Tanong
Paano inilalarawan ng Bibliya ang isang huwarang pamilyang Kristiyano?
Sagot
Ang isang huwarang pamilyang Kristiyano ay isang pamilya na sumusunod sa mga prinsipyo ng Bibliya at isang pamilya kung saan nauunawaan at ginagampanan ng bawat miyembro ang papel na ibinigay sa kanila ng Diyos. Hindi isang institusyon ang pamilya na itinatag lamang ng tao. Ito ay itinatag ng Diyos para sa ikabubuti ng tao, at ipinagkatiwala sa lalaki ang pamamahala dito. Ang isang pamilya ay binubuo ng isang lalaki at isang babae – ang kanyang asawa – at ng kanilang mga anak o mga ampon. Maaaring makabilang sa isang pamilya ang mga kamag-anak gaya ng lolo at lola, pamangking babae at lalaki, mga pinsan at mga tito at tita. Ang isa sa mga pangunahing prinsipyo ng pamilya ay kinapapalooban ng pagtatalaga isa't isa ayon sa kalooban ng Diyos sa buong buhay ng bawat miyembro. Responsable ang magasawa sa pagpapanatili ng magandang relsayon sa kanilang pamilya anuman ang kulturang kanilang ginagalawan.
Siyempre, ang unang pamantayan para sa mga miyembro ng isang Kristiyanong pamilya ay Kristiyano silang lahat at may tunay na relasyon sa Panginoong Jesu Cristo bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas. Ibinigay sa Efeso 5:22–33 ang mga alituntunin para sa asawang lalaki at asawang babae sa isang Kristiyanong pamilya. Hinihingi sa isang lalaking asawa na ibigin ang kanyang asawa gaya ng pag-ibig ni Kristo sa iglesya at kailangan namang igalang ng asawang babae ang kanyang asawa at pasakop sa kanyang pangunguna sa pamilya. Ang pangunguna ng asawang lalaki ay dapat na magsimula sa kanyang sariling relasyon sa Diyos at pagkatapos ay dumaloy ito sa pagtuturo sa kanyang asawa at mga anak ng mga pagpapahalagang espiritwal at pinangungunahan ang kanyang pamilya patungo sa mga biblikal na katotohanan. Inutusan ang mga ama na palakihin ang kanilang mga anak sa "disiplina at aral ng Panginoon" (Efeso 6:4). Dapat din na ipagkaloob ng ama ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Kung hindi, parang tumalikod na siya sa pananampalataya, "at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya" (1 Timoteo 5:8). Kaya nga, ang isang ama ng tahanan na hindi nagsisikap para maibigay ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya ay walang karapatang tawagin ang kanyang sarili na isang Kristiyano. Hindi ito nangangahulugan na hindi dapat na tumulong ang kanyang asawang babae sa pagsuporta sa pamilya — ipinapakita sa Kawikaan 31 ang ginagawa ng isang mabuting asawa—ngunit hindi niya pangunahing responsibilidad ang pagbibigay ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Responsibilidad ito ng kanyang asawa.
Ibinigay ng Diyos ang babae sa lalaki upang kanyang maging katuwang sa buhay (Genesis 2:18–20) at upang magdala ng kanyang anak sa kanyang sinapupunan. Dapat na manatiling tapat sa isa't isa ang magasawa habang buhay. Idineklara ng Diyos ang pagkakapantay sa halaga ng babae at lalaki dahil pareho silang nilkha ayon sa Kanyang wangis at parehong mahalaga sa mata ng Diyos. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na magkapantay sila ng papel na ginagampanan. Sa pangkalahatan, mas naaangkop ang babae sa pagaaruga at pangangalaga sa mga bata, habang ang lalaki naman ay mas naaangkop sa pagbibigay ng pangangailangan at sa pangangalaga sa kanyang pamilya. Kaya nga pantay sila sa estado, ngunit may magkaibang papel na ginagampanan ang bawat isa sa isang Kristiyanong pagaasawa.
Sa Kristiyanong pagaasawa, mahalaga ang alituntunin ng Bibliya patungkol sa sekswal na ugnayan. Sinasalungat ng Bibliya ang pananaw sa maraming kultura na katanggap-tanggap sa Diyos ang diborsyo, pagsasama ng hindi pa kasal at pagaasawa ng pareho ang kasarian. Ang sekswalidad na ipinapahayag ayon sa pamantayan ng Bibliya ay isang magandang ekspresyon ng pag-ibig at pagtatalaga sa isa't isa. Labas sa ordinansa ng kasal, ang pagtatalik ay isang kasalanan.
Binigyan ang mga anak ng dalawang pangunahing responsibilidad sa pamilyang Kristiyano: ang sumunod at gumalang sa kanilang mga magulang (Efeso 6:1–3). Ang pagsunod sa magulang ay isang tungkulin ng mga anak hanggang sumapit sila sa hustong gulang ngunit responsibilidad nila habang buhay ang paggalang sa kanilang mga magulang. Ipinangako ng Diyos ang mga pagpapala sa mga gumagagalang sa kanilang mga magulang.
Sa ideyal, ang lahat ng miyembro ng isang Kristiyanong pamilya ay dapat na nagtatalaga kay Kristo ng kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Kung gagampanan ng ama, ina at mga anak ang papel na ibinigay sa kanila ng Diyos, maghahari ang kapayapaan at pagkakaisa sa tahanan. Ngunit, kung tatangkain natin na magkaroon ng isang pamilyang Kristiyano ng wala si Kristo bilang pangulo at hindi tayo sumusunod sa mga prinsipyo na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Bibliya, magdurusa ang ating pamilya.
English
Paano inilalarawan ng Bibliya ang isang huwarang pamilyang Kristiyano?