settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwala kay Jesus?

Sagot


Ang katagang magtiwala o pagtitiwala kay Jesus ay mayroong magkakalakip na kahulugan. Isa sa ibig sabihin ng pananalitang ito ay pananampalataya at pagtitiwala kay Jesus para sa kaligtasan (Juan 3:16). Ibig sabihin, pinaniniwalaan natin Siya bilang Diyos na nagkatawang tao at sumasampalataya tayo sa kanya bilang Tagapagligtas na namatay dahil sa ating mga kasalanan at muling nabuhay sa ikatlong araw. At yamang hindi natin kayang iligtas ang ating sarili sa kasalanan at kamatayan (Roma 3:10-20), nagtitiwala tayo kay Jesus na tayo ay kanyang ililigtas (Juan 11:25) Sapagkat hindi tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan at mabubuhay magpakailanman sa presensya ng Diyos malibang tayo ay magtiwala kay Jesus bilang Tagapagligtas at tanggapin ang kanyang kapatawaran (Efeso 1:7).

Bilang bunga ng kaligtasan, ang pagtitiwala kay Jesus ay nangangahulugang pagtatalaga ng ating buong pagkatao sa Kanya. Tayo ay nagiging tagasunod ni Jesu-Cristo sa sandaling tayo ay maipanganak na muli. Kaya't bilang tagasunod Niya, tayo ay nagtitiwala ng buo sa Kanya at sa kanyang Salita. Kung ganoon, ang pagtitiwala kay Jesus ay nangangahulugang tinatanggap at pinagtitiwalaan natin na totoo ang kanyang mga Salita: "Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo"" (Juan 8:31-32). Higit na lalago ang ating pagtitiwala at pagkakilala sa Kanya habang nakikilala at sinusunod natin si Cristo at habang patuloy nating tinatamasa ang kalayaan sa Kanya.

Kaugnay nito, tunay na mapagkakatiwalaan ang pangako ni Jesus buhat sa kanyang Salita nang sabihin Niya na lumapit tayo sa Kanya upang magkaroon ng kapahingahan: "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan”" (Mateo 11:28-30). Ang pamatok ay isang pamingkaw na kahoy na inilalagay sa leeg ng dalawang tagahilang hayop, magkasabay nila itong hihilahin kaya't nagiging madali at magaan ang mabigat na karga. Nang sabihin ni Jesus ang mga pangungusap na ito, ang mga magsasaka nang panahong iyon ay madalas na ipinapares ang kanilang mas bata, wala pang karanasan, ngunit malakas na hayop sa nakatatanda, mahina na, ngunit sanay nang hayop. Ang nakababata ay natututo sa karanasan ng nakatatanda at ang nakatatanda naman ay nakikinabang sa lakas ng nakababata na nakakatulong sa pagdadala ng kanilang karga.

Ang kapahingahan, ay isang paraan din ng pagpapahayag ng pagtitiwala, ang ibig sabihin nito ay pag sandig kay Jesus at sa kanyang lakas at pagkatoto sa Kanya. Kabahagi natin sya sa pasanin sa ating paglalakbay. At kapag tayo ay napapagod na at nabibigatan sa ating dinadala ay lumalapit tayo sa Kanya upang makasumpong ng kapahingahan ng ating kaluluwa. Sa ganitong paraan ay naipapakita natin na tayo ay nagtitiwala kay Jesus sa pamamagitan ng pagpapaubaya sa Kanya ng lahat sa ating buhay, lalo na kapag tayo ay napapagod at nahihirapang lubha. Ang totoo, si Jesus ang Sabat o kapahingahan ng mga mananampalataya (Hebreo 4:1-11).

Gayunman, batid ni Jesus ang ating kahinaan at alam niyang nahihirapan tayong magtiwala sa Kanya. Subalit sa Biblia ay mayroong paalala sa atin, "Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus" (Filipos 4:6-7). Ibig sabihin, ang Diyos ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan kapag inilapit natin sa Kanya ang ating kabalisahan sa pamamagitan ng panalangin. Hindi binabanggit sa mga talata na ipagkakaloob ng Diyos ang lahat na ating hinihiling, ngunit nangangako ito sa atin ng kapayapaan upang mabantayan natin ang ating puso at isipan. Samakatuwid, ang pagtitiwala kay Jesus ay nangangahulugan ng paglapit sa Kanya at pananampalataya na pwede nating pagkatiwalaan ang kanyang plano sa ating buhay at sa hinaharap. Ipinapaunawa sa atin na hindi natin dapat pangambahan ang bukas dahil ibinubuhos ni Jesus ang kapayapaan sa atin sa sandaling magtiwala tayo sa Kanya.

Makikita natin na ang ating pagtitiwala kay Jesus ay tumitibay at lumalago dahil sa mga karanasan (2 Corinto 1:10). Mapapagtanto rin natin na ang Diyos ay gumagawa sa ating buhay sa pamamagitan ng pangit at mabubuting bagay ayon sa Kanyang layunin (Roma 8:28). Nais ni Jesus na mabuhay tayo sa pananampalataya (2 Corinto 5:7; Galacia 2:20). Ipinapahiwatig lamang nito na ang buhay ng isang Kristiyano ay pagsasanay tungkol sa pagtitiwala. Sapagkat ganito ang sabi ni Santiago, "Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok, yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis. At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan" (Santiago 1:2-4). Sinabi rin ni Jesus na, “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin" (Juan 14:1). Ipinangako rin Niya na mahal niya tayo at lagi niya tayong sasamahan (Mateo 28:20), Ngunit dahil hindi natin Siya nakikita, kaya't tayo ay nakakadama minsan ng takot at pag aalinlangan sa mga panahon ng pagsubok at nahihirapan tayong isabuhay ang kaalamang iyon. Gayunman, tinuturuan tayo ni Pedro na maaari tayong magtiwala sa Kanya kahit hindi natin Siya nakikita, sabi niya, "Sa ganito kayo'y nagagalak, bagama't ngayon sa sandaling panahon ay kailangan ninyong magdanas ng iba't ibang pagsubok, upang ang kadalisayan ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa gintong nasisira, bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay mauwi sa kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita gayunma'y inyong iniibig; bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma'y inyong sinasampalatayanan, at kayo'y nagagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian" (1 Pedro 1:6-8).

Ibig sabihin, ang Banal na Espiritu ay nagbibigay sa atin ng kakayahang makita si Jesus sa pamamagitan ng ating puso, bagaman hindi natin Siya nakikita sa pamamagitan ng ating mga mata (Efeso 1:18-20). Kaya nga, ang kawalan natin ng kakayahang makita si Jesus sa pisikal ay lalong nagpapatibay ng ating pagtitiwala sa Kanya. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ni Jesus na, “Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita" (Juan 20:29).

Makikita rin natin sa buhay ni Pablo na nauunawaan niya kung ano ang ibig sabihin ng pagtitiwala kay Jesus. Sabi niya, "Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita" (2 Cotinto 4:17-18). Malinaw na tinuturuan tayo ni Jesus na magtiwala sa Kanya ng buong puso sa lahat ng bagay at sa lahat ng panahon (Kawikaan 3:5-6) upang maging matibay ang ating pananampalataya: "Magtiwala kayo sa PANGINOON magpakailanman, sapagkat ang Panginoong DIYOS ay isang batong walang hanggan" (Isaias 26:4). At tayo ay maihahalintulad sa inilalarawan ng Salmista tungkol sa mananampalatayang panatag sa bisig ng Diyos kapag natutunan nating magtiwala ng lubos kay Jesus. Ang sabi doon, "Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa; gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina, gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko" (Awit 131:2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwala kay Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries