settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na pagiging kabahagi sa pamilya ng Diyos?

Sagot


Itinuturo ng Bibliya na si Hesu Kristo at ang Ama ay iisa, at Si Hesus ang nagiisang bugtong na Anak ng Diyos (Hebreo 1:1-4). Ang pamilyar na terminolohiyang ito ay nagpapahiwatig na itinuturing ng Diyos ang Kanyang Anak bilang isang miyembro ng Kanyang pamilya. Sinabihan din tayo na mga mananampalatayang isinilang na muli, na tayo man ay mga miyembro din ng pamilyang ito (Roma 9:8; 1 Juan 3:1-2). Paano tayo magiging miyembro ng pamilya ng Diyos? Noong marinig natin ang Ebanghelyo, magpahayag at magsisi sa ating mga kasalanan, at maglagak ng ating pananampalatraya kay Hesu Kristo, sa sandaling iyon, isinilang tayo sa kaharian ng Diyos bilang Kanyang mga anak at naging mga tagapagmanang kasama ni Kristo para sa walang hanggan (Roma 8:14-17).

Habang tinutukoy si Kristo bilang nagiisang bugtong na Anak ng Diyos, ang mga mananampalataya naman ay tinutukoy bilang mga anak na inampon ng Diyos na kinakailangang lumago sa pananampalataya (Efeso 4:11-16) bilang mga anak at tagapagmana na inampon sa Kanyang pamilya (Galacia 4:4-7). Nahayag ang walang hanggang biyaya at habag ng Diyos sa Efeso 1:5-6 kung saan sinasabi na “tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!”

Bilang mga anak ng Diyos, ano ang ating mamanahin sa Diyos? Walang iba kundi ang kaharian ng Diyos (Mateo 25:34; 1 Tesalonica 2:12; Hebreo 12:28)! Sinasabi sa atin sa Efeso 1:3 na pinagpala ang lahat na mananampalataya ng lahat ng espiritwal na pagpapala sa sangkalangitan kay Kristo Hesus. Ang mga espiritwal na pagpapalang ito ay walang hanggan, hindi magwawakas, at na kay Kristo, at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, pinakalooban tayo ng lahat ng pagpapalang ito bilang Kanyang mga anak. Bilang mga anak ng ating mga panlupang magulang, minamana natin ang kanilang iniiwan pagkatapos nilang mamatay. Ngunit bilang mga anak ng Diyos sa espiritwal, inaani na natin ngayon ang ating mana dahil sa ipinakipagkasundo tayo ng Diyos Ama sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Anak doon sa krus. Kasama sa ating mana ang pananahan ng Banal na Espiritu noong sumampalataya tayo kay Kristo (Efeso 1:13-14) na Siyang nagbigay sa atin ng kalakasan upang mamuhay para sa Kanya sa kasalukuyan, at ng kaalaman na ang ating kaligtasan ay iniingatan para sa walang hanggan (Hebreo 7:24-25).

Ang pagiging kabilang sa pamilya ng Diyos ang pinakadakilang pagpapala na ipinagkaloob ng Diyos sa mga mananampalataya at siyang dapat na magtulak sa atin upang manikluhod sa Diyos sa isang mapagpakumbabang pagsamba. Wala tayong nagawang anuman upang maging karapatdapat sa Diyos dahil ito ay kaloob ng Kanyang pag-ibig, habag, at biyaya sa atin at bagama’t hindi tayo karapatdapat, tinawag tayo upang maging mga anak na lalaki at babae ng buhay na Diyos (Roma 9:25-26). Nawa’y tumugon tayo sa Kanyang imbitasyon sa pamamagitan ng pananampalataya. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na pagiging kabahagi sa pamilya ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries