settings icon
share icon
Tanong

Ano ang panahon ng kabagabagan ni Jacob?

Sagot


Ang pariralang ‘panahon ng kabagabagan ni Jacob’ ay nanggaling sa Jeremias 30:7 kung saan mababasa, "Ay! sapagka't ang araw na yaon ay dakila, na anopa't walang gaya niyaon: siya ngang panahon ng kabagabagan ng Jacob; nguni't siya'y maliligtas doon" (KJV).

Sa talatang ito ng Jeremias 30, makikita natin na ang Panginoon ang nakikipagusap kay Propeta Jeremias tungkol sa Juda at Israel (30:3-4). Sa talata 3, nangako ang Panginoon na isang araw sa hinaharap, ibabalik Niyang muli ang Israel at Juda sa lupain na Kanyang ipinangako sa kanilang mga ninuno. Inilarawan sa talatang 5 ang isang nakakatakot at kasindak-sindak na panahon. Sinasabi sa talatang 6 na ang panahong iyon ay tulad sa isang babae na nagdaranas ng sakit ng panganganak, na nagpapahiwatig ng matinding paghihirap. Ngunit may pag-asa para sa Juda at Israel dahil bagama't ang panahong iyon ay tinatawag na "panahon ng kabagabagan ni Jacob," ipinangako ng Panginoon na ililigtas Niya si Jacob (na tumutukoy sa Juda at Israel) sa panahong ito ng dakilang kapighatian (talata 7).

Sa Jeremias 30:10-11 sinabi ng Panginoon, "Sapagka't ako'y sumasaiyo sabi ng Panginoon upang iligtas kita: sapagka't gagawa ako ng lubos na kawakasan sa lahat na bansa na aking pinapangalatan sa iyo, nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo; kundi sasawayin kita ng kahatulan, at walang pagsalang hindi kita iiwan na walang parusa."

Gayundin, sinasabi ng Panginoon na wawasakin Niya ang mga bansa na magdadala sa Juda at Israel sa pagkabihag at hindi Niya hahayaan na mawasak ng tuluyan ang Israel. Gayunman, mapapansin na inilarawan ng Panginoon ang panahong ito bilang panahon ng Kanyang pagdidisiplina sa Kanyang bayan. Sinabi Niya tungkol kay Jacob, "Nilimot ka ng lahat na mangingibig sa iyo; hindi ka nila hinahanap: sapagka't sinugatan kita ng sugat ng kaaway, ng parusa ng mabagsik; dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami."

Sinasabi sa Jeremias 30:7, "sapagka't ang araw na yaon ay dakila, na anopa't walang gaya niyaon." Ang tanging yugtong ito ng panahon sa kasaysayan ay tumutugma sa panahon ng "Dakilang Kapighatian". Ang panahong ito ay walang katulad sa kasaysayan ng sanlibutan.

Inilarawan ni Hesus ang Kapighatian sa pamamagitan ng paggamit ng mga imahe na gaya ng ginamit ni Jeremias. Sa Mateo 24:6-8, sinabi Niya na darating ang maraming bulaang Kristo, magkakaroon ng mga digmaan, salot, tag-gutom at mga lindol sa iba't ibang dako bilang "pasimula ng kahirapan" gaya ng babaeng nanganganak.

Inilarawan din ni Pablo ang dakilang kapighatian na tulad sa sakit na nararamdaman ng isang babaeng nanganganak. Sinabi niya sa 1 Tesalonica 5:3, "Pagka sinasabi ng mga tao, kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan." Ang pangyayaring ito ay kasunod ng pagdagit sa mga mananampalataya at ang pagaalis ng Iglesya sa mundo sa 1 Tesalonica 4:13-18. Sa 1 Tesalonica 5:9, binigyang diin muli ni Pablo ang pagkawala ng Iglesya sa panahong ito sa pamamagitan ng pagsasabi, "Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo." Ang ‘galit’ na tinutukoy dito ni Pablo ay ang hatol ng Diyos sa mga hindi mananampalataya at ang kanyang pagdidisiplina sa Israel sa panahon ng Dakilang Kapighatian.

Ang mga "sakit na ito ng panganganak" ay inilarawan ng detalyado sa Pahayag 6-12. Ang isa sa layunin ng Diyos sa Kapighatian ay ang pagpapanumbalik sa bansang Israel.

Para sa mga tumanggap kay Kristo bilang kanilang Tagapagligtas mula sa kasalanan, ang panahon ng ‘kabagabagan para kay Jacob’ ay isang bagay na dapat nating ipagpasalamat sa Panginoon dahil inilalarawan nito ang pagtupad ng Diyos sa Kanyang mga pangako. Ipinangako Niya sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo at ipinangako Niya sa atin ang isang lupa at ang lahat ng pagpapala kay Abraham at sa kanyang lipi. Gayunman bago Niya tuparin ang mga pangakong ito, buong pagmamahal Niyang didisiplinahin ang bansang Israel upang manumbalik silang muli sa Kanya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang panahon ng kabagabagan ni Jacob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries