Tanong
Ano ang pamumusong? Ano ang ibig sabihin ng mamusong?
Sagot
Ang pamumusong ay tahasang paglaban at pagsasalita ng masama laban sa Diyos o lubusang kawalan ng paggalang sa Diyos. Ang pamumusong ay pagsasalita o pagsusulat ng mga bagay na dumudungis sa pangalan, katangian, gawain at kalikasan ng Diyos.
Ang pamumusong ay isang seryosong krimen sa Kautusan ng Diyos na Kanyang ibinigay kay Moises. Dapat na sambahin at sundin ng mga Israelita ang Diyos. Sa Levitico 24:10–16, isang lalaki ang namusong sa pangalan ng Diyos. Para sa mga Hebreo, ang pangalan ay hindi lamang pantawag sa isang tao. Ito ay sumasalamin sa karakter ng isang tao. Ang lalaki na namusong sa pangalan ng Diyos sa aklat ng Levitico ay binato hanggang mamatay.
Inilahad sa Isaias 36 ang kuwento tungkol kay Senaquerib, ang hari ng Asiria at ang kanyang pagtatangka na pahinain ang moral ng mga taga Juda bago niya salakayin ang Jerusalem. Pagkatapos niyang banggitin ang kanyang maraming tagumpay, kanyang sinabi, "Sino sa kanila sa lahat ng Dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?" (Isaias 36:20). Namusong si Senaquerib sa pagpapalagay na ang Diyos ng Israel ay kapareho lamang ng mga diyus-diyusan ng mga bansa sa palibot. Binanggit ng Hari ng Juda na si Ezekias ang pamumusong na ito sa kanyang panalangin sa Diyos, kung saan hiniling niya sa Diyos na iligtas Niya sila mula sa kamay ni Senaquerib bilang pagtatanggol sa Kanyang sariling karangalan (Isaias 37:4, 17). At ito nga ang eksaktong ginawa ng Diyos. Ipinaliwanag sa Isaias 37:36-37, "At ang Anghel ng Panginoon ay lumabas at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria ng isang daan at walungpu't limang libo; at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinamaugahan, narito ang lahat ay mga katawang bangkay. Sa Gayo'y umalis si Senaquerib na hari ng Asiria, at yumaon at umuwi at tumahan sa Ninive." Di naglaon, pinatay si Senaquerib sa templo ng kanyang diyus-diyusang si Nisroch (Isaias 37:38).
Responsable ang mga sumasampalataya at sumusunod sa Diyos upang tiyakin na ang kanilang paguugali ay hindi magiging dahilan upang laitin ng iba ang pangalan ng Diyos. Sa Roma 2:17-24, pinagalitan ni Pablo ang mga nagaangkin na sila ay ligtas sa pamamagitan ng kautusan ngunit namumuhay naman sa kasalanan. Gamit ang Isaias 52:5, sinabi sa kanila ni Pablo, "Sapagkat ang pangalan ng Dios ay nilalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat" (talata 24). Sa 1 Timoteo 1:20, ipinaliwanag ni Pablo na ipinaubaya na niya ang dalawang bulaang guro kay Satanas upang, " Sila'y maturuang huwag mamusong"; kaya nga, ang pagpapalaganap ng maling aral at pandaraya sa mga anak ng Diyos sa hangaring iligaw sila sa pananampalataya ay isa ring uri ng pamumusong.
Binanggit ni Hesus ang isang espesyal na uri ng pamumusong — ang pamumusong laban sa Espiritu Santo — na ginagawa ng mga lider relihiyon ng Kanyang panahon. Saksi ang mga Pariseo sa Kanyang mga himala, ngunit ibinintang nila ang gawain ng Banal na Espiritu sa gawa at presensya ng isang demonyo (Markos 3:22-30). Ang kanilang paglalarawan sa banal na gawain ng Espiritu bilang gawa ng demonyo ay sinasadya, isang nakakainsultong pagtanggi sa Diyos at walang kapatawaran.
Ang isa sa pinakamalalang uri ng pamumusong ay ang krimen ng pamumusong ng mga saserdote at mga Pariseo sa kanilang pagkondena kay Hesu Kristo (Mateo 26:65). Nauunawaan nila na inaangkin ni Hesus na Siya ay Diyos. Kung hindi ito totoo, ito ay isang panlalait sa Diyos. Kung si Hesus ay isa lamang tao na nagaangkin bilang Diyos, lalabas na Siya ay isang mamumusong. Gayunman, bilang ikalawang persona sa Trinidad, buong katotohanang inangkin ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos (Filipos 2:6).
Ang totoo, sa tuwing gumagawa tayo o nagsasabi ng isang bagay na nagbibigay sa iba ng dahilan upang magkaroon ng huwad na representasyon ng kaluwalhatian, kabanalan, kapamahalaan, at katangian ng Diyos, namumusong tayo. Sa tuwing hindi tayo namumuhay bilang mga anak ng Diyos, sinisira natin ang Kanyang karangalan at reputasyon. Sa kagandahang loob ng Diyos, pinatatawad ni Hesus maging ang kasalanan ng pamumusong. Sinalungat ni Pedro ang layunin ni Hesus (Mateo 16:22), sinulsulan ni Pablo na mamusong sa Diyos ang ibang tao (Gawa 26:9-18), at inisip ng mismong mga kapatid ni Hesus na nasisiraan siya ng ulo (Markos 3:21). Ang lahat ng mga ito ay nagsisi at pinatawad silang lahat ni Hesus.
English
Ano ang pamumusong? Ano ang ibig sabihin ng mamusong?