settings icon
share icon
Tanong

Pagtatalik bago ang kasal–bakit lubhang tumututol dito ang mga Kristiyano?

Sagot


Ang pagtatalik bago ang kasal ay anumang sekwal na aktibidad bago ang aktwal na seremonya ng kasal. May ilang dahilan kung bakit tinututulan ng Bibliya at tradisyonal na Kristiyanismo ang gawaing ito. Pinahihintulutan lamang ng Diyos ang pagtatalik sa pagitan ng isang lalaki at isang babae upang gawin sa loob lamang ng matrimonyo ng kasal. Kung gagawin ito ng hindi pa nakakasal, nagiging masama ito at nalilimitahan ang kasiyahan ng pagtatalik. Kinapapalooban ang sekswal na pagtatalik ng isang antas ng relasyon na hindi nararanasan sa ibang uri ng relasyon. Nang pagsamahin ng Diyos sina Adan at Eba, itinatag Niya ang relasyon ng pagiging "isang laman." Sinasabi sa atin sa Genesis 2:24 na iiwanan ng isang lalaki ang kanyang pamilya, sasama sa kanyang asawa at sila'y magiging isa.

Dinala ang ideyang ito ng Lumang Tipan tungkol sa pagaasawa sa Bagong Tipan. Makikita natin ang ideyang ito sa mga pananalita ng Panginoong Jesus sa Mateo 19:5 at Markos 10:7. Ipinaliwanag din ni Pablo ang ideyang ito sa 1 Corinto 6:12-20 sa kanyang pagtuturo tungkol sa pagka-Panginoon ni Cristo sa ating katawan gayundin sa ating mga kaluluwa. Sinabi niya na kung makikipagtalik ang isang lalaki sa isang upahang babae, nagiging "isang laman" sila (talata 16). Malinaw na espesyal ang sekswal na relasyon. May antas ng panganib na masira ang pagkatao ng isang tao na nakikipagtalik na dapat na ginagawa lamang sa konteksto ng kasal.

Sa pangkalahatan, may dalawang konteksto ang sekswal na ugnayan bago ang kasal. Una ay ang mga nagsasabing "mahal namin ang isa't isa at nakatalaga naman kami sa isa't isa pero hindi kami handang maghintay" at ang ikalawa ay ang kaswal na seks o pagtatalik ng walang pagtatalaga ng sarili kundi para lamang sa panandaliang kasiyahan. Ang katwiran ng una ay tiyak namang magpapakasal ang magkasintahan, kaya walang kasalanang nagaganap sa kanilang relasyon kahit na ang pagtatalik. Gayunman, nagpapakita ito ng kawalan ng pagtitiyaga at paggalang sa sarili gayundin sa karelasyon. Inaalis nito ang espesyal na kalikasan ng relasyon mula sa tamang pundasyon at nagsusulong ng ideya na wala namang pundasyon ang pagaasawa. Kung tatanggapin natin ang gawaing ito, hindi magtatagal at magiging katanggap-tangap na ang lahat ng sekswal na gawain. Ang pagsasabi sa karelasyon na karapatdapat siya sa paghihintay ay nagpapalakas ng relasyon at nagpapataas ng antas ng pagtatalaga at pagpapahalaga.

Talamak ang kaswal na seks sa maraming sosyedad sa mundo. Sa katotohanan, wala talagang "kaswal" na seks dahil sa lalim ng relasyon na nakapaloob sa pagtatalik. Isang paglalarawan ang maaring gamitin. Kung ididikit natin ang isang bagay sa isa pang bagay gamit ang glue, maaaring maalis ang pagkakadikit. Ngunit magiiwan iyon ng marka at mawawalan ng kakayahan na muling dumikit sa anumang bagay. Parang ganito ang nangyayari sa tao sa tuwing nakikipagtalik siya ng walang pagtatalaga ng sarili. May bahagi ng kanyang sarili ang naiiwan. Mas matagal ang realsyon, mas marami ang maiiwan, at mas marami ang nawawala sa pagkatao. Habang nagpapapalit-palit ng kapareha ang isang tao, patuloy na nawawala ang bahagi ng kanyang pagkatao at sa huli ay nawawala ang kanyang kakayahan na makipagrelasyon ng matagal sa sinuman. Napakalakas at napakalapit ng relasyon na nagaganap sa tuwing may pagtatalik anupa't walang puwang ang hindi pagtatalaga ng sarili, kahit pa gaano kadali ito sa akala ng tao.

May pag-asa pa ba sa mga nakagawa ng kasalanang ito? Kung nakagawa ang isang Kristiyano ng ganitong kasalanan at nawala ang kanyang pagiging birhen, uusigin ng Banal na Espiritu ang kanyang budhi at mananangis siya dahil dito. Gayunman, napakahalagang tandaan na walang anumang kasalanan ang hindi kayang lunasan ng dugo ni Kristo. Kung ipapapahayag natin ang ating kasalanan sa Diyos, hindi lamang Niya tayo patatawarin kundi lilinisin Niya tayo sa lahat ng ating kalikuan (1 Juan 1:9). Gayundin, bukod sa kapatawaran, panunumbalikin ng Diyos ang nagkasala. Sa Joel 2:25 sinabi ng Diyos sa Israel na Kanyang ibabalik ang kasaganaan pagkatapos na manalasa sa kanilang bansa ang mga balang. Hindi ito direktang pangako para sa Kristiyano ngayon, ngunit ipinapahiwatig nito ang pagpapanumbalik ng Diyos sa mga nagkasala. Ang pagtatalik ng hindi pa nakakasal ay gaya ng balang na umuubos ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili at sa ating pananaw sa pagpapatawad. Ngunit kayang papanumbalikin ng Diyos ang lahat ng mga nagkasala. Sinasabi sa atin sa Kasulatan na ginawa tayo ng Diyos na mga bagong nilalang ng lumapit tayo kay Kristo (2 Corinto 5:17), kaya ang isang taong nakipagtalik bago ang kasal bago siya nakakilala sa Panginoon ay pinaging-bagong nilalang; wala na ang kanyang dating pagkatao, siya ay naging ganap na bago.

Panghuli, alam natin na bilang mga mananampalataya, binabago tayo ng Banal na Espiritu bawat araw habang lumalakad tayo sa pananampalataya kay Jesus. Sinasabi sa atin sa Colosas 3:10 na ang ating bagong pagkatao ay patuloy na binabago ng Diyos araw-araw upang maging kawangis ni Kristo. Walang kasalanan ang hindi kayang patawarin ng Diyos maliban sa patuloy na pagtanggi sa Banal na Espiritu. Ang kapangyarihan ng Ebanghelyo ay para sa lahat ng nagtitiwala kay Kristo para sa Kanyang kahabagan at kapatawaran.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pagtatalik bago ang kasal–bakit lubhang tumututol dito ang mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries