Tanong
Bakit dapat kong pagtiwalaan ang Bibliya? Mapagkakatiwalaan ba ang Bibliya?
Sagot
Lahat tayo ay may isang bagay na pinagtitiwalaan. Kahit na ang isang taong sobrang mapagduda ay may ganap na pagtitiwala sa maraming mga bagay. Kung tayo ay tumatayo, nagtitiwala tayo na kaya tayong buhatin ng ating mga binti. Kung tayo ay umuupo, pinagtitiwalaan natin ang upuan. Nagtitiwala tayo na kung humihinga tayo, nakakakuha tayo ng sapat na dami ng oxygen para tayo mabuhay. Kung tutulog tayo, nagtitiwala tayo na magpapatuloy sa pag-inog ang mundo at magigising ulit tayo sa umaga. Pinili natin na pagtiwalaan ang mga bagay na ito dahil sa napagkatiwalaan natin sila sa nakalipas. Pinipili natin ang magtiwala; kung hindi, mabubuhay tayong lagi sa takot at kawalan ng katiyakan.
Pagdating sa Diyos at sa Bibliya, mailalapat din ang parehong prinsipyo. Pinipili natin na magtiwala. Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na pinili nating pagtiwalaan na Siya ay umiiral, na Siya ay kung ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa Kanya, at ang pagtitiwalang iyon – o kawalan ng pagtitiwala sa mga iyon – ang radikal na nakakaapekto sa ating mga buhay at sa ating walang hanggan. Gayunman, ang alternatibo sa pananampalataya ay hindi “kawalan ng pananampalataya.” Ang piliin na lumaban sa pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan din ng pagtitiwala. Dapat nating pagtiwalaan na walang Diyos, at hindi natin Siya maaaring makilala, at ang desisyong ito ay walang epekto sa ating mga buhay at sa ating walang hanggan. Ang pagtanggi sa pagkakaroon ng Diyos ay nangangailangan ng mas malaking pananampalataya dahil kailangan pa ring sagutin ang mga katanungan na ibinabato sa Bibliya. Ang mga taong minamaliit ang Bibliya ay dapat na sagutin sa kanilang sarili ang hindi mabilang na mga katanungan na hindi madaling bigyan ng kasagutan gaya ng katanungan kung ano ang kahulugan ng buhay at ang pagiging kumplikado ng disenyo na nakikita sa sangnilikha. Ang mga taong nagdesisyong magtiwala sa ibang bagay sa halip na sa Bibliya ay dapat na sumang-ayon kay Bertrand Russel na nagsabi na “kung ang buhay sa kabila ng libingan ay isang alamat, ang buhay bago ang libingan ay walang kahulugan.”
Sa pagdedesisyon kung saan natin ilalagak ang ating pagtitiwala, dapat nating isaalang-alang ang pagiging katiwa-tiwala ng mga pagpipilian. Nagaangkin ang Bibliya ng mga nakakagulat na deklarasyon sa kanyang sarili. May ilang nagaakala na maaari silang pumili ng bahagi ng Bibliya na kanila lang gustong paniwalaan at kanilang itinuturing na totoo, ngunit hindi tayo binibigyan ng aklat na ito ng ganitong pagpipilian. Sinasabi nito na ito ang kinasihang Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16), na ito ay totoo (Awit 119:160; Juan 17:17), at ito gabay sa ating mga buhay (Awit 119:105; Lukas 4:4). Ang magtiwala na hindi ito totoo ay nangangahulugan na ang lahat ng iba pang inaangkin ng Bibliya ay hindi dapat pagtiwalaan; kaya nga ang pagaangkin sa mga pangako nito habang tinatanggihan ang mga utos ay hindi makatuwiran.
Ang magdeklara na hindi mapagkakatiwalaan ang Bibliya ay nangangahulugan na dapat tayong humanap na kapani-paniwalang paliwanag sa mahimala nitong kalikasan. Halimbawa, sa halos 2,500 hula na sinabi sa Bibliya, daan-daan o libu-libong taon bago iyon mangyari, 2,000 sa mga ito ang naganap na habang ang natitirang mahigit na limandaan ay unti-unti ng nagaganap. Ang probabilidad na ang lahat ng mga hulang ito ay matutupad ng walang pagkakamali ay isa sa 1020000. Kaya nga ang hindi magtiwala na ang Bibliya ay hindi isang mahimalang aklat ay salungat sa Matematika.
May ilang bagay na dapat na isaalang-alang sa paniniwala na mapagkakatiwalaan ng Bibliya. Ang una ay ang paghamon sa pahayag na ang Bibliya ay totoo dahil sinasabi nito na ito ay totoo. Magiging isang kahangalan na ibase ang pagtitiwala sa dahilang ito lang. Hindi natin ibibigay ang ating tseke sa isang taong hindi natin kilala na nagsasabi na siya ay ating mapagkakatiwalaan. Pero maaari tayong magsimula sa pagaangkin ng Bibliya ng pagiging mapagkakatiwalaan nito at pagkatapos ay maghanap ng ebidensya para patunayan ito.
Ang tumutulong sa atin para pagtiwalaan ang Bibliya ay ang mga pagaangkin ng mga mismong manunulat. Idineklara ng mga manunulat ng Lumang Tipan na ang kanilang mga sinabi ay mismong mga Salita ng Diyos (Exodo 20:1–4; Deuteronomio 8:3; Isaias 1:2; Jeremias 1:1–13). May mga lalaki na itinalaga ng Diyos bilang mga propeta, hari, o mga pinuno at kinilala sila ng mga taong kanilang pinaglingkuran. Inumpisahan ng karamihan sa mga propeta ang kanilang mga sinulat sa mga salitang “Ito ang sinabi ng Paginoon” (gaya ng Jeremias 45:2; Zacarias 7:13). Ang deklarasyong ito ay laging tinutugon ng paglaban at paguusig (Mateo 23:37; 1 Hari 19:10; Gawa 7:52). Walang panlupang dahilan para sa mga propeta na magdeklara ng mga katotohanang hindi maganda sa pandinig ng mga tao na maaaring bumato sa kanila hanggang sa sila’y mamatay. Sa kabila nito, nagpatuloy ang mga propeta sa pagpapahayag ng kanilang mensahe dahil ganap silang nakatitiyak na magsusulit sila sa Panginoon sa kanilang tapat na pagiging kinatawan Niya. Pagkatapos, ang mga salita ng mga propeta ay naitala para sa mga henerasyon sa hinaharap at tinanggap maging ng Panginoong Jesu Cristo bilang mga Salita ng Diyos (Mateo 4:10; Lukas 4:8).
Ipinakita ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang iba’t ibang dahilan sa kanilang pagsulat. Halimbawa, si Lukas ay isang iginagalang na manggagamot at mananalaysay na naglakbay kasama ni Pablo sa kanyang mga pagmimisyon. Ipinaliwanag niya ang layunin ng kanyang aklat sa unang kabanata: “Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong buhat pa sa simula ay mga saksi at mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo” (Lukas 1:2–4). Personal na sinaliksik ni Lukas ang mga pagaangkin tungkol kay Jesus para matiyak ang katotohanan ng salaysay ng Ebanghelyo at pagkatapos ay isinulat ang aklat ng mga Gawa.
Ang mga sulat ni Pablo sa mga iglesya ay tinanggap ng kanyang mga mambabasa bilang mga salita na nagmula sa Panginoon (1 Tesalonica 2:13). Kritikal din na dapat tandaan na karamihan sa mga manunulat ng Bagong Tipan ay pinatay dahil sa kanilang pangangaral. Sobrang malabo para sa maraming lalaki na nagaangking lahat ng iisang katotohanan ang magdanas ng mga napakahirap na paguusig at pagkatapos ay patayin dahil sa kanilang ipinangangaral na alam nilang isa lamang kasinungalingan.
Ang isa pang dahilan na makakatulong sa atin para pagtiwalaan ang Bibliya ay pagbago nito sa buhay ng sinumang nakabasa nito sa loob ng libu-libong taon. Nagtagumpay ang Bibliya sa mga pagtatangka ng mga hari, mga diktador, at ng buong sosyedad para ito mawala at pagkatapos ay manatili na maging pinakamabentang aklat sa kasaysayan ng mundo. Ang mga salita nito ay naglalaman ng pag-asa na bumago ng buhay ng milyun-milyong tao na hindi kayang ibigay ng kahit anong kasulatan ng ibang relihiyon. Humihingi ang ibang mga aklat ng mga relihiyon sa mundo ng tapat na pagsunod, ngunit ang nagpapanatili sa kanilang mga miyembro sa kanilang relihiyon ay takot, pagbabanta, o pagsisikap ng tao. Ipinapangako ng Bibliya ang hindi kayang ipangako ng ibang mga aklat: ang buhay, pag-asa, at layunin bilang isang kaloob ng Makapangyarihang Diyos. Ang mga salita nito ay nagpabago sa mga mamamatay-tao, sa mga mapangalipin, at mga bansa dahil umaalingawngaw ang katotohanan nito sa pinakamalalim na bahagi ng kaluluwa ng tao (Ecclesiastes 3:11). Maaaring tanggihan, kamuhian, o ipagwalang bahala ang Bibliya, ngunit ang epekto nito sa mga nakarinig ay hindi maaaring tawaran.
Higit sa lahat, binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng malayang pagpapasya upang magdesisyon kung ano ang ating paniniwalaan. Ngunit inilagay din Niya ang Kanyang lagda sa lahat ng Kanyang nilikha, at sumulat siya ng isang manwal ng mga alituntunin para malaman natin kung paano tayo mamumuhay dito sa mundo (Awit 19:1; 119:11; 1 Pedro 2:11–12). Binigyan tayo ng Kanyang mga Salita ng sapat na ebidensya na ito ay mapagkakatiwalaan, at ang mga nagtitiwala sa Bibliya ay may isang matatag na pundasyon kung saan nakasalig ang kanilang mga buhay (tingnan ang Mateo 7:24–28).
English
Bakit dapat kong pagtiwalaan ang Bibliya? Mapagkakatiwalaan ba ang Bibliya?