Tanong
Ano ba ang mga palatandaan ng pagtatapos ng panahon?
Sagot
Sa Mateo 24:4-8, binibigyan tayo ng mahahalagang palatandaan upang malaman natin ang pagdating ng katapusan ng panahon. "Sapagkat maraming paririto sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Mesias!' At marami silang maililigaw. Makaririnig kayo ng alingawngaw ng labanan at ng mga balita tungkol sa digmaan. Huwag kayong mababagabag. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat makikibaka ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. Ang lahat ng ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap." Ang pagdami ng bilang ng mga huwad na mesias, ang pagkakaroon ng mga alingawngaw ng digmaan, at ang pagkakaroon ng malawakang taggutom, mga salot at mga natural na mga trahedya at kalamidad - ang mga ito ay ang mga ‘palatandaan’ na malapit na ang katapusan ng panahon. Kahit na sa talatang nabanggit, binibigyan tayo ng babala. Hindi tayo dapat malinlang (Mateo 24:4), sapagkat ang ganitong mga pangyayari ay ang pasimula pa lamang (Mateo 24:8) na ang katapusan ay paparating na (Mateo 24:6).
Karamihan sa mga nagpapakahulugan sa mga palatandaang magaganap bago ang katapusan ng panahon ay nagsasabi na ang mga lindol, kaguluhang politikal, at ang bawat pagsalakay sa Israel ay tiyak na palatandaan na malapit na nga ang katapusan ng panahon. Habang ang mga pangyayaring ito ay maaaring tanda ng nalalapit na pagtatapos ng panahon, hindi naman ang mga ito ang indikasyon na dumating na nga ang katapusan ng panahon. Nagbabala si Pablo sa biglang pagdami ng mga maling aral bago ang maganap ang katapusan ng panahon. "Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo" (1 Timoteo 4:1). Inilarawan ang katapusan ng panahon na isang "mapanganib na yugto ng kasaysayan" dahil sa paglala ng kasamaan ng tao na tahasang nilalabanan ang katotohanan (2 Timoteo 3:1-9; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:3).
Ang iba pang palatandaan ay ang muling pagtatayo ng templo ng mga Hudyo sa Jerusalem, ang pagdami ng kalaban ng Israel, at ang pagsusulong ng iisang gobyerno sa buong mundo. Ang pinaka-kinikilalang palatandaan ng katapusan ng panahon ay ang nagaganap sa bansang Israel. Noong 1948, kinilala ang Israel bilang isang malayang bansa na may kakayahang mamuno sa kanyang sariling estado sa unang pagkakataon mula noong 70 A.D. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na mapapasakamay ng kanyang angkan ang Canaan bilang "walang hanggang kayamanan o pagmamay-ari" (Genesis 17:8). Ayon naman sa hula ni Ezekiel, muling bubuhayin ang pisikal at espiritwal na katangian ng Israel (Ezekiel 37). Ang pagkakatatag ng Israel bilang bansa sa sarili nitong lupain ay mahalagang palatandaan ng pagtatapos ng mundo, dahil sa pagiging prominente ng Israel sa "eschatology" (Daniel 10:14; 11:41; Pahayag 11:8).
Habang iniisip natin ang mga palatandaang ito, dapat tayong maging matalino sa pagunawa sa mga palatandaang ito. Hindi natin dapat na bigyang kahulugan na ang alinman sa mga pangyayaring ito ay tiyak na indikasyon na ito na nga ang wakas. Binigyan tayo ng Diyos ng sapat na impormasyon upang maging handa tayo, subalit hindi sapat na impormasyon upang atin Siyang pangunahan.
English
Ano ba ang mga palatandaan ng pagtatapos ng panahon?