Tanong
Ano ang mga pamilyar na espiritu?
Sagot
Ang salitang pamilyar ay galing sa salitang latin na ‘familiaris,’ na ang ibig sabihin ay ‘alipin sa bahay,’ at may layunin na ipahayag ang ideya ng mga ‘aliping espiritu’ ng mga mangkukulam at manggagaway na sumusunod sa kanilang mga utos. Ang mga nagtatangka na kausapin ang mga patay hanggang sa panahong ito, ay mga espiritu na gumagabay at nakikipagugnayan sa kanila. Ito ang mga pamilyar na espiritu.
Tinutukoy sa Levitico 19:31; 20:6, 27 at Deuteronomio 18:9-14 ang mga 'manggagaway’ at mga ‘pamilyar na espiritu’ at ipinagbabawal ang pakikibahagi sa kanila dahil ito ay kasuklam suklam sa Panginoon. Ang isang manggagaway ay nagsisilbing tulay sa pakikipagusap ng mga nabubuhay sa kaluluwa ng kanilang mga namatay. Sa katotohanan, ang mga tumatawag sa mga demonyo ay nakumbinse ang mga manggagaway na ito na sila ay mga pamilyar na espiritu at maaari silang pagtiwalaan. Ang mga manggagaway, manghuhula at mga mangkukulam at ang kanilang pakikipagugnayan sa mga pamilyar na espiritu ay mahigpit na ipinagbabawal sa Israel at kamatayan ang parusa para sa mga gumagawa nito.
Ang mga pamilyar na espiritu at mga ‘gabay’ na espiritu ay nasa ilalim ng pamamahala ng kanilang panginoon na walang iba kundi si Satanas. Iniimpluwensyahan nila ang mga tao na ikalat ang kasinungalingan upang labanan ang kaharian ng Diyos. Ang pakikilahok sa ganitong gawain ng demonyo ay karumaldumal sa Diyos: "Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, o enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo" (Deuteronomio 18:10-13).
Ang ilang pamamaraan ng mga demonyo o mga ‘pamilyar na espiritu’ upang makapanghimasok sa buhay ng tao ay ang panghuhula, pagyo-yoga o transcendental meditation, pagangkin sa mga bagay na iniisip o ‘visualization,’ pakikipagusap sa mga patay, pangkukulam, at alak at droga. Inuutusan ng Bibliya ang mga mananampalataya na umiwas sa mga gawaing ito. Sa halip, dapat tayong mapuspos ng Banal na Espiritu at ipakita sa ating buhay ang mga bunga gaya ng pag-ibig, kagalakan, at ang kapuspusan ng buhay na nanggagaling sa Panginoong Hesu Kristo. Inuutusan din tayo na magbantay laban sa masasamang espiritu, "Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan” (Efeso 6:12).
English
Ano ang mga pamilyar na espiritu?