Tanong
Ano ang dapat na tugon ng Kristiyano kung siya ay pinagtataksilan ng kanyang asawa?
Sagot
Ang pagtataksil ay isang napakahirap at masakit na sitwasyon. Ito ay kinapapalooban ng lahat na emosyon at para sa isang Kristiyano, ito’y isang hamon sa kanyang pananampalataya. Ang pinakamagandang bagay na magagawa ng isang Kristiyano ay dinggin ang payo ni Pedro, “Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo” (1 Pedro 5:7). Lumapit tayo sa Diyos para sa kaaliwan, karunungan at direksyon sa araw araw. Matutulungan Niya tayo maging sa gitna ng pinakamabigat na pagsubok na ating pinagdaraanan.
Laging mali ang pangangalunya. “Hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya” (Hebreo 13:4). Ang partido na ginawan ng kasalanan ay dapat na magtiwala sa katotohanan na ang Diyos ang maghihiganti. Hindi niya dapat gantihan ang kanyang asawa. Ang Diyos ang may kakayahan at karapatan na gantihan ang mga nagkasala sa atin. Kung ginawan ka ng ganitong kasalanan ng iyong asawa, ipagtiwala mo ang lahat sa Diyos na nakakaalam ng lahat ng detalye ng mga pangyayari at Siya ang maglalapat ng tamang kaparusahan sa nagkasala.
Magpatawad! “Sapagka't kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan. Datapuwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan” (Mateo 6:14, 15). Tila imposible itong gawin, ngunit sa biyaya ng Diyos, ang biktima ay maaaring magpatawad dahil sa pagsunod sa utos ng Diyos. Ang pagtatanim ng galit ay makakaapekto sa paguugali, emosyon at sa kagustuhang sumunod sa Diyos at maaapektuhan din nito sa negatibong paraan ang ating mga pang araw-araw na desisyon. Hindi ito nangangahulugan na hindi mararanasan ng ginawan ng kasalanan ang sakit ng malalim na sugat na nalikha ng kasalanan. Ngunit ang biyaya ng Diyos ang tutulong sa oras ng kanyang mga pangangailangan. Ang alternatibo ay ang pagkakaroon ng mapagpatawad na puso na maaaring mapuno ng paghihiganti, galit, at poot.
Humingi ng tawad! “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9). Dapat na sangguniin ng magkabilang panig ang Diyos at siyasatin ang kanilang sarili kung paanong nakapagambag ang aksyon ng bawat isa sa sitwasyon at kung paano sila mapapalaya mula sa bigat ng paguusig ng budhi sa harapan ng Panginoon. Mula sa puntong ito, magkakaroon ng kalayaan na hanapin ang Kanyang payo at gabay. Ang Kanyang Banal na Espiritu ang tutulong sa kanila upang gawin ang mga bagay na hindi nila kayang gawin sa sariling kalakasan. “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).
Pagkatapos, sa pangunguna ng Diyos, maaari ng sumunod ang pagpapatawad at pagkakasundo. Kahit na maaari itong magtagal, dapat na gawin ang lahat na makakaya upang magkaroon ng pagpapatawaran at pagkakasundo (Tingnan ang Maeo 5:23-24.) Sa isyu ng paghihiwalay o muling pagsasama, sinasabi sa Mateo 19:9, “At sinasabi ko sa inyo, sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya” (Mateo 19:9). Habang may katwiran ang pinagkasalahan na makipaghiwalay, ang laging nais ng Diyos ay pagpapatawad at pakikipagkasundo.
Sinasabi ng Panginoon, “Sapagka't aking kinapopootan ang paghihiwalay!” (Malakias 2:16) Higit na makabubuti na ayusin ang mga isyu na naging dahilan ng mga problema, lalo na kung may mga anak na maaapektuhan. Makatutulong ang makadiyos na pagpapayo mula sa isang tao na ginagamit ang salita ng Diyos bilang basehan ng pagpapayo. Napakahalaga ng panalangin para sa gabay ng Panginoon sa bawat iisipin, sasabihin, at gagawing desisyon ng bawat isa.
English
Ano ang dapat na tugon ng Kristiyano kung siya ay pinagtataksilan ng kanyang asawa?