settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Panahon ng Iglesya? Saang bahagi ng biblikal na kasaysayan naaangkop ang Panahon ng Iglesya?

Sagot


Ang “panahon” ay tumutukoy sa yugto o kapanahunan ng isang kasaysayan. Hinati ng ilang mananalaysay ang kasaysayan ng sangkatauhan sa maraming epoch o yugto ng panahon at pinangalanan nila ito ayon sa katangian nito: Gitnang panahon, Modernong panahon, postmodernong panahon, atbp. kagaya ng mga ito, ang biblikal na kasaysayan ay maaari ding hatiin sa magkakaibang bahagi. Dispensasyon ang turing sa mga panahon kung saan makikita na binibigyang diin ang pakikipag ugnayan ng Diyos sa kanyang nilikha. Sa isang malawak na pagtingin, ang kasaysayang biblikal ay maaaring hatiin sa dalawang kapanahunan, ang Lumang Tipan: panahon ng Kautusan at ang panahon ng Iglesya.

Ang panahon ng Iglesya ay tumutukoy sa yugto ng panahon mula sa pentecostes (Gawa 2) hanggang sa panahon ng pagdagit (na inihula sa 1 Tesalonica 4:13-18). Tinatawag itong panahon ng Iglesya sapagkat nasasaklaw nito ang kapanahunan ng pag iral ng Iglesya dito sa daigdig. Tumutugma ito sa dispensasyon ng biyaya. Sa kasaysayan ng mga hula ito ay nasa ika-69 at ika-70 ayon kay Daniel (Daniel 9:24-27; Roma 11). Mababasa rin natin sa Mateo 16:18 na Inihula ni Jesus ang panahon ng Iglesya nang sabihin niya na, “Itatayo ko ang aking iglesya,” tinupad ni Jesus ang pangakong ito, kaya't ang kanyang iglesya ay patuloy na lumalago humigit kumulang 2000 taon na ang nakalilipas.

Ang Iglesya ay binubuo ng mga taong sumampalataya at tumanggap kay Jesu-Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas (Juan 1:12; Gawa 9:31). Samakatuwid, ang Iglesya ay hindi nangangahulugang gusali o denominasyon, kundi ito ay tumutukoy sa kalipunan ng mga tao. Ito ang katawan ni Cristo kung saan Siya ang ulo (Efeso 1:22-23). Bilang karagdagan, ang ibig sabihin ng salitang griyegong ecclesia na isinalin bilang iglesya ay “mga tinawag o ibinukod na kalipunan.” Pandaigdigan ang saklaw ng iglesya ngunit mayroon itong mga lokal na pagtitipon.

Ang pangkalahatang dispensasyon ng biyaya ay binubuo ng Panahon ng Iglesya. “Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo” Juan 1:17). Dahil dito, sa unang pagkakataon ng buong kasaysayan ay makikita natin na ang Diyos ay nanahan ng walang hanggan sa kanyang nilikha. Sa ibang mga dispensasyon ay laging makikita ang presensya at pagkilos ng Espiritu Santo. ngunit ang kanyang pananahan sa ibang tao ay pansamantala lamang (hal. 1 Samuel 16:14). Ang permanenteng paninirahan ng Espiritu Santo sa bayan ng Diyos ang palatandaan ng Panahon ng Iglesya (Juan 14:16).

Mauunawaan natin na ipinapakita ng Bibliya ang pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng Iglesya (1 Corinto 10:32). Ngunit mayroong mga pagkakapareho minsan sapagkat ang mga Judio na sumampalataya kay Jesus bilang Mesiyas ay kabilang sa Iglesya. Subalit ang kasunduan ng Diyos sa Israel ay hindi pa natutupad at ang pangakong iyon ay hihintaying maganap sa panahon ng Milenyal na Kaharian, pagkatapos ng Panahon ng Iglesya (Ezekiel 34; 37; 45; Jeremias 30; 33; Mateo 19:28; Pahayag 19).

Magwawakas ang Panahon ng Iglesya kapag ang mga anak ng Diyos ay dinagit na mula sa sanlibutan at kinuha na ng Panginoon (1 Corinto 15:51-57). Kasunod ng pagdagit ay ang hapag sa kasal ng Kordero (Pahayag 19:6-9) na magaganap habang ang Iglesya na kasintahan ni Cristo, ay tumatanggap ng kanyang makalangit na gantimpala. Subalit hangga't hindi dumarating ang panahong iyan, ang Iglesya ay hinihimok na patuloy na taglayin ang pag asa, “magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya” (1 Corinto 15:58).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Panahon ng Iglesya? Saang bahagi ng biblikal na kasaysayan naaangkop ang Panahon ng Iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries