Tanong
Mali bang magkaroon ng pakiramdam na binigo ng Diyos?
Sagot
Ang pakiramdam ng pagkabigo ay ang pakiramdam ng pagkainip at pagkabalisa dahil hindi natin nakukuha ang isang bagay o kung humaharap tayo sa mga mga problemang tila walang kalutasan. Minsan, ang Diyos ang itinuturing nating dahilan ng ating pagkainip at sama ng kalooban – dahil sa pakiramdam na tayo ay Kanyang binigo. Ang pagkabigo sa Diyos, sa Kaniyang mga kaparaanan at pakitungo sa atin ay maaaring maging isang balakid para sa mga kristiyano. “Madali lamang malutas ng Diyos ang problemang ito - ngunit bakit hindi Niya ginagawa?” “Alam ng Diyos na ako'y may pangangailangan - nasaan Siya?” Maraming Kristiyano na ang nakaramdam ng pagkabigo sa Diyos sa isang punto ng kanilang buhay.
Si Marta ay isang halimbawa (Lucas 10:38-42). Bumisita si Hesus sa kanilang tahanan, at nais niyang ipaghanda Siya ng masarap na pagkain. Sinabi sa Kasulatan na siya'y “naliligalig sa maraming mga bagay.” Samantala, ang kapatid ni Marta na si Maria ay “naupo rin naman sa paanan ng Panginoon, at pinakikinggan ang kaniyang salita. Sa kanyang kaabalahan, naramdaman ni Marta na dapat siyang tulungan ni Maria sa paghahanda sa kusina, at nakaramdam siya ng kabiguan. Siya'y “lumapit sa kaniya, at sinabi, Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? iutos mo nga sa kaniya na ako'y tulungan niya.” Mapapansin natin na si Marta ay bigo kay Maria dahil sa hindi nito pagtulong sa kanya at sa Panginoong Hesus dahil hinahayaan Nyang maging “tamad” si Maria. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Marta, Marta naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay.” Ginamit Niya ang pagkakataong iyon upang magturo ng aral tungkol sa pagiging payapa at sa pagkilala sa Diyos (Awit 46:10) — bagay na nalilimutan natin kung tayo'y nakakaramdam ng pagkabigo.
Ang isa pang kilalang istorya ng pagkabigo ay ang kuwento tungkol kay Jonas. Alam na alam din niya ang pakiramdam ng mabigo sa Diyos. Narinig ni Jonas ang sinabi ng Diyos ngunit hindi niya nagustuhan ang kanyang narinig (Jonas 1:1-3). Matapos niyang ipahayag ang mensahe ng Diyos sa mga taga-Nineveh, kahit mabigat ang kanyang loob, kumbinsido si Jonas na hindi sila makikinig at nakaramdam siya ng kaluguran na makita silang nililipol ng Diyos. Sa pagkapahiya ni Jonas, ang mga taga Nineve ay tumugon ng may pagsisisi at kababaan ng loob sa Diyos (Jonas 3:5-10). Nabigo si Jonas. Ang hustisya para kay Jonas ay kasalungat ng sa Diyos. At ang lalong mabigat ay ng nilanta ng Diyos ang halaman kung saan siya nakasilong kaya siya naiwang nakatambad sa init ng araw (Jonas 4:7). Ang kabiguan ni Jonas ay umabot sa puntong nais na niyang mamatay (Jonas 4:9). Pinaalalahanan ng Diyos ang galit Niyang propeta na mali ang kanyang pananaw: May mas pakialam si Jonas sa isang halaman kaysa sa isang malaking siyudad na puno ng maraming tao. Ang pagkabigo ay nakapagpapalabo ng ating pananaw at bumubulag sa ating puso at isip.
Mali ba ang makaramdam ng kabiguan sa Diyos? Oo. Ang magkaroon ng pakiramdam na binigo ka ng Diyos ay produkto ng ating makasalanang kalikasan. Ang magkaroon ng pakiramdam na binibigo tayo ng Diyos ay isang patunay ng kulang tayo ng pagtitiwala sa Diyos o kaya naman ay mali ang ating pagkaunawa sa Kanyang pagka-Diyos. Kung ang Diyos ay perpekto - at sinasabi sa Bibliya na Siya nga (Awit 18:30) — samakatwid, mayroon Siyang perpektong intensyon, tamang oras, perpektong pamamaraan, at perpektong mga resulta. Kung ating itutuon ang ating mga isip sa Diyos at magtitiwala tayo sa Kanya, mararanasan natin ang kapayapaan at hindi tayo mabibigo (Isaias 26:3).
Ang pakiramdam na bigo tayo sa Diyos ay bunga ng katigasan ng ating ulo. Kapag ang ating mga ambisyon ay salungat sa layunin ng Diyos, natural na tayo’y mabibigo. Kailanma'y hindi mabuti na lumaban sa Diyos. Natutuhan ito ni Saulo ng Tarsis sa mahirap na paraan, at pinaalalahanan Siya ng Diyos na, “...mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis (Gawa 26:14). Ang isang simpleng panalangin ng may mababang loob na pagsunod ay higit na makapagbibigay ng kaginhawahan kaysa sa matigas nating pagpipilit sa ating mga plano.
Sinasabi ng Diyos sa mga ama sa lupa, “Huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak...” (Colosas 3:21). Tiyak na ayaw ng Diyos na ipamungkahi sa galit ang Kanyang sariling mga anak. Kapag nakararamdam tayo ng pagkabigo sa Diyos, ito ay dahil sa kakulangan natin ng kaalaman, hindi dahil sa kakulangan ng Diyos. Ang pinakamainam na dapat gawin ay magpasakop sa Kanyang kalooban, tanggapin ang Kanyang panahon, at magtiwala sa Kanyang kabutihan. “Na inyong ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya” (1 Pedro 5:7).
English
Mali bang magkaroon ng pakiramdam na binigo ng Diyos?