settings icon
share icon
Tanong

Pakikitungo sa biyenan…?

Sagot


Ang isang biyenan na dominante at nanghihimasok sa buhay ng kanyang anak at manugang ay ang tinatawag ng Bibliya na “mahilig makialam sa buhay ng may buhay at madadaldal” (1 Timoteo 5:13). Ang kahulugan ng Salitang Griyego na isinalin sa salitang “mahilig makialam” sa 1 Timoteo ay nangangahulugan na “isang itinalaga ang sarili na maging tagapangasiwa ng buhay ng iba.” Ang pangangasiwa sa buhay ng anak at manugang ang ginagawa o akusasyon sa ilang biyenan. Ang uri ng paguugaling ito ay nakayayamot, nakakasama ng loob at salungat sa plano ng Diyos para sa pamilya.

Walang duda na ang ganitong sitwasyon aty nakakasiphayo. Maaaring ginagawa ito ng isang biyenan dahil walang sinuman sa pamilya ang nagtakda sa kanya ng hangganan. Dahil dito nagagawa ng biyenan na maghari-harian. Maaaring hindi niya nalalaman kung gaano siya nakakairita at nagiging dominante. Para sa kanya, minamahal lamang niya ang kanyang anak. Kung ito ang kaso, maaaring ang isang puso sa pusong paguusap ang magaayos ng sitwasyon. Pagkatapos niyang malaman ang resulta ng kanyang ginagawa at nagpatuloy pa rin siya sa pakikialam sa magasawa pagkatapos ng paguusap, walang magagawa para baguhin ang kanyang disposisyon.

Saanman manggaling ang panghihimasok sa pamilya, ito ay isang pagyurak sa kabanalan ng pagaasawa at sumasalungat sa prinsipyo ng “pagiwan” at “pakikipisan” na layunin ng Diyos sa pagaasawa (Genesis 2:23-24). Iiwan ng isang lalaki at babae ang kanilang kinalakhang pamilya at magsisimula sila ng isang bagong pamilya at dapat na ibigin nila at protektahan ang isa’t isa. Ang isang lalaki na pinapayagan ang kanyang ina o biyenan na makialam sa kaniyang pamilya ay hindi namumuhay ayon sa utos ng Diyos para sa mga asawang lalaki sa Efeso 5:25-33. Kailangang maitakda ang hangganan at ipatupad iyon gaano man ang pagtutol ng mga taong sangkot. Ang totoo, minsan, tinatrato tayo ng ibang tao sa paraang gusto nila dahil hinahayaan natin silang gawin iyon. Kung hahayaan natin na yurakan ang kabanalan ng ating pamilya, iyon ang gagawin ng isang dominanteng biyenan. Walang sinuman, kahit na ang mga kapamilya ng ating asawa ang may karapatan na manghimasok sa ating tahanan, at responsibilidad ng asawang lalaki na bantayan ang kabanalan ng kanyang pamilya. Dapat siyang mamuno ng buong hinahon – ngunit ng buong tatag – at dapat niyang ipaliwanag sa kanyang biyenang babae o lalaki na mali ang kanyang ginagawa at dapat niyang tiyakin sa kanya na hindi niya papapayagan ang ganoong paguugali. Dapat niyang ipaalaala sa na binigyan siya ng Diyos ng responsibilidad para sa kanyang pamilya at ang pagpapabaya sa responsibilidad na iyon ay pagsuway sa Diyos. Dapat niyang tiyakin sa kanyang biyenan na mahal niya siya, ngunit ang relasyon niya sa kanyang anak ay nagbago na at hindi na siya ang dapat masunod sa kanyang pamilya. Ito ang disenyo ng Diyos para sa pamilya, at dapat na manatili ito sa ganitong kaparaanan. Dapat na manindigan ang magasawa sa kanilang mga desisyon para sa kanilang sariling pamilya.

Ano ang ating magagawa sa panghihimasok ng isang biyenan? Maaari nating piliin na payagan siya sa kanyang pakikialam at mawalan tayo ng kapayapaan. Maaaring hindi natin kayang baguhin ang paguugali ng iba, ngunit kaya nating kontrolin ang ating sariling reaksyon. Maaari nating payagan na maimpluwensyahan tayo ng aksyon ng ibang tao o maaari nating ipagkaloob sa Diyos ang ating desisyon at hayaaan Siya na palakasin ang ating espiritu. Ang ating reaksyon sa ganitong uri ng sitwasyon ang dahilan minsan ng ating pagkayamot at pagdurusa. Hindi natin mapipigilan ang ating emosyon kung hinahayaan natin ang ating biyenan na kontrolin ang ating kapayapaan. Hindi natin kayang kontrolin ang kanyang paguugali, ngunit responsibilidad natin ang ating reaksyon sa kanyang mga ginagawa sa ating pamilya.

Dapat nating pakitunguhan ng may pag-ibig at paggalang ang ating mga magulang at mga biyenan, ngunit hindi natin dapat hayaan na masangkot ang ating emosyon sa ating pakikitungo sa kanila. Ang pinakamagandang paraan upang talunin ang isang kalaban ay gawin siyang kakampi. Magagawa ito sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Laging nakakapagpatawad ang mga Kristiyano (Efeso 4:32). Maaaring hindi natin mapatigil ang ating biyenan sa pakikialam sa ating pamilya. Ngunit ang desisyon na kaibiganin siya ang panggagalingan ng ating lakas at kapayapaan (Efeso 6:11-17). Ang tanging lugar kung saan tayo makakatagpo ng kapayapaan ng puso ay sa isang personal na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Kung mangyari ito, saka lamang tayo makakapagpahinga sa Kanyang kapayapaan sa kabila ng pagkakaroon ng isang dominanteng biyenan!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pakikitungo sa biyenan…?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries