Tanong
Tinatawag ba ng Bibliya ang mga Kristiyano upang ipagtanggol ang pananampalataya?
Sagot
Ang isang klasikong tatala na nagsusulong sa pagtatanggol sa pananampalataya ay ang 1 Pedro 3:15 kung saan sinasabi na dapat na ipagtanggol ng mga mananampalataya ang “kanilang pag-asa.” Ang tanging paraan upang epektibo itong maisakatuparan ay ang pagaaral sa mga dahilan kung bakit tayo naniniwala sa ating mga sinasampalatayanan. Ihahanda tayo nito upang sugpuin “ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo,” gaya ng sinasabi ni Pablo na nararapat nating gawin (2 Corinto 10:5). Isinapamuhay ni Pablo ang kanyang ipinangangaral; sa katotohanan, regular niyang ginagawa ang pagtatanggol sa pananampalataya (Filipos 1:7). Tinukoy niya ang pagtatanggol sa pananampalataya bilang isang mahalagang aspeto ng kanyang misyon sa parehong talata (v.16). Itinuturing din ni Pablo na ang kakayahang magtanggol sa pananampalataya ay isa sa mgahinihingi sa para sa mga namumuno sa Iglesya sa Tito 1:9. Isinulat ni Judas, “Mga minamahal, ang gustung-gusto kong isulat sa inyo'y tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat. Ngunit napilitan akong ang isulat sa inyo'y isang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal” (Judas 1:3).
Saan nakuha ng mga apostol ang ideyang ito? Mula mismo sa Maestro. Laging sinasabi ni Hesus na dapat tayong manampalataya sa Kanya dahil sa mga ibinigay Niyang mga ebidensya (Juan 2:23; 10:25; 10:38; 14:29). Sa katotohanan, ang buong Bibliya ay punong-puno ng mga himala na nagpapatunay sa kung ano ang gusto ng Diyos na dapat nating paniwalaan (Exodo 4:1-8; 1 Hari 18:36-39; Gawa 2:22-43; Hebreo 2:3-4; 2 Corinto 12:12). Normal na hindi pinaniniwalaan ng mga tao ang isang bagay ng walang ebidensya. Dahil nilikha ng Diyos ang tao na may karunungan, hindi tayo dapat magtaka kung inaasahan Niya na mabubuhay tayo na ginagamit ang ating pangangatwiran. Gaya ng sinabi ni Norman Geisler, “Hindi ito nangangahulugan na wala ng lugar para sa pananampalataya. Ngunit nais ng Diyos na humakbang tayo sa pananampalataya sa liwanag ng mga ebidensya, sa halip na tumalon sa kadiliman.”
Ang mga tumututol sa malinaw na katuruang ito mula sa Bibliya at sa mga halimbawang nabanggit ay maaaring magsabi, “Hindi kailangang ipagtanggol ang Salita ng Diyos!” Ngunit alin sa mga sulat sa buong mundo ang Salita ng Diyos? Sa sinumang sasagot sa tanong na ito, ipinagtatanggol niya ang kanyang pinaniniwalaan. May ilang nagaangkin na hindi kaya ng pangangatwiran ng tao na magpahayag ng anumang bagay tungkol sa Diyos – ngunit ang pahayag na ito mismo ay ayon sa pangangatwiran. Kung hindi, walang dahilan para sa atin upang paniwalaan ang pahayag na ito. Ayon sa isang paboritong kasabihan, “Kung may nagkumbinsi sa iyo na pumasok sa Kristiyanismo, mayroon ding tao na maaaring magkumbinsi sa yo upang lumabas ka mula dito.” Bakit may mga taong nagsasabi na hindi kailangang ipagtanggol ang Salita ng Diyos? Hindi ba’t nagbigay si Pablo ng pamantayan (halimbawa: ang turo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo) upang maniwala o tumanggi sa Kristiyanismo sa 1 Corinto 15? Isa lamang wala sa lugar na pangangatwiran ang pagsasabi na hindi kailangang ipagtanggol ang Salita ng Diyos.
Hindi sinasabi sa Bibliya na ang pagtatanggol sa pananampalataya ang makapagaakay sa tao sa kaligtasan. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng pagbuhay ng Banal na Espiritu sa taong patay sa kasalanan. Ang pangangatwirang ito ay nakalilito sa marami. Ngunit hindi ito dapat na maging “Espiritu laban sa lohika.” Bakit hindi pareho? Kailangang buhayin muna ng Banal na Espiritu ang isang tao bago Siya makapanampalataya ngunit nasa Kanya kung sa paanong paraan Niya ito gagawin. Para sa ibang tao, ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok; para sa iba ginagamit Niya ang pangangatwiran. Kayang gamitin ng Diyos ang anumang paraang nais Niya. Gayunman, inuutusan tayo ng Diyos na ipagtanggol ang ating pananampalataya sa lahat ng lugar kung saan din Niya iniutos sa atin na ipangaral ang Ebanghelyo.
English
Tinatawag ba ng Bibliya ang mga Kristiyano upang ipagtanggol ang pananampalataya?