Tanong
Tunay ba ang Shroud of Turin?
Sagot
Ang Shroud of Turin ay isang telang lino na pinaniniwalaan ng ilan na siyang telang ibinalot kay Hesus sa Kanyang paglilibing. Binabanggit ng bawat isa sa apat na Ebanghelyo na si Hesus ay inilibing na nababalot ng bagong kayong lino (Mateo 27:59, Marcos 15:46, Lucas 23:53, Juan 19:40). Ang Shroud of Turin ay “natuklasan” o nahayag sa publiko, noong ika-14 na siglo A.D. Ang Shroud of Turin ay ipinangalan sa lungsod kung saan ito nakatago – sa Turin, Italya.
Narito ang webpage na naglalaman ng mga larawan ng Shroud of Turin: http://www.shroud.com/examine.htm. Sa pagsisiyasat, tila lumalabas na ang Shroud of Turin ay sa isang tao na ipinako sa krus. May mga marka sa mga kamay at paa na katulad sa mga sugat na dulot ng pagkapako. Mayroon ding mga sugat na tila katulad sa inilarawang pagpapahirap kay Hesus, sa palibot ng ulo, likod at mga binti.
Ang Shroud of Turin ba ay ang mismong tela na ipinambalot kay Hesu Kristo? Maramimg pagtatalo sa pagiging tunay ng Shroud of Turin. Ang ilan ay lubos na kumbinsido na iyon nga ang telang ipinambalot kay Hesus. Ang ilan ay naniniwala na ito ay isang gawa gawa lamang o isang likhang sining. Mayroon ng ilang pagsusuri na nagsasabing ang Shroud of Turin ay ginawa noong ika-sampung siglo B.C. o mas malaon pa. Nasumpungan ng ibang pagsusuri ang mga spores/pollens na karaniwan sa Israel na maaaring maglagay dito sa panahon ng unang siglo AD. Ngunit walang masasabing tiyak na petsa sa kahit anuman sa mga ito.
Sa pakikipagtalastasan sa pagiging totoo ng Shroud of Turin, ang lumulutang ay ang kawalan ng kumpletong katibayan sa Bibliya sa ganitong uri ng telang panglibing. Una, nabanggit ng Bibliya ang isang buong piraso ng lino na ginamit sa pagkuha ng katawan ni Hesus mula sa krus. Ang linong ito rin marahil ang ginamit sa pagdadala ng katawan ni Hesus sa malapit na libingan na pag-aari ni Jose na taga Arimatea. Sa libingan, madalian ang ginawang paghahanda para sa paglilibing; kasama na dito ang paghuhugas ng katawan at pagbabalot nitong muli. Binanggit sa Lukas 24:12 ang “mga kayong lino.” Ang parehong mga kayong lino ay nabanggit ng dalawang beses sa Juan 20:5-6. At ang Juan 20:7 ay nagsasabi na may “panyong ibinalot sa ulo (ni Hesus).” Ang ganitong paglalarawan ng mismong damit panglibing – “mga kayong lino, hindi isang malaking piraso; at isang hiwalay na panyo para ibalot sa ulo – ay tila sumasalungat sa inaangkin na ang Shroud of Turin ay ang buong tela (shroud) na ipinambalot kay Kristo.
Kaya, ano ang ating gagawin sa Shroud of Turin? Marahil, ito nga ay isang tela na ipinambalot sa isang taong ipinako sa krus, ngunit wala itong anumang kinalaman kay Kristo. Kahit na ito man ang tunay na ipinambalot kay Kristo, ang Shroud of Turin ay hindi dapat sambahin. Dahil sa kahina-hinala ang Shroud of Turin, hindi ito maaaring gamitin bilang katibayan sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Ang ating pananampalataya ay hindi nakasalalay sa isang tela kundi sa nakasulat na Salita ng Dios.
English
Tunay ba ang Shroud of Turin?