settings icon
share icon
Tanong

Hanggang saan ang iyong pagtulong sa ibang tao na hindi ka nila pagsasamantalahan?

Sagot


Sinasabi sa atin sa Lukas 6:30, 35-36, “Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon.” “Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama.” Ang mga talatang ito at marami pang ibang talata sa Bibliya ang nagtuturo sa atin na dapat tayong maging mapagmahal at matulungin sa ating kapwa. Habang nakikita natin ang mga pangangailangan ng mga tao sa ating paligid, dapat na mapuno ang ating mga puso ng kahabagan gaya ng kung paanong nahahabag ang ating Ama sa langit sa lahat ng tao. “Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi” (Awit 145:9).

Tama na magkaroon ng isang puso na patuloy na tumutulong sa iba at nakalulugod sa Diyos na makita ang kahanga-hangang katangiang ito sa ating mga buhay. Gayunman, sa aspeto ng pagbibigay at pagtulong sa nangangailangan, itinuturo din sa atin sa Bibliya na dapat tayong maging matalino at magpasya ng ayon sa katuwiran (Mateo 10:16). Binibigyan tayo ng pamantayan ng Diyos sa pagbibigay ng ating panahon at salapi sa iba. Sa tuwing sinasabi sa Bibliya na dapat tayong tumulong sa iba, ang layunin ay hindi upang hindi tayo maging hadlang sa kanilang pagunlad. Isang mabuting bagay na nakatutulong tayo sa iba ngunit ipinapaalala sa atin sa 2 Tesalonica 3:10, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.” May mga tao na nagnanais mabuhay ng iresponsable at walang pananagutan kahit kanino. Kaya’t dapat na may hangganan ang pagtulong; tutulong tayo sa isang taong nangangailangan, ngunit kung nakikita natin na nagiging hadlang ang ating pagtulong sa kanilang pagkilos at pagunlad, mali na pabayaan sila sa ganitong kalagayan. Nakakasira sa buhay ng iba ang magambag sa kanilang pagiging tamad, mapagpaliban, at kawalan ng pagsisikap. Totoo ang matandang kasabihan na “bigyan mo ng isda ang isang tao at kakain siya sa loob ng isang araw, ngunit turuan mo siyang mangisda at kakain siya habambuhay.” Hanggat nakikita natin ang isang tao na tapat na ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang maghanapbuhay at paunlarin ang sarili, dapat natin siyang tulungan sa anumang kaparaanan sa pangunguna ng Diyos.

Madalas na ang mas epektibong paraan sa pagtulong sa iba ay ang paglapit sa kanila at pagbibigay ng payo at paguturo ng mga prinsipyong ayon sa Salita ng Diyos at pagpapalakas ng kanilang loob. Kung handa silang makinig at sumubok, makakaya nila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na baguhin ang kanilang pagiging palaasa sa iba. Naguumpisa ito siyempre sa isang malinaw na presentasyon ng Ebanghelyo ni Hesu Kristo, na kung hindi malalaman ng tao ay hindi magiging posible ang malaking pagbabago sa pamumuhay.

Dapat ding ikunsidera kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging isang mabuting katiwala. Habang nagtitiwala tayo sa Diyos at lumalakad na kasama Niya, ipinangako Niya sa atin na Kanyang tutugunan ang ating mga pangangailangan (Filipos 4:19). Kung ano ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, dapat nating gamitin iyon ng may katalinuhan. Dapat nating ibalik sa Kanya ang bahagi ng Kanyang mga ipinagkaloob sa atin; dapat nating tugunan ang mga pangangailangan ng ating sariling pamilya; at dapat na bayaran natin ang ating mga obligasyon at pagkakautang. Kailangan din ang mabuting pangangasiwa sa ating panahon at mahalaga ang balanse sa pagsamba, trabaho at pamilya. Ang mga ito ang pangunahing aspeto ng ating pangangasiwa at hindi dapat pabayaan. Kaya’t dapat na isaalang-alang sa ating pagdedesisyon kung paano, ano at hanggang saan ang ating magagawa sa pagtulong sa iba. Kung sa pamamagitan ng pinansyal na pagtulong sa ibang tao ay hindi naman tayo nakakabayad sa ating mga bayarin at hindi natin nagagampanan ang ating mga responsibilidad sa ating pamilya, hindi natin ginagawa ng tama ang ating pagtulong sa iba.

Maaaring pagsamantalahan tayo ng ibang tao sa maraming kaparaanan. Mahalaga na dalhin natin ang bagay na ito sa panalangin at hingin sa Panginoon na ipakita sa atin kung ano ang nais Niyang ipagawa sa atin. Bibigyan Niya tayo ng karunungan upang kilalanin ang mga totoong nangangailangan at malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng oportunidad at kaabalahan (Santiago 1:5). Minsan, may mga taong sobrang nahihirapan sa kanilang mga pagsubok at nangangailangan ng isang taong handang maging kaibigan sa mahabang panahon. Maaari itong maging isang nakakapagod na relasyon, ngunit isang relasyong makabuluhan. Maaaring makatulong ng malaki ang mga lokal na Iglesya sa mga taong may pusong handang tumulong sa mga nangangailangan. Gayunman, ang pagtatangka na tumulong sa isang tao na hindi handang humakbang upang lutasin ang kanyang sariling problema ay isang gawaing walang patutunguhan. Muli, ang pananalangin para sa karunungan ng Diyos at ang paggamit sa karunungang makalangit Kanyang ibibigay sa atin ay napakalahaga sa mga ganitong sitwasyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Hanggang saan ang iyong pagtulong sa ibang tao na hindi ka nila pagsasamantalahan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries