Tanong
Ano ang palabunutan?
Sagot
Ang palabunutan ay nabanggit ng 70 beses sa Lumang Tipan at 7 beses sa Bagong Tipan. Sa kabila ng maraming pagbanggit sa salitang palabunutan sa Lumang Tipan, walang nakakaalam kung ano ang aktwal na ginamit para isagawa ito. Maaaring ang ginamit ay patpat o tingting na may iba't ibang haba, malapad na bato o barya o isang uri ng dais. Ngunit hindi tiyak kung alin sa mga ito ang ginamit. Sa modernong palabunutan, ang kalimitang ginagawa ay ang paghahagis ng coin.
Ang pagsasanay ng palabunutan ay nagaganap kadalasan ng may kaugnayan sa paghahati ng lupain sa panahon ng pamumuno ni Josue sa mga Israelita (Josue kabanata 14 hanggang 21), isang proseso na inutos ng Diyos sa mga Israelita na ginawa ng ilang ulit sa aklat ng mga Bilang (Bilang 26:55; 33:54; 34:13; 36:2). Pinahintulutan din ng Diyos ang mga Israelita na magpalabunutan para malaman ang Kanyang kalooban sa isang partikular na sitwasyon (Josue 18:6-10; 1 Cronica 24:5, 31). Ang iba't ibang gawain at katungkulan sa templo ay pinagpapasyahan din sa pamamagitan ng palabunutan (1 Cronica 24:5, 31; 25:8-9; 26:13-14). Ang mga mandaragat sa barkong sinakyan ni Jonas ay nagpalabunutan din para malaman kung sino sa mga sakay ng barko ang dahilan ng bagyo (Jonas 1:7). Nagpalabunutan din ang labing isang alagad para malaman kung sino ang kapalit ni Judas (Gawa 1:26). Kalaunan, ang palabunutan ay naging isang laro na pinagpupustahan ng mga tumataya. Ginawa ito ng mga sundalong Romano sa mga kasuutan ni Jesus (Mateo 27:35).
Hindi tinuturuan ang mga Kristiyano saan man sa Bagong Tipan na gumamit ng palabunutan para tulungan tayo sa ating pagdedesisyon. Ngayong mayroon na tayong kumpletong Salita ng Diyos, gayundin ng nananahang Banal na Espiritu para tayo gabayan, walang dahilan para gumamit tayo ng mga laro ng tsamba para gumawa ng desisyon. Ang Salita ng Diyos, ang Espiritu, at ang panalangin ay sapat na para malaman natin ang kalooban ng Diyos para sa atin ngayon — hindi ang palabunutan, pagpapagulong ng dais, o paghahagis ng barya.
English
Ano ang palabunutan?