settings icon
share icon
Tanong

Bakit maituturing na pamumuhay sa kasalanan ang pagsasama ng hindi muna ikinakasal?

Sagot


Ang katanungang ito ay mas madaling sagutin kung may makikitang pangungusap sa Bibliya na gaya ng "ang pagsasama bago ang kasal ay pamumuhay sa kasalanan." Dahil hindi partikular na tinukoy sa Bibliya ang isyung ito, marami (kabilang ang mga nagaangkin na sila ay Kristiano) ang nagpapalagay na ang pagsasama ng hindi kasal ay hindi pamumuhay sa kasalanan. Maaaring ang dahilan kung bakit hindi nakikita sa Bibliya ang malinaw na deklarasyon na pamumuhay sa kasalanan ang pagsasama ng hindi kasal ay dahil napakabihira lamang noong panahon ng Bibliya ang nagsasama ng hindi dumadaan sa tamang proseso lalo na para sa mga Hudyo at mga Kristiyano. Para sa layunin ng artikulong ito, kung babanggitin namin ang pagsasama sa iisang bubong, tinutukoy namin ang pamumuhay na magkasama bilang magasawa at pagtatalik ng hindi dumadaan sa matrimonyo ng kasal. Hindi namin dito tinutukoy ang pagsasama ng isang lalaki at isang babae sa iisang bahay ng walang nagaganap na sekswal na relasyon.

Habang hindi binabanggit ng malinaw sa Bibliya na kasalanan ang ganitong uri ng pagsasama, hindi ito nangangahulugan na ganap na tahimik ang Bibliya sa isyung ito. Sa halip, pinagsama-sama namin ang mga talata kung saan itinuturo ang prinsipyo na anumang sekswal na ugnayan na labas sa ordinansa ng kasal ay kasalanan. Napakaraming talata sa Kasulatan ang nagdedeklara ng pagbabawal sa sekswal na imoralidad (Gawa 15:20; 1 Corinto 5:1; 6:13, 18; 10:8; 2 Corinto 12:21; Galatia 5:19; Efeso 5:3; Colosas 3:5; 1 Tesalonica 4:3; Judas 7). Ang salitang Griyego sa mga talatang ito na isinalin sa salitang tagalog na "sekwal na imoralidad" o "pakikiapid" ay porneia, at literal itong nangangahulugan ng "isang pagnanasang hindi naaayon kautusan." Dahil ang tanging anyo ng pagnanasa na naaayon sa kautusan ay para lamang sa magasawa (Genesis 2:24; Mateo 19:5), anumang sekswal na aktibidad na labas sa kasal, ito man ay pakikiapid, pangangalunya, pagtatalik bago ang kasal, kabaklaan, at iba pa ay hindi naaayon sa batas ng Diyos at sa ibang salita ay kasalanan. Ang pagsasama sa iisang bubong bago ang pagpapakasal ay bumabagsak sa kategorya ng pakikiapid – isang kasalanang sekswal.

Inilarawan sa Hebreo13:4 ang katanggap-tanggap na kalagayan ng pagaasawa: "Dapat ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya." Malinaw na inilalahad sa talatang ito ang pagkakaiba sa pagitan ng marangal at banal na pagaasawa at sekswal na imoralidad—ang anumang sekswal na relasyon na labas sa ordinansa ng kasal. Dahil ang pagsasama ng hindi kasal ay nasa ilalim ng kategoryang ito, ito ay kasalanan. Ang sinuman na nakikisama sa isang tao ng hindi naaayon sa kautusan ay nagiimbita sa galit at hatol ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit maituturing na pamumuhay sa kasalanan ang pagsasama ng hindi muna ikinakasal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries