Tanong
Ano ba ang mga sangkap sa tamang pagtitipon sa pagsamba?
Sagot
Likas na sa tao ang sumamba. Ipinahayag ito ng manunulat ng Awit, "Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios" (Awit 42:1). Noon pa mang unang panahon, maging noong unang siglo sa panahon ni Cicero, napagtanto na ang pagsamba ay isang pangkalahatang gawain ng lahat ng tao. Sa kadahilanang ang pagsamba ay bahagi ng buhay ng lahat ng tao, nararapat lamang na talakayin kung ano ang pagsamba, para ito kanino at sa paanong paraan ito dapat gawin? Ano ang nakapaloob sa isang biblikal na pagsamba, at ang pinakamahalaga, tayo ba ay tunay na mananamba (Juan 4:23) na kabaliktaran ng huwad na mananamba. Ang pagsamba ay isang malalim na pagkamangha sa kapangyarihan ng kanyang sinasamba at ito'y kanyang ipinapahayag sa pag-ibig at paglilingkod. Ang Ingles na salitang "worship" ay literal na nangangahulugan na "worth-ship" na nangangahulugan na ang ating sinasamba ay karapatdapat sa ating pagsamba at paglilingkod.
Iniutos ni Kristo na ang tunay na pagsamba ay dapat na sa espiritu at sa katotohanan (Juan 4:24). Ipinaliwanag ni Apostol Pablo na sumasamba tayo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos (Filipos 3:3), na nangangahulugan na ang tunay na pagsamba ay maaari lamang manggaling sa mga naligtas sa pamamagitan ng biyaya sa pananampalataya kay Hesu Kristo at mga pinananahanan ng Banal na Espiritu. Ang pagsamba sa espiritu ay nangangailangan din ng tamang saloobin, at hindi lamang simpleng pagsunod sa mga ritwal. Ang pagsamba sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagsamba ayon sa katotohanang ipinahayag ng Dios mula sa Kanyang mga salita sa Bibliya. Upang maging tunay na ayon sa Bibliya ang ating pagsamba, hindi ito dapat na lumampas sa sinasabi ng Banal na Kasulatan (Levitico 10:1; 1 Corinto 4:6) at dapat na nananatili ito sa katuruan ni Kristo (2 Juan 9; tingnan din ang Deutoronomio 4:12; 12:32; Pahayag 22:18-19). Ang mga aklat na ginawa ng tao - ang mga aklat ng pagpapahayag ng pananampalataya at mga aklat tungkol sa mga batas at alituntunin ay hindi kinakailangan ng isang tao upang tunay siyang makasamba sa Diyos.
Ang halimbawa ng unang iglesya noong unang siglo ay makatutulong sa atin upang malaman kung ano ang mga katangian ng isang tunay at biblikal na pagsamba. Kanilang inaalala ang Huling Hapunan (Gawa 20:7), nag-aalay sila ng panalangin (1 Corinto 14:15-16), umaawit sila para sa kaluwalhatian ng Diyos (Efeso 5:19), tumatanggap sila ng mga kaloob (1 Corinto 16:2), binabasa ang Kasulatan (Colossians 4:16), at ipinapahayag ang Salita ng Diyos (Gawa 20:7).
Ang huling hapunan ay isang kahanga-hangang panahon upang sambahin ang Diyos at alalahanin ang kamatayan ni Hesus at ang kanyang muling pagparito (1 Corinto 11:25-26). Tulad ng Huling Hapunan, kailangan din na naaayon sa salita ng Diyos ang ating mga panalangin. Ang ating panalangin ay dapat na nakatuon sa Diyos (Nehemias 4:9; Mateo 6:9), at hindi sa mga patay na tao tulad ng ginagawa ng mga Romano Katoliko. Hindi ipinag-uutos sa tao ang paggamit ng rosaryo o ang mga "prayer wheels" ng Budismo na kanilang inaakala na maghahatid ng mga kahilingan sa panalangin sa malalayong lugar sa kalawakan. Higit sa lahat, ang ating mga panalangin ay nararapat na umaayon sa kalooban ng Diyos.
Ayon na rin sa halimbawa ng unang Iglesya noon, ang pagaawitan ay napakahalagang bahagi ng pagsamba. Ipinangaral ni Apostol Pablo, "Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon; Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama" (Efeso 5:19-20). Ang pagaawitan ay naghahatid ng katotohanan na nakapaloob sa musika at isang paraan ng pagtuturo (Colosas 3:16), dahil ang isipan at ang ating espiritu ay aktibo sa prosesong ito ng pagkatuto sa pamamagitan ng mga mensahe ng nga awitin sa pagsamba (1 Corinto 14:15-16).
Isa pang bahagi ng totoo at biblikal na pagsamba ay ang pagbibigay natin ng alay at ikapu sa unang araw ng sanlinggo, tulad ng pangaral ni Pablo sa mga taga Corinto: "Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia. Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko" (1 Corinto 16:1-2). Ang ating regular na pagbibigay sa gawain ng Panginoon ay napakahalagang responsibilidad at bahagi ng isang totoo at biblikal na pagsamba. Ang ating pagbibigay ay dapat tingnan bilang pagpapala, at hindi kabigatan (2 Corinto 9:7). Dagdag pa rito, ang pagbibigay ang nagiisang biblikal na paraan para matugunan ang pangangailangang pinansyal ng gawain ng Panginoon. Wala tayong karapatan na gamitin ang iglesya sa pagnenegosyo, o magpasugal, at magpabayad sa mga ministeryo ng simbahan. Ang simbahan ay hindi idinisenyo ng Panginoon upang pagkakitaan (Mateo 21:12-13).
Panghuli, ang pagpapahayag at pagtuturo ng Salita ng Diyos ay isang mahalagang sangkap sa tunay na pagsamba. Ang Bibliya lamang ang ating dapat ituro para sa kapakinabangan ng mananampalataya sa buhay at kabanalan (2 Timoteo 3:16-17). Ang makadiyos na mangangaral o guro ay magtuturo lamang ng ayon sa Salita ng Diyos at magtitiwala sa Banal na Espiritu ng Diyos na Siyang gagawa sa puso at isipan ng mga nakikinig. Gaya ng ibinilin ni Pablo kay Timoteo, "Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturoā€¯ (2 Timoteo 4:2). Ang pagtitipon sa pagsamba na hindi kasama ang Salita ng Diyos bilang pinakamahalagang sangkap ay isang hindi tunay at hindi maka-biblikal na pagsamba.
Natitiyak natin na ang Diyos, sa kanyang karunungan, ay naglatag ng perpektong modelo ng isang tunay at biblikal na pagsamba upang tayo ay makasamba sa pamamaraang nakalulugod sa Kanya. Bigyan natin ng Siya ng pinakamataas na pagsinta sa ating pagsamba. Huwag nawang makita ng mundo na ang ating pagsamba ay nakababagot at walang buhay. Tinubos tayo ng Diyos mula sa ating mga kasalanan. Nararapat lamang na purihin natin ang ating Manlilikha bilang Kanyang mga anak na tumatanaw ng pasasalamat sa kanyang mga pagpapala. "Kaya't pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios" (Hebreo 12:28).
English
Ano ba ang mga sangkap sa tamang pagtitipon sa pagsamba?