ibang kasalanan, ang pagtataksil sa asawa ay maaaring mapatawad ng Diyos. Kayang abutin ng biyaya ng Diyos kahit ang isang mangangalunya (Isaias 59:1). Habang nagsisisi at pinatatawad ng Diyos ang isang makasalanan, obligado ring magpatawad ang asawang pinagtaksilan. Dahil sa kaalaman na pinatawad din tayo ng Diyos sa ating hindi mabilang na kasalanan at utang natin ito sa Kanya sa pamamagitan ni Jesus, inaasahan tayo ng Diyos na ipaaabot din natin sa iba ang parehong biyayang ating tinanggap sa Kanya (Mateo 6:15; 18:15–22). Ang pagpapatawad at pagpapatuloy ay hindi likas sa tao at hindi madali. Ang daan sa pagpapanumbalik ay maaaring maging mahaba at masakit. Ngunit laging sapat sa atin ang biyaya ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit napakamapinsala ang pagtataksil sa asawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries