Tanong
Paano nauugnay ang pagtatalaga at pagpili sa paunang kaalaman?
Sagot
Yamang nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay, tiyak na posible para sa Kanya na ang pagtatalaga at pagpili ay ibatay sa kanyang paunang pagkakaalam ng hinaharap. Sa katunayan, iyan ang posisyon na pinanghahawakan ng maraming kristiyano, kagaya ng paniniwala ng mga Arminian tungkol sa predestinasyon o pagtatalaga. Ngunit ang problema, hindi naman talaga ito ang itinuturo ng Biblia tungkol sa pagtatalaga, pagpili, at paunang kaalaman. Kaya nga, upang ating maunawaan kung bakit hindi itinuturo ng Bibliya ang pagpili ng Diyos ayon sa kanyang kaalaman ng magaganap sa hinaharap, kinakailangang isaalang-alang ang ilang talata na nagpapahayag ng dahilan ng pagtatalaga at pagpili ng Diyos sa tao upang ang taong iyon ay maligtas.
Sinasabi sa Efeso 1:5 na tayo ay "itinalaga ng Diyos upang maging anak Niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin." Ayon sa mga talatang ito, ang batayan ng pagkakatalaga o predestinasyon natin ay hindi dahil sa mga ginagawa o gagawin natin, kundi tanging ayon lamang sa kanyang kalooban at kasiyahan. Katulad ng sinasabi sa Roma 9: 15-16, “Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.” Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos." Ipinapahayag din sa Roma 9:11 ang tungkol kay Jacob at Esau. Ganito ang sinasabi, "Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili: Hindi sa pamamagitan ng gawa kundi sa pamamagitan niya na tumatawag." Muli nating makikita sa Efeso 1:11 ang ideyang ito na ang tao ay "pinili at itinalaga ayon sa panukala ng Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang layunin at kalooban." Mula sa mga talatang ito ay makikita natin ang itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang pagtatalaga at pagpili ng Diyos ng kanyang ililigtas ay hindi batay sa ating ginagawa o gagawin: hindi tayo itinalaga o pinili ng Diyos dahil nakita niya sa hinaharap na tayo ay sasampalataya. Pumipili at nagtatalaga Siya ng tao dahil sa kanyang malayang kalooban upang tubusin sila para sa Kanya mula sa anumang tribo, lengguwahe, at bansa. Sila ay itinalaga ng Diyos bago pa likhain ang sanlibutan (Efeso 1:4) at ito ay batay lamang sa kanyang kapangyarihan at hindi dahil sa nakita o nalaman niyang maaaring gawin ng isang tao.
Ngunit paano naman ang Roma 8:29 na nagsasabing "...ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya..?" Hindi ba't tila sinasabi sa mga talatang iyan na ang pagtatalaga ng Diyos ay batay sa kanyang paunang kaalaman? Siyempre ang sagot ay Oo. Itinuturo nga ng talata na ang pagtatalaga ng Diyos ay batay sa kanyang paunang kaalaman, subalit ano nga ba ang kahulugan ng "paunang kaalaman?" Ito ba ay tumutukoy sa pagkaka alam ng Diyos dahil nakita nya kung sino ang sasampalataya sa kanya sa hinaharap, maniniwala sa ebanghelyo kaya't sila'y itatalaga at pipiliin niya? Kung ganoon, ito ay sumasalungat sa binabanggit ng mga talata sa itaas mula sa Roma at Efeso na maliwanag na nagsasabing ang pagpili ng Diyos ay hindi nakabatay sa kayang gawin ng tao. Mabuti na lang at Hindi hahayaan ng Diyos na magkaroon tayo ng kalituhan sa isyung ito. Sa Juan 10:26, sinabi ni Jesus, "Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa." Sumasampalataya ang isang tao dahil sila ay para sa Diyos. Siya ay pinili upang maligtas, hindi dahil sa siya ay sasampalataya balang araw. Siya ay pinili ng Diyos upang "maging kanyang anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo" bago pa siya mabuhay. Ang dahilan kung bakit ang isang tao ay sumasampalataya at ang isa ay hindi sumampalataya ay sapagkat ang isa ay piniling maging anak at ang isa naman ay hindi. Ang totoo, ang salitang "paunang kaalaman" na binabanggit sa Roma 8:29 ay hindi naman talaga tumutukoy sa pagkakaalam ng Diyos sa hinaharap. Ang katagang ito ay hindi ginagamit patungkol sa kaalaman sa pangyayari o okasyon na magaganap sa hinaharap (kaalaman ng Diyos sa lahat ng bagay). Ang ipinapahiwatig nito ay ang panukala ng pakikipagugnayan ng Diyos ayon sa kanyang karunungan kung saan Siya ay magdadala ng kaligtasan at ang panukalang ito ay iiral bago pa man ang mga panahon.
Dapat din nating maunawaan na ang salitang "kilala" sa Biblia ay kadalasang ginagamit upang ilarawan ang matalik o personal na ugnayan sa pagitan ng babae at lalaki. Kaya't sa kaparehong diwa, bago pa man likhain ng Diyos ang langit at lupa, at malaong panahon bago pa tayo isilang ay alam at kilala na ng Diyos ang kanyang mga pinili. Sila ay pinli niyang maging kanyang tupa, hindi dahil alam niyang sasampalataya at susunod sila balang araw, kundi upang tiyakin na sila ay sasampalataya at susunod sa kanya. Ang dahilan kung bakit sila ay sumusunod ay sapagkat sila ay pinili ng Diyos. Kaya't ang isyu ay hindi kung kilala ba ng Diyos o hindi kung sino ang sasampalataya sa Kanya kundi, bakit ang iba ay sumasampalataya at ang iba naman ay hindi. Ang simpleng sagot ay dahil kinahahabagan ng Diyos ang ibig niyang kahabagan at hinahayaan niya ang ilan na manatili sa kanilang kasalanan.
English
Paano nauugnay ang pagtatalaga at pagpili sa paunang kaalaman?