settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol pakikisama sa mga taong mahirap pakisamahan?

Sagot


May kilala tayong lahat na mga taong mahirap pakisamahan sa iba't ibang paraan, at nasubukan na natin ang hirap sa pakikibagay sa mga taong ito. Maaaring ang isang taong mahirap pakisamahan ay mapangmata, mahilig makipagtalo, pala-away, makasarili, at walang galang, mahirap umunawa o simpleng magaspang ang ugali. Tila alam ng mga taong ito kung paano tayo iinisin, sasaktan ang ating damdamin, at lilikha ng kaguluhan. Ang pakikisama sa mga taong mahirap pakisamahan ay nangangailangan ng tiyaga, pag-ibig at biyaya.

Ang ating tugon sa mga taong mahirap pakisamahan ay dapat na katulad ng halimbawang ibinigay ni Jesus, dahil nakisama Siya sa mga taong mahirap pakisamahan noong narito pa Siya sa lupa. Sa Kanyang pakikisalamuha sa mga taong mahirap pakisamahan, hindi Siya nagpakita ng magaspang na pagpapakita ng kahigitan sa iba o ng pagmamataas; sa halip, ipinakita Niya ang Kanyang awtoridad ng may pagkokontrol sa sarili. Sinasaway Niya ang mga tao kung kinakailangan (Juan 8:47), ngunit nakisama din Siya sa mga taong mahirap pakisamahan sa pamamagitan ng pananahimik (Juan 8:6), pagtatanong (Markos 11:28–29), pagtuturo ng Kasulatan (Markos 10:2–3), at pagkukuwento (Lukas 7:40–42).

Sa Kanyang Sermon sa Bundok, nakisama si Jesus sa mga tao ng may pag-ibig at kababaang loob: "Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo" (Lukas 6:27–31). Sinasabi sa 1 Pedro 3:9, "Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos."

Sa pakikisama sa mga tong mahirap pakisamahan, dapat tayong magbantay laban sa pagmamataas. Mahalagang tandaan ang payong ibinigay ni apostol Pablo sa Roma 12:3: "Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo" (tingnan din ang Filipos 2:3–4). Kaya, kung alam nating kailangan nating makisama sa mga taong mahirap pakisamahan, dapat nating harapin ang bawat sitwasyon ng may kahinahunan. Ang pag-ibig ang susi: "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili" (Galacia 5:14). Dapat nating ipakita ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao—kabilang ang mga taong mahirap pakisamahan.

Tinalakay sa aklat ng Kawikaan ang karunungan sa pakikisama sa mga taong mahirap pakisamahan. Isinusulong sa Kawikaan 12:16 ang pagtitiyaga sa ating mga karelasyon: "Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata, ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya." Pinupuri naman sa Kawikaan 20:3 ang nagsusulong ng kapayapaan: "Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan, ngunit ang gusto ng mangmang ay laging pag-aaway." Hinihimok sa Kawikaan 10:12 ang pag-ibig: "Sari-saring kaguluhan ang bunga ng kapootan, ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan." Pinahahalagahan sa Kawikaan 17:14 ang pangunawa at paggalang: "Ang simula ng kaguluha'y parang butas sa isang dike; na dapat ay sarhan bago ito lumaki." Kung posible, maaaring ang pinakamagandang bagay na dapat gawin ay iwasan ang mga sitwasyong nakikisama sa mga taong mahirap pakisamahan sa pamamagitan ng maingat na pagpili ng mga taong ating pakikisamahan: "Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin" (Kawikaan 22:24).

Hindi maaaring iwasan ang pakikisama sa mga taong mahirap pakisamahan. Sa ating pakikibagay sa ganitong uri ng tao, madaling tumugon sa laman. Ngunit lalo lamang tayong mapapasama kung susuko tayo. Wala ng mas magandang paraan sa pakikibagay sa mga taong mahirap pakisamahan ng higit pa sa pagsasanay sa mga bunga ng Espiritu sa ating buhay (Galacia 5:22–23)! Sa biyaya ng Diyos, maaari tayong makibagay sa mga taong mahirap pakisamahan sa pag-ibig, kagalakan, katiyagaan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at higit sa lahat – pagkokontrol sa sarili. Maaari nating ipagkaloob sa iba ang parehong pag-ibig, biyaya, at kaawaan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. At nawa'y maging maingat tayo upang hindi tayo maging mga mismong taong mahirap pakisamahan!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol pakikisama sa mga taong mahirap pakisamahan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries