Tanong
Paanong masasabing ang panalangin ay pakikipagugnayan sa Diyos?
Sagot
Upang maunawaan ang kalikasan ng pakikipagugnayan sa atin ng Diyos at natin sa Kanya, kailangan nating magsimula sa ilang mga susing panuntunan. Una, pawang katotohanan lamang ang sinasabi ng Diyos. Hindi Siya nagsisinungaling at hindi siya nandaraya. Idineklara sa Job 34:12, "Ang dakilang Diyos ay di gumagawa ng masama, wala siyang inaapi o inaalipusta." Ang ikalawang panuntunan ay ang Bibliya ang Salita mismo ng Diyos. Ang Griyego para sa salitang ‘Kasulatan’ o ‘Scripture’ ay ‘graphe’ at ginamit ng 51 beses sa Bagong Tipan upang ilarawan ang mga Kasulatan ng Lumang Tipan. Pinatunayan ito ni Pablo sa 2 Timoteo 3:16 na ang mga Kasulatang ito ay literal na "hiningahan ng Diyos." Ang salitang ‘graphe’ ay maiaaplay din sa Bagong Tipan, partikular ng tawagin ni Pedro ang mga sinulat ni Pablo bilang ‘Kasulatan’ sa 2 Pedro 3:16, gayundin ng banggitin ni Pablo (sa 1 Timoteo 5:18) ang mga salita ni Hesus na matatagpuan sa Lukas 10:7 at tawagin iyon na ‘Kasulatan.’ Kaya nga, matapos na mapatunayan na ang Bagong Tipan ay nabibilang sa espesyal na kategorya bilang mga ‘Kasulatan’ o ‘graphe,’ tama ang ating pagkakaunawa at paglalapat sa 1 Timoteo 3:16 at ang pagturing natin na ang lahat ng mga sinulat sa Bagong Tipan ay may parehong katangian gaya ng pagpapalagay ni Pablo sa lahat ng sinulat sa buong Bibliya bilang mga ‘Kasulatan.’ Ang Kasulatan ay "hiningahan ng Diyos," at ang lahat ng mga Salita dito ay ang mismong Salita ng Diyos.
Bakit mahalaga ang mga impormasyong ito sa paksa ng panalangin? Matapos naming ilatag ang katotohanan na pawang katotohanan lamang ang sinasabi ng Diyos at ang Bibliya ang mismong Salita ng Diyos, lohikal nating masasabi ang dalawang konklusyon patungkol sa komunikasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos. Una, dahil sinasabi ng Bibliya na pinakikinggan ng Diyos ang tao (Awit 17:6; 77:1; Isaias 38:5), mapagtitiwalaan ng tao na kung tama ang kanyang kalagayan sa harap ng Diyos at magsasalita siya sa Diyos, tutugunin Siya ng Diyos. Ikalawa, dahil ang Bibliya ang mismong Salita ng Diyos, mapagtitiwalaan ng tao na kung tama ang kanyang kalagayan sa harapan ng Diyos at kung babasahin niya ng malakas ang Bibliya, literal na maririnig niya ang Salita ng Diyos. Ang tamang relasyon para sa isang maayos na pakikipagugnayan sa pagitan ng Diyos at tao ay makikita sa tatlong katangian. Una, dapat na ang tao ay nagsisisi at lumayo sa kasalanan. Halimbawa, mababasa sa Awit 27:9 ang pagsamo ni David na huwag siyang talikuran ng Diyos dahil sa Kanyang pagkagalit. Mula dito, makikita natin na ikinukubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa nagkasasala at ang kasalanan ang hadlang sa ugnayan ng Diyos at tao. Ang isa pang halimbawa ay makikita sa Isaias 59:2, kung saan sinabi ni Isaias sa mga tao, "Ngunit ang sala mo ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo, at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo." Kailangan din sa isang maayos na pakikipagugnayan sa Diyos ang isang mapagpakumbabang puso. Sinabi ng Diyos sa Isaias 66:2, "Ang uri ng tao na mahal sa akin at nakalulugod ay ang kahabag-habag at mababang-loob, sa aking salita siya ay may takot." Ang ikatlong katangian ay matuwid na pamumuhay. Ito ang resulta ng paglayo sa kasalanan at kasangkapan para sa epektibong pananalangin. Sinabi ni Santiago, "Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid" (Santiago 5:16).
Ang pagpapaabot natin ng ating saloobin sa Diyos ay maaaring sa pamamagitan ng boses na naririnig, sa isip, o sa pamamagitan ng pagsulat. Maaari tayong magtiwala na didinggin Niya at tutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa ating mga kahinaan. Sinasabi sa Roma 8:26, "Gayon din naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita." Tungkol naman sa pagsasalita sa atin ng Diyos, dapat nating hanapin ang Kanyang kasagutan sa pamamagitan ng Bibliya sa halip na umasa na ilalagay niya sa ating isipan ang Kanyang kasagutan upang gabayan tayo sa isang partikular na desisyon.
Dahilan sa ating kapasidad na mandaya ng sarili, hindi nararapat tanggapin ang ideya na ang anuman o bawat kaisipan na pumapasok sa ating isip ay mula sa Diyos. Minsan, sa mga partikular na isyu sa ating mga buhay, hindi nagsasalita ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kasulatan at sa ganitong mga pagkakataon, nakatutukso na maghanap tayo ng mga kapahayagan na labas sa Bibliya. Gayunman, sa mga ganitong sitwasyon, ang pinakamatalinong desisyon ay iwasan na ilagay ang mga salita sa bibig ng Diyos at buksan ang ating mga sarili sa pandaraya ni Satanas. Sa halip, ang nararapat nating gawin ay humanap ng kasagutan sa pamamagitan ng ibinigay Niyang mga prinsipyo sa atin sa pamamagitan ng Bibliya.
Nararapat din na manalangin ng taimtim para sa karunungan upang magkaroon ng tamang konklusyon dahil ipinangako ng Diyos ang pagbibigay ng karunungan para sa mga taimtim na humihingi nito. "Ngunit kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan; sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay at di nanunumbat" (Santiago 1:5) Paanong ang panalangin ay pakikipagugnayan sa Diyos? Ang panalangin ay pagsasalita mula sa ating puso sa ating Diyos Ama sa langit at bilang tugon, magsasalita Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga Banal na Salita sa Bibliya at sa paggabay Niya sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
English
Paanong masasabing ang panalangin ay pakikipagugnayan sa Diyos?