Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatalaga laban sa malayang pagpapasya?
Sagot
Kapag tinatalakay ang pagtatalaga laban sa malayang pagpapasya, maraming tao ang lubos na pinipili ang isang bahagi sa paraan na ayaw nilang tanggapin kahit ang posibilidad ng katotohanan sa iba. Iyong mga lubos na nagbibigay diin sa walang hanggang kapamahalaaan ng Diyos sa pagtatalaga kung sino ang ililigtas ay may mga pagkakataon na ang kanilang posisyon ay nahahawig sa patalismo. Iyong mga nakatuon naman sa malayang pagpapasya ng sangkatauhan ay halos hindi na namamalayan na hindi nila tinatanggap ang walang hanggang kapamahalaaan ng Diyos. Gayunman, kung ang mga terminolohiyang ito ay uunawain ayon sa biblikal na paraan, ang talakayan ay hindi na tungkol sa pagtatalaga laban sa malayang pagpapasya kundi pagtatalaga at hindi lubos na malayang pagpapasya.
Makikita natin na ang mga talatang kagaya ng Roma 8:29-30 at Efeso 1:5-11 ay malinaw na nagtuturo na may ilang itinalaga ang Diyos upang maligtas. Ang salitang isinalin bilang “itinalaga” ay nangangahulugang “tiyak' na ang tadhana noon pa man.” Hindi natin maaaring takasan ang katotohanan na itinadhana na ng Diyos kung sino ang maliligtas at kung anuman ang naging batayan ng Diyos sa pagliligtas ay maaaring mag udyok ng debate, subalit ang pagtatalaga ay isang malinaw na katuruang biblikal. Katunayan ay maraming mga talata sa Bagong Tipan ang tumutukoy sa mga mananampalataya bilang pinili upang maligtas (Mateo 24:22, 31; Marcos 13:20, 27; Roma 8:33; 9:11; 11:5-7, 28; Efeso 1:11; Colosas 3:12; 1 Tesalonica 3:12; 1 Timoteo 5:21; 2 Timoteo 2:10; Tito 1:1; 1 Pedro 1:1-2; 2:9; 2 Pedro 1:10).
Walang itinuturo sa Bibliya na ang tao ay may malayang pagpapasya. Ang karaniwang pagkaunawa ng tao sa malayang pagpapasya ay isang uri ng pagpapasya na malaya tayong gawin kung ano ang nais natin na tila ba malaya ang ating isip mula sa panlabas na impluwensya. Ang ganitong unawa sa malayang pagpapasya ay hindi biblikal at hindi umaakma maging sa realidad. Dapat nating tanggapin ang itinuturo ng Bibliya na tayo ay mga “patay dahil sa ating mga kasalanan at pagsuway kung wala si Cristo” (Efeso 2:1). Kaya't tiyak na malaki ang epekto sa ating pagpapasya kung tayo ay mga patay sa espiritu. Sinasabi sa Juan 6:44 na malibang ilapit ng Diyos ay walang makakalapit kay Cristo upang maligtas. Dahil diyan kung ang ating pagpapasya na magtiwala kay Cristo ay imposibleng mangyari na wala ang pagkilos ng Diyos, ang ating pagpapasya kung ganun ay hindi masasabing “malaya.”
Ang ating kakayahang magpasya ay naaapektuhan ng maraming salik, katulad ng ating makasalanang kalikasan, ng paraan kung paano tayo pinalaki, ng ating intelek, pagsasanay/edukasyon, biyolohiya, sikolohiya, at marami pang iba. Dahil sa mga bagay na iyan ay masasabi natin na ang tao ay walang malayang pagpapasya. Totoong mayroon tayong kaisipan at kaya nating gumawa ng mga pagpapasya. Sa biblikal na pangungusap ay mayroon tayong responsibilidad upang tumugon sa anumang ipinahayag ng Diyos sa atin, kabilang na riyan ang kanyang panawagan na paniwalaan natin ang ebanghelyo (Juan 1:12; 3:13; Gawa 16:31; Roma 10:9-10; Pahayag 22:17). Ngunit muli kong sasabihin na ang ating pagpapasya ay hindi tunay na malaya.
Bilang pagtatapos, ang pagtatalaga ay isang doktrinang biblikal ngunit ang malayang pagpapasya ay hindi. At kung ang pagpipilian ay pagtatalaga laban sa malayang pagpapasya, malinaw na magwawagi ang pagtatalaga batay sa Bibliya. Subalit higit na mahirap kung ang tanong ay tungkol sa pagtatalaga laban sa pagpapasya o pagtatalaga laban sa responsibilidad. Kahit paano, ang Diyos ay higit na makapangyarihan sa mga ligtas at pare-pareho tayong tunay na may pananagutan sa ating pasya na may kaugnayan sa kaligtasan. Makikita natin sa Bibliya na paulit-ulit tayong tinatawagan ng Diyos na gamitin ang ating pagpapasya at magtiwala kay Cristo upang maligtas. Marahil ay walang kabuluhan at hindi natin maunawaan kung paano magkaparehong gumagawa ang dalawang katotohanang ito. Ngunit ito ay ganap na makabuluhan sa isipan ng Diyos.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatalaga laban sa malayang pagpapasya?