Tanong
Dapat bang makipagrelasyon o magasawa ang isang Kristiyano ng isang miyembro ng ibang denominasyon?
Sagot
Maaari bang makipagtagpo ang isang Baptist sa isang Pentecostal? O ang isang Lutheran sa isang Presbyterian? Ang pinakamahalagang isyu ay kung kinikilala ng dalawa si Kristo bilang kanilang Tagapagligtas. Sinasabi sa Bibliya na hindi dapat makipamatok ang isang Kristiyano sa hindi mananampalataya (2 Corinto 6:14), ngunit tumutukoy lamang ito sa pakikipagrelasyon ng isang mananampalataya sa isang hindi mananampalataya. Hindi ito tumutukoy sa dalawang mananampalataya na may ilang paniniwala na magkaiba. Kung parehong kumikilala ang dalawa kay Kristo bilang kanilang tanging Tagapagligtas, walang dahilan ayon sa Bibliya na hindi sila maaaring makipagrelasyon sa isa't isa.
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na walang potensyal na isyu at problema sa kanilang pagsasama. Kung sakaling magiging seryoso ang relasyon at humantong sa pagaasawa, dapat na maupo ang magkasintahan at magkasundo kung saan sila magkasamang dadalo sa pananambahan. Kung may hindi pagkakasundo sa mga doktrinang pinaniniwalaan, dapat nilang igalang ang isa't isa at magkasundo kung paano nila palalakihin ang kanilang magiging mga anak at mamumuhay sa Kristiyanong pananampalataya. Mas maganda na magkasundo ang magasawa sa kanilang doktrina, ngunit ang pinakamahalagang isyu ay ang pananampalataya kay Kristo, ang pag-ibig sa isa't isa at ang pagnanais na parangalan ang Diyos sa kanilang relasyong magasawa.
Ang prinsipyong ito sa pagsasama ay para lamang sa mga mananampalataya na magkaiba ang denominasyon. Hindi dapat na magasawa ang tunay na mananampalataya ng miyembro ng kulto o hidwang relihiyon. Ang kaalaman at pagkakasundo sa mga pangunahing doktrina ng pananampalatayang Kristiyano ay napakahalaga para sa magasawa na umaasa na magiging matagumpay at nakalulugod sa Diyos ang kanilang relasyon.
English
Dapat bang makipagrelasyon o magasawa ang isang Kristiyano ng isang miyembro ng ibang denominasyon?