settings icon
share icon
Tanong

Ano ba dapat ang tamang kaayusan ng pagpapahalaga sa ating mga pamilya?

Sagot


Hindi inilatag ng Bibliya ang pagkakasunod sunod sa kaayusan ng prayoridad o pagpapahalaga sa relasyon sa pamilya. Gayunman, maaari nating makita sa Kasulatan ang mga pangkalahatang prinsipyo para sa pagpapahalaga sa relasyon sa pamilya. Ang Diyos ang dapat na maging una sa lahat: Deuteronomio 6:5, "At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas." Ang lahat sa puso, kaluluwa at lakas ng isang tao ay dapat na lubusang nakatalaga sa pag-ibig sa Diyos at Siya ang unang unang pinahahalagahan sa kanyang buhay.

Kung ikaw ay may asawa, ang iyong asawa ang sunod sa Diyos. Ang isang taong may asawa ay nararapat na mahalin ang kanyang asawa kung paanong inibig ni Kristo ang iglesya (Efeso 5:25). Ang unang pinahahalagahan ni Kristo - pagkatapos na sundin at luwalhatiin ang Ama - ay ang Kanyang iglesya. Ito ang halimbawa na dapat sundin ng isang asawang lalaki: Diyos ang una, pagkatapos ay ang kanyang asawa. Sa parehong paraan, ang mga asawang babae ay dapat magpasakop sa kanilang asawang lalaki na "parang sa Panginoon" (Efeso 5:22). Ang prinsipyo ay dapat na pangalawa lamang sa Diyos ang pagpapahalaga ng babae sa kanyang asawang lalaki.

Kung ang mga asawang lalaki at babae ay pangalawa lamang sa ating mga pinahahalagahan, at dahil ang asawang lalaki at babae ay iisang laman (Efeso 5:31), makatwiran na ang resulta ng kanilang relasyon bilang magasawa - ang kanilang mga anak - ang kanilang sususod na pahahalagahan. Nararapat na palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak bilang mga makadiyos na mamamayan upang maging susunod na henerasyon ng mga taong umiibig sa Diyos ng kanilang buong puso (Kawikaan 22:6; Efeso 6:4), na ipinapakitang muli na dapat na ang Diyos ang una sa lahat. Ang lahat ng iba pang relasyon sa pamilya ay dapat na sumasalamin sa pag-ibig sa Diyos.

Sinasabi sa atin ng Deuteronomio 5:16 na dapat nating igalang ang ating mga magulang upang tayo'y mabuhay ng matagal at maging maayos ang lahat sa ating buhay. Walang partikular na edad ang sinabi, kaya naniniwala tayo na habang nabubuhay ang ating mga magulang, dapat natin silang igalang. Siyempre, kung ang isang bata ay dumating sa edad ng pagiging matanda, hindi na siya obligado na sundin sila ("Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang"), ngunit walang limit ang edad sa paggalang sa kanila. Makikita natin na ang mga magulang ang sunod sa listahan ng ating dapat pahalagahan kasunod ng pagpapahalaga natin sa Diyos, sa ating asawa, at sa ating mga anak. Pagkatapos ng magulang ay kasunod naman ang iba pang miyembro ng pamilya katulad ng mga kapamilya ng ating asawa (1 Timoteo 5:8).

Ang susunod sa pagpapahalaga sa mga iba pang miyembro ng pamilya at kapamilya ng ating asawa sa listahan ng dapat pahalagahan ay ang ating mga kapwa mananampalataya. Sinsasabi sa atin ng Roma 14 na huwag nating husgahan o hamakin ang ating mga kapatid (talata 10) o kaya ay gumawa tayo ng anumang bagay na kanilang "ikatitisod" o magpapabagsak sa kanilang espiritwalidad. Karamihan ng mga payo sa aklat ng Unang Corinto ay mga instruksyon ni Pablo kung paano mamumuhay ang mga Kristiyano ng may pagkakasundo sa isa't isa at may pagmamahalan. Ang iba pang mga katuruan ay tumutukoy sa "paglilingkod sa isa't isa sa pag-ibig" (Galatia 5:13); "Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo." (Efeso 4:32); "At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo." (1 Tesalonica 5:11); at "Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa" (Hebreo 10:24). Sa huli, ang dapat pahalagahan ngisang Kristiyano ay ang lahat ng tao sa mundo (Mateo 28:19), kung kanino dapat na ipangaral ang Ebanghelyo at gumawa ng mga alagad para kay Kristo.

Sa konklusyon, ang kaayusan ng pagpapahalaga ayon sa Bibliya ay una ang Diyos, pangalawa ang asawa, ikatlo ang mga anak, mga magulang, mga kamaganak, mga kapatid sa pananampalataya at ang lahat ng tao sa mundo. Kahit minsan ang ating desisyon ay napapatuon ng higit sa isang tao kaysa sa iba, ang layunin ay huwag pabayaan ang ating mga karelasyon. Ang Biblikal na balanse ay ang pagdalangin sa Diyos na bigyan tayo ng kakayahan na katagpuin ang lahat ng ating mga pinahahalagahan sa loob at labas ng ating mga pamilya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba dapat ang tamang kaayusan ng pagpapahalaga sa ating mga pamilya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries