Tanong
Ano ang makatwirang dahilan sa pakikipaghiwalay/pakikipagkalas sa kasintahan?
Sagot
Ito ay isang tanong na mahirap sagutin, anuman ang sinabi o ginawa ng isang tao sa kanyang kasintahan. Ang unang bagay na dapat tandaan ay ang payong ibinigay ni Jesus kay Pedro tungkol sa pagpapatawad sa nagkasala laban sa kanya: "Lumapit si Pedro sa kaniya at sinabi: Panginoon, makailang ulit bang magkasala sa akin ang aking kapatid at siya ay aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba? Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sinasabi ko sa iyo na hindi lamang makapito kundi hanggang makapitumpung pitong ulit!'" (Mateo 18:21–22). Ang pagpapatawad sa karelasyon ang dapat na unang hakbang sa desisyong gagawin.
Maaaring isipin na ang panliligaw o pakikipagtagpo ay paghahanda sa pagaasawa. Ngunit, hindi ito nangangahulugan na dapat kang manatili sa unang tao na iyong niligawan o unang taong nanligaw sa iyo. Maaari kang dalhin ng Diyos sa ibang tao ngunit napakahalaga na magpatawad at sikapin na maging maayos ang lahat malibang pagkatapos ng mapagpakumbabang panalangin, ay ipakita sa iyo ng Panginoon sa Kanyang Salita na dapat ka ng kumalas sa iyong karelasyon. Dapat mong sanayin ang pagsasaayos ng relasyon sa iyong kasintahan gaya ng ginagawa ng magasawa sa kanilang relasyon sa halip na makipagkalas kung nakagawa ng mali at sinaktan ka ng iyong kasintahan.
May isa lamang makatwirang dahilan upang ikunsidera ang pakikipaghiwalay sa iyong kasintahan. SInabi ni Pablo sa 1 Corinto 5:9-11, "Isinulat ko sa inyo, sa aking liham na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. Hindi ko tinutukoy ang mga mapang-apid sa sanlibutang ito, o mga mapag-imbot, o mga sakim, o mga sumasamba sa diyos-diyosan. Kung sila ang tinutukoy ko, dapat na kayong umalis sa sanlibutang ito. Sa halip, isinulat ko sa inyo na huwag kayong makikisama sa sinuman na tinatawag na kapatid kung siya ay nakikiapid, o mapag-imbot, o sumasamba sa diyos-diyosan, o mapanirang-puri, o manginginom ng alak, o kaya ay manunuba. Huwag kayong makikisama sa katulad nila, ni makikain man lang." Kung gumagawa ang iyong kasintahan ng alinman sa mga kasalanang ito, sinabi ni Pablo na dapat na maputol ang relasyon. Ang taong namumuhay sa kasakiman, imoralidad, pagsamba sa diyos-diyosan at iba pang kasalanan ay hindi karapatdapat na maging asawa.
Iba't iba ang mga pangyayari sa bawat sitwasyon, at laging mahirap na sabihin sa isang tao ang dapat niyang gawin. Bagama't malinaw na nais ng Diyos na magpatawad tayo sa lahat ng sitwasyon, ang tanging paraan upang malaman kung paano at bakit makikipaghiwalay sa isang kasintahan ay sa pamamagitan ng panalangin at matalinong pagkilala sa kalooban ng Diyos.
English
Ano ang makatwirang dahilan sa pakikipaghiwalay/pakikipagkalas sa kasintahan?