Tanong
Paano ang pamamahagi ng Diyos ng mga kaloob na espiritwal? Bibigyan ba ako ng Diyos ng kaloob na espiritwal na aking hinihingi?
Sagot
Nilinaw ng Roma 12:3-8 at 1 Corinto 12 na ang bawat Kristiyano ay binigyan ng kaloob na espiritwal ayon sa minabuti ng Diyos. Ang mga kaloob na espiritwal ay ibinigay para sa ikatitibay ng Katawan ni Kristo (1 Corinto 12:7, 14:12). Ang eksaktong oras o panahon ng pagbibigay ng mga kaloob na espiritwal ay hindi binanggit sa Bibliya. Marami ang nagsasabi na mga espiritwal na kaloob ay ibinibigay sa panahon ng kapanganakang espiritwal (sa oras ng kaligtasan). Gayunman, may mga talata sa Bibliya na nagsasaad na nagbibigay ng espiritwal na kaloob ang Diyos pagkatapos maligtas ang mananampalataya. Binabanggit sa 1 Timoteo 4:14 at 2 Timoteo 1:6 ang isang kaloob na ibinigay kay Timoteo sa panahon ng kanyang ordinasyon sa pamamagitan ng isang “propesiya.” Ito ay nagpapahiwatig na ng ordinahan si Timoteo, isa sa mga matatanda sa Iglesia ang nagsalita tungkol sa isang espiritwal na kaloob ang mapapasa-kanya upang magamit niya sa kanyang ministeryo.
Sinasabi din sa atin sa 1 Corinto 12:28-31 at 1 Corinto 14:12-13 na ang Diyos (hindi tayo) ang namimili ng kaloob para sa atin. Ang mga talatang ito ay nagpapakita na hindi lahat ng mananampalataya ay magkakaroon ng isang partikular na kaloob. Sinabi ni Pablo sa mga mananampalataya sa Corinto na kung nanaisin nila ang mga espiritwal na kaloob, dapat silang magnais ng kaloob na mas makapagpapatibay sa iba gaya ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Bakit sila papayuhan ni Pablo na magnasa ng mas mabuting kaloob kung dati na silang binigyan ng kaloob at kung wala ng pagkakataon pa na magkaroon ng espiritwal na kaloob na mas makapagpapatibay ang mananampalataya? Ito ang kukumbinse sa atin na maaaring bigyan pa tayo ng Diyos ng mga kaloob na ating kinakailangan para sa kapakinabangan ng Kanyang Iglesia. Kahit si Solomon ay nagnasa pa din ng karunungan mula sa Diyos upang maging mas mabuting pinuno ng bayan ng Diyos.
Sa kabila nito, nananatili na ang pagbibigay ng mga espiritwal na kaloob ay ayon sa desisyon at pagpili ng Diyos hindi ng mananampalataya. Kung ang bawat mananampalataya sa Corinto ay nagnasang mainam ng isang partikular na kaloob gaya ng pangangaral ng Salita ng Diyos, hindi iyon ibibigay ng Diyos dahil hiniling lamang nila na magkaroon niyon. Kung gagawin ito ng Diyos, sino ngayon ang gaganap ng ibang mga gawain sa katawan ni Kristo?
Isang bagay ang napakaliwanag - kapag may utos ang Diyos, ibibigay Niya ang kasangkapan upang magampanan ang utos na iyon. Kung inuutusan tayo ng Diyos na gawin ang isang gawain (gaya ng pagpapatotoo, pag-ibig sa mga hindi kaibig-ibig, paggawa ng alagad at iba pa), bibigyan Niya tayo ng kaloob upang magampanan iyon. May mga mananampalataya na hindi gaanong marunong sa pag-eebanghelyo gaya ng ibang mananampalataya, ngunit inuutusan ng Diyos ang lahat ng Kristiyano na magpatotoo at gumawa ng alagad (Mateo 28:18-20; Mga Gawa 1:8). Tayo ay tinawag upang mag-ebanghelyo binigyan man tayo o hindi ng kaloob ng pag-eebanghelyo. Ang isang Kristiyano na determinadong matutuhan ang Salita ng Diyos at hasain ang kanyang abilidad sa pagtuturo ay maaaring maging mas magaling na guro kaysa sa isang Kristiyano na may kaloob ng pagtuturo ngunit pinababayaan naman ang kanyang kaloob.
Ang mga espiritwal na kaloob ba ay ibinigay sa atin ng tanggapin natin si Kristo? O sila ay nahasa sa ating patuloy na paglakad kasama ang Panginoon? Ang sagot ay pareho. Normal na ang mga espiritwal na kaloob ay ipinagkakaloob sa panahon ng kaligtasan, ngunit kailangan ding linangin natin ang mga iyon habang tayo ay lumalago sa espiritwal. Maaari ba na ang iyong pagnanais sa puso ay malinang at maging isang espiritwal na kaloob? Maaari ka bang manghingi ng isang partikular na espiritwal na kaloob? Sinasabi sa 1 Corinto 12:31 na posible ito: “pakanaisin ninyo ang pinakamagandang kaloob.” Maaari kang humingi ng espiritwal na kaloob mula sa Diyos at maging masigasig sa paghingi upang mahasa ang isang partikular na kaloob. Ngunit gayundin naman, kung hindi iyon kalooban ng Diyos para sa iyo, hindi mo matatanggap ang kaloob na iyon kahit gaano pa kasidhi ang iyong pagnanais na magkaroon niyon. Ang Diyos ang nakakaalam kung ano ang pinakamabuti para sa bawat isa sa atin at alam Niya kung anong espiritwal na kaloob ang nababagay sa bawat isa upang maging kagamit gamit sa Kanyang kaharian.
Kahit gaano pa karami ang kaloob ng Diyos sa atin, tayo ay tinawag upang hasain ang isa sa mga kaloob na binanggit sa listahan ng espiritwal na kaloob gaya ng pagiging magiliw sa iba, pagpapakita ng kahabagan, paglilingkod sa isa't isa, pag-eebanghelyo at marami pang iba. Habang ninanais nating maglingkod sa Diyos dahil sa ating pag-ibig sa Kanya para sa ikatitibay ng bawat isa para sa Kanyang kaluwalhatian, bibigyan Niya ng karangalan ang Kanyang sariling pangalan, palalaguin ang Kanyang iglesia at bibigyan tayo ng gantimpala (1 Corinto 3:5-8; 12:31-14:1). Ipinangako ng Diyos na habang Siya ang ating kasiyahan, ibibigay Niya ang nasa ating mga puso (Awt 37:4). Tiyak na kasama dito ang pahahanda sa atin upang mapaglingkuran natin Siya sa paraan na magbibigay sa ating buhay ng layunin at kasiyahan.
English
Paano ang pamamahagi ng Diyos ng mga kaloob na espiritwal? Bibigyan ba ako ng Diyos ng kaloob na espiritwal na aking hinihingi?