Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pakikipagtagpo / pakikipagligawan?
Sagot
Ang mga salitang "panliligaw" o "pakikipagtagpo" ay hindi makikita sa Bibliya ngunit binigyan tayo ng panuntunan na dapat sundin ng mga Kristiano bago ang pagpapakasal. Una, kailangan tayong humiwalay sa pananaw ng mundo patungkol sa pakikipagtagpo dahil ang pamamaraan ng Dios ay salungat sa pamamaraan ng mundo (2 Pedro 2:20). Habang sa pananaw ng mundo ay maaaring makipagtagpo ang isang tao kahit kanino ayon sa kanyang naisin, mahalagang malaman muna ng isang mananampalataya ang tunay na katauhan ng isang tao bago siya pumasok sa isang relasyon. Kailangan mong malaman kung siya ay ipinanganak na muli sa Espiritu (Juan 3: 3-8) at kung siya ay gaya mo na may pagnanais na maging kawangis ni Kristo (Filipos 2:5). Ang pinakapangunahing layunin ng pakikipagtagpo o pakikipagligawan ay ang makahanap ng habang buhay na makakasama. Ang Bibliya ay nag-uutos sa atin bilang mga kristiano na hindi dapat tayo mag-aasawa ng hindi mananampalataya (2 Corinto 6: 14 - 15) dahil ito ang sisira ng ating kaugnayan kay Kristo at magtutulak sa atin sa pakikipagkumpromiso sa ating moralidad at pananampalataya.
Kapag ang isang tao ay nasa isang pakikipagrelasyon o maaring nakikipagtagpo o nanliligaw, mahalagang maunawaan na nararapat na ibigin ang Dios ng higit kanino mang tao (Mateo 10:37). Ang pagsasabi o paniniwala na ang isang tao ay siyang "lahat-lahat" sa iyong buhay o ang pinakamahalaga sa iyong buhay ay katulad sa pagsamba sa diyus-diyosan (Galacia 5:20; Colosas 3:5). Gayundin naman, hindi natin dapat dungisan ang ating mga katawan sa pakikipagtalik habang hindi pa nakakasal. (1 Corinto 6:9; 13:2; 2 Timoteo 2:22). Ang sekswal na imoralidad ay isang kasalanan na hindi lamang laban sa Dios, kundi laban din sa ating sariling katawan (1 Corinto 6:18). Mahalagang ibigin at igalang ang iba kung iniibig natin ang ating sarili (Roma 12: 9-10). Ito ay dapat na totoo kahit sa panliligaw o pakikipagtagpo. Maging sa pakikipagtagpo o pakikipagligawan, ang pagsunod sa mga prinsipyong ito ng Bibliya ang pinaka-mabuting pamamaraan upang magkaroon ng matibay na pundasyon sa pag-aasawa. Ito ang isa sa pinakamahalagang desisyon na ating gagawin, dahil kapag ang dalawang tao ay nagpakasal na, sila ay makikipisan sa isa't isa at magiging isang laman. Ito'y isang permanente relasyon na hindi nararapat sirain ninuman(Genesis 2: 24; Mateo 19:5).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pakikipagtagpo / pakikipagligawan?