Tanong
Ano ang panahon ng mga Hentil?
Sagot
Sa Lukas 21:24, sinabi ni Jesus ang mga mangyayari sa hinaharap kasama ang pagkawasak ng Jerusalem at ang Kanyang muling pagparito. Sinabi Niya “mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.” Isang kaparehong parirala ang makikita sa Roma 11:25 kung saan sinasabi, “Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos.” Sinasabi ba sa atin ng Bibliya kung ano ang kahulugan ng pariralang “panahon ng mga Hentil?”
Hindi makikita sa Lumang Tipan ang eksaktong mga salita, pero may mga banggit na tila nagkakapareho sa Bagong Tipan. Tinukoy sa Ezekiel 30:3 “araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa” na may kaugnayan sa Araw ng Panginoon. Ang serye ng mga pangitain na nakita ni Daniel ay tungkol sa pang-buong mundong kapangyarihan ng mga Hentil at ang kanilang papel sa plano ng Diyos sa mundo. Ang imahe ni Nabucodonosor na gawa sa ginto, pilak, tanso, at putik (Daniel 2:31–45) ay kumakatawan sa magkakasunod na kaharian ng mga Hentil na mangingibabaw sa mundo bago ang muling pagparito ni Cristo at pagtatatag ng Kanyang pamamahala. Gayundin, ang pangitain ni Daniel tungkol sa apat na halimaw (Daniel 7:1–27) ay tungkol sa apat na hari o mga bansa na mamumuno ng ilang panahon bago maghari si Jesus magpakailanman. Ang pangitain tungkol sa isang lalaking tupa at kambing (Daniel 8:1–26) ay nagbibigay ng mas maraming detalye tungkol sa mga pinunong Hentil at sa panahon ng kanilang pamamahala. Sa bawat isa sa mga bahaging ito ng sulat ni Daniel, ang mga Hentil ang namumuno sa mundo, maging sa mga Judio ngunit ganap silang pasusukuin ng Diyos at itatatag ang kanyang sariling kaharian sa mundo ng minsan para sa lahat. Ang bawat hula ay nagtatapos sa isang pagtukoy sa kaharian ni Cristo, kaya ang “mga panahon” ng mga pinunong Hentil ay ang mga tao sa pagitan ng imperyo ng Babilonia ni Nabucodonosor at ang maluwalhating pagbabalik ni Cristo para itatag ang Kanyang kaharian. Nabubuhay na tayo ngayon sa “mga panahon ng mga Hentil,” o ang kapanahunan ng dominasyon ng mga Hentil.
Kung susuriin natin ang aklat ng Pahayag, makikita natin ang parehong pagtukoy sa panahon ng dominasyon ng mga Hentil na magtatapos sa muling pagparito ni Cristo. Sa pahayag 11:2, ipinapahiwatig ni Juan na sa ilalim ng pamumuno ng mga Hentil, maging ang templo ay muling itatayo. Ang mga hukbo ng halimaw ay ganap na lulupigin ng Panginoon sa Pahayag 19:17–19, bago ang pasimula ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo.
Sa pagtingin muli sa Lukas 21:24, makikita natin na binabanggit ni Jesus ang isang panahon kung kailan ang Jerusalem ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Hentil. Ang pagsakop ni Nabucodonosor sa Jerusalem noong 588 BC ang pasimula niyon at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ibinibigay sa atin sa Roma 11:25 ang isang pahiwatig tungkol sa plano ng Diyos sa mga panahon ng mga Hentil: ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa buong mundo. Ang mga organisasyon at mga imbensyon ng mga paganong pamahalaan ang kasangkapan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa buong mundo. Halimbawa, noong unang siglo, ang malawakang paggamit ng wikang Griyego at ang mga kalsadang ginawa ng Roma ang naging daan para makarating ang mga tao sa malalayong lugar para makapangaral o makarinig ang ebanghelyo.
Ang isa sa tema ng Roma 11 ay ito: Noong tanggihan ng mga Judio si Cristo, pansamantala silang pinutol mula sa mga pagpapala ng relasyon sa Diyos. Dahil dito, ang ebanghelyo ay ibinigay sa mga Hentil at buong galak nilang tinanggap ito. Ang pansamantalang pagpapatigas sa puso ng Israel ay hindi hadlang para maligtas ang inidibidwal na Judio pero pinipigilan nito ang bansang Israel sa pagtanggap kay Cristo bilang Mesiyas hangga’t hindi pa natatapos ang Kanyang mga plano. Sa tamang panahon, papapanumbalikin ng Diyos ang bansang Israel at lalapit silang muli sa pananampalataya sa Kanya na siyang magtatapos sa “panahon ng mga Hentil” (Isaias 17:7; 62:11–12; Roma 11:26).
English
Ano ang panahon ng mga Hentil?