Tanong
Biblikal ba ang pagtumba sa Espiritu?
Sagot
Karaniwan na ang “pagtumba sa Espiritu” ay nangyayari sa pagpapatong ng kamay ng isang pastor o ministro sa ulo ng isang tao at pagkatapos ang taong iyon ay babagsak sa sahig, na ipinalalagay na nadaig ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang mga nagsasagawa nito ay gumagamit ng mga talata sa Bibliya na naglalarawan sa mga tao na parang “nahimatay” (Pahayag 1:17) o nagpatirapa na una ang mukha (Ezekiel 1:28; Daniel 8:17-18, 10:7-9). Gayunman, may mga pagkakaiba sa pagitan ng pagbagsak na una ang mukha sa Bibliya at tinatawag ngayon na “pagtumba sa Espiritu.”
1. Sa Bibliya, ang pagtumba na una ang mukha ay reaksyon ng tao sa pagkakita ng isang pangitain o isang hindi pangkaraniwang pangyayari , gaya ng pagbabagong anyo ni Hesus (Mateo 17:6). Sa hindi Biblikal na “pagtumba sa Espiritu,” ang tao ay tumutumba dahil sa paghipo o kaya naman ay sa pagkumpas ng braso at kamay ng nagsasalita.
2. Ang mga pangyayari sa Bibliya na may kaugnayan sa pagtumba ay napakakonti at malayo sa bawat isa at nangyari lamang ng napakadalang sa buhay ng napakakonting tao. Sa makabagong “pagtumba sa Espiritu,” ang pagtumba ay paulit-ulit na nangyayari at nararanasan ng marami.
3. Sa mga pangyayari sa Bibliya, ang mga tao ay bumabagsak na una ang ulo sa lupa dahilan sa pagkamangha o panggigilalas sa kanilang nakikita. Sa makabagong “pagtumba sa Espiritu,” ang mga tumutumba ay tumutumba ng patalikod o pahiga, kundi dahil sa pagkumpas ng kamay ay dahil sa paghipo (sa maraming pagkakataon ay dahil sa pagtulak) ng isang ng tagapagsalita.
Hindi namin sinasabi na ang lahat ng mga “pagtumba sa Espiritu” ay peke o gawa gawa lamang o reaksyon ng tao sa paghipo o pagtulak. Maraming ang nagsasabi na naramdaman nila ang tila isang enerhiya o pwersa na naging dahilan ng kanilang pagbagsak. Gayunman, wala kaming makitang basehan sa Bibliya ng ganitong konsepto. Oo nga't maaaring may kung anong enerhiya o pwersa ang maramdaman, ngunit mas malamang na hindi ito sa Diyos o resulta ng pagkilos ng Banal na Espiritu.
Nakalulungkot na mas pinahahalagahan ng mga tao ngayon ang ganitong mga kakatwang pangyayari na hindi naman nakatutulong sa pagkakaroon nila ng bunga ng Espiritu, sa halip na naisin ang mga praktikal na bunga ng Banal na Espiritu na nagbibigay daan sa pagluwalhati kay Kristo sa ating mga buhay (Galacia 5:22-23). Ang kapuspusan ng Espiritu ay hindi mapapatunayan ng mga ganitong huwad na manipestasyon kundi ng isang buhay na naguumapaw sa pagsunod sa Salita ng Diyos na ang bunga ay paguumapaw din naman sa pagpupuri, pasasalamat at pamumuhay sa kalooban ng Diyos araw araw.
English
Biblikal ba ang pagtumba sa Espiritu?