Tanong
Ano ang paguusig sa kasalanan?
Sagot
Sinasabi ng Bibliya na uusigin ng Banal na Espiritu ang mundo sa kasalanan (Juan 16:8). Upang maunawaan natin ang paguusig sa kasalanan, maaari nating tingnan kung hindi ito ano. Una, hindi ito simpleng paguusig ng konsensya o pagkapahiya dahil sa kasalanan. Ang ganitong mga pakiramdam ay natural na nararanasan ng halos lahat ng tao, ngunit hindi ang mga ito paguusig sa kasalanan.
Ikalawa, ang paguusig sa kasalanan ay hindi isang pakiramdam ng pagkatakot sa paghatol ng Diyos. Ang ganitong pakiramdam ay karaniwan ding nararamdaman ng mga makasalanan sa kanilang puso at isip . Muli, ang paguusig sa kasalanan ay naiiba kaysa sa mga ito.
Ikatlo, ang paguusig sa kasalanan ay hindi lamang kaalaman tungkol sa mabuti at masama; hindi ito intelektwal na pangunawa sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa kasalanan. Maraming tao ang nagbabasa ng Bibliya at may ganap na kaalaman na "kamatayan ang kabayaran ng kasalanan" (Roma 6:23). Maaaring alam nila na "walang sinumang imoral, marumi o gahaman ang maaaring magmana ng Kaharian ni Kristo at ng kaharian ng Diyos" (Efeso 5:5). Maaari silang sumang-ayon na "ang masama ay ibubulid sa imiyerno, ang lahat ng mga bansa na lumimot sa Diyos" (Awit 9:17). Ngunit sa kabila ng kanilang kaalaman, nagpapatuloy sila sa kasalanan. Nauunawaan nila ang mga konsekwensya, ngunit hindi sila nakakaranas ng paguusig sa kanilang mga kasalanan.
Ang totoo, kung ang nararanasan lamang natin ay hindi higit sa paguusig ng konsensya, pagkabalisa dahil sa pagkatakot sa kaparusahan ng Diyos, o isang intelektwal na kaalaman sa impiyerno, maaaring hindi pa natin tunay na nauunawaan ang paguusig sa kasalanan. Kaya nga, ano ba talaga ang paguusig sa kasalanan na tinutukoy ng Bibliya?
Ang salitang paguusig o kumbiksyon ay isang salin ng salitang Griyegong elencho, na nangangahulugang "kumbinsihin, papaniwalain sa katotohanan; ituwid; akusahan, sansalain, o siyasatin ang isang saksi." Gumagawa ang Banal na Espiritu na tulad sa isang taga-usig na abogado na nagbubunyag ng kasamaan, nagtutuwid sa gumagawa ng kasamaan, at humihikayat sa mga tao sa kanilang pangangailangan ng Tagapagligtas.
Ang pagusigin sa kasalanan ay makaramdam ng sobrang karumihan ng kasalanan. Nangyayari ito kung nakikita natin ang kagandahan ng Diyos, ang Kanyang kalinisan at kabanalan, at kung kinikilala natin na hindi Siya maaaring manatili kasama ng mga makasalanan (Awit 5:4). Nang humarap si Isaias sa presensya ng Diyos, agad niyang nakita ang kanyang karumihan at pagiging makasalanan: "Nang magkagayo'y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo" (Isaias 6:5).
Ang pagusigin sa kasalanan ay pagdanas ng sobrang pagkatakot sa kasalanan. Ang ating saloobin sa kasalanan ay nagiging tulad sa saloobin ni Jose na tumakas sa gitna ng tukso habang malakas na sumisigaw, "Paano ko magagawa ang ganitong napakalaking kasamaan laban sa Diyos?" (Genesis 39:9).
Inuusig tayo sa kasalanan kung nakikita natin kung paanong yumuyurak sa karangalan ng Diyos ang ating mga kasalanan. Nang pagusigin si David ng Banal na Espiritu sa kanyang kasalanan, nanangis siya at sinabi, "Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka" (Awit 51:4). Nakita ni David ang kanyang kasalanan na isang malaking kalapastanganan sa isang banal na Diyos.
Kung inuusig tayo sa kasalanan, mas lalo tayong naliliwanagan tungkol sa poot ng Diyos sa kasalanan habang inihahayag ito sa ating mga kaluluwa (Roma 1:18; Roma 2:5). Nang lumuhod sa harap ni Pablo ang bantay bilanggo sa Filipos at nagsabi, "Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?" nasa ilalim siya ng paguusig sa kasalanan. Natitiyak niya na kung walang Tagapagligtas, tiyak siyang mamamatay.
Kung inuusig ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kanilang kasalanan, kinakatawan Niya ang makatuwirang paghatol ng Diyos (Hebreo 4:12). Walang apela sa Kanyang hatol. Hindi lamang inuusig ng Banal na Espiritu ang tao sa kanilang kasalanan, kundi, dinadala din sila sa pagsisisi (Gawa 17:30; Lukas 13:5). Binibigyang liwanag ng Banal na Espiritu ang ating relasyon sa Diyos. Ang paguusig ng Banal na Espiritu ang nagbubukas sa ating mga mata tungkol sa ating kasalanan at nagbubukas ng ating mga puso upang tanggapin ang Kanyang biyaya (Efeso 2:8).
Pinupuri natin ang Panginoon dahil sa paguusig sa ating kasalanan. Kung wala ito, walang kaligtasan. Walang sinuman ang maliligtas malibang pagusigin ng Banal na Espiritu sa kasalanan at buhayin ang kanilang espiritu. Itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng tao ay likas na mga rebelde laban sa Diyos at kaaway ni Hesu Kristo. Sila ay "patay sa kanilang pagsalangsang at kasalanan" (Efeso 2:1). Sinabi ni Hesus, "Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw" (Juan 6:44). Sangkap sa paglalapit ng Diyos Ama sa tao kay Hesus ang paguusig sa kasalanan.
English
Ano ang paguusig sa kasalanan?